Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Rimon

Rimon

[Puno ng Granada].

1. Ang Benjamitang ama nina Baanah at Recab, ang mga pumaslang sa anak ni Saul na si Is-boset; mula sa Beerot sa H ng Gibeah.​—2Sa 4:2, 5-7, 9.

2. Isang lunsod ng tribo ni Simeon sa lugar na napalilibutan ng tribo ni Juda. (Jos 19:1, 2, 7; “Remmon,” KJ) Nakatala ito kasunod ng lunsod ng Ain, at lumilitaw na ang En-rimon sa Nehemias 11:29 ay isang anyong tambalan na tumutukoy sa magkakambal na mga lunsod. Binanggit ito bilang nasa timog sa Zacarias 14:10. Ang mga guho ng isang lugar na tinatawag na Khirbet Umm er-Ramamin (Horvat Remalya), mga 15 km (9 na mi) sa H ng Beer-sheba, ang ipinapalagay na sinaunang lokasyon nito.

3. Isang nakapaloob na Levitang lunsod ng pamilyang Merari sa S hanggahan ng lupain ng Zebulon (Jos 19:10, 13); maliwanag na tinatawag na “Dimna” sa Josue 21:35 at “Rimono” sa 1 Cronica 6:77. Iniuugnay ito sa Rummana (Rimon), mga 10 km (6 na mi) sa H ng Nazaret.

4. Isang mataas na lugar na tulad-malaking bato na dito umurong ang 600 lalaki na mula sa tribo ni Benjamin na mga nakaligtas sa pagbabaka malapit sa Gibeah, kung saan bumangon ang buong Israel laban sa mga Benjamita upang ipaghiganti ang panggagahasa at pagpaslang sa babae ng isang Levita. (Huk 20:45-47) Nanatili sila roon hanggang noong lapitan sila ng mga sugo ukol sa kapayapaan. (Huk 21:13) Ang dating moog, na nasa mga 6 na km (3.5 mi) sa S ng Bethel at 18 km (11 mi) sa HHS ng Jerusalem, ay kilala ngayon bilang Rammun, kung saan matatagpuan ang isang maliit na nayon. Doon ay may isang batong-apog na bundok na hugis-kono, na ang tatlong panig ay napalilibutan ng mga bangin na maraming yungib.

5. Isang diyos ng Sirya. Kinilala ng Siryanong pinuno ng hukbo na si Naaman, matapos mapagaling sa kaniyang ketong, si Jehova bilang ang tunay na Diyos ngunit nagpahayag ng pag-aalala dahil kailangan niyang samahan ang hari ng Sirya sa templo ni Rimon at yumukod doon kasama ng hari sa harap ng idolo ni Rimon, yamang ang hari ay sumasandig sa bisig ni Naaman.​—2Ha 5:15-18.

Si Rimon ay karaniwang iniuugnay kay Ramman (nangangahulugang “Tagaungal, Tagapagpakulog”), isang diyos na kilalang pinakukundanganan sa Asirya at Babilonia. Iminumungkahi na ang pagsamba kay Rimon (Ramman) ay dinala pakanluran mula sa Asirya ng ilan sa mga tribo na nang maglaon ay namayan sa palibot ng Damasco. Itinuturing ng maraming iskolar na ang Rimon (Ramman) ay isang titulo lamang ng diyos-bagyo na si Hadad (Adad). Ang bagay na ang Tabrimon at ang Ben-hadad ay mga pangalan ng mga Siryanong hari ay nagpapahiwatig ng batayan upang iugnay si Rimon kay Hadad, yamang malamang na tinaglay ng mga haring ito ang pangalan o titulo ng kanilang pangunahing diyos.​—1Ha 15:18.

Ang Rimon na pinakundanganan sa Sirya ay walang alinlangang may malaking pagkakatulad kay Ramman. Sa mga Asiryano, ang huling nabanggit ay pangunahin nang isang diyos ng bagyo at kulog. Bagaman itinuturing na tagapagbigay ng ulan at sa gayon ay tagapaglaan ng tubig para sa mga balon at mga bukirin, si Ramman ay higit na iniuugnay sa mapangwasak na mga aspekto ng ulan at kidlat. Sa mga bantayog ng Asirya ay paulit-ulit na inilalarawan si Ramman bilang isang diyos ng digmaan. Gayundin ang turing sa kaniya sa Babilonia, kung saan si Ramman, ang diyos-buwan na si Sin, at ang diyos-araw na si Shamash ay bumubuo ng isa sa maraming tatluhang diyos.