Rizpa
[Pinainit na Bato; o, Nagbabagang Uling].
Isang babae ni Haring Saul; anak ni Aias. (2Sa 3:7; 21:11) Pagkamatay ni Saul, pinaghinanakit ng kaniyang anak na si Is-boset si Heneral Abner dahil pinapagsulit niya ito sa pagsiping kay Rizpa, isang akto na itinuring niyang nagpapahiwatig ng pag-agaw sa trono. Dahil dito, lumipat si Abner sa panig ni David.—2Sa 3:7-21.
Nagsilang si Rizpa ng dalawang lalaki kay Saul, sina Armoni at Mepiboset. Matagal na panahon pagkamatay ni Saul, kinuha ni David ang dalawang anak na ito ni Rizpa kasama ng limang iba pang inapo ni Saul at ibinigay ang mga ito sa mga Gibeonita, upang patayin, nang sa gayon ay alisin ang pagkakasala sa dugo mula sa lupain. Ang pito ay inilantad sa isang bundok, kung saan binantayan ni Rizpa ang mga bangkay ng mga ito mula sa mga ibon at mababangis na hayop “mula sa pasimula ng pag-aani hanggang sa bumuhos sa kanila ang tubig mula sa langit.” (2Sa 21:1-10) Ang di-matiyak na yugtong ito ng panahon ay maaaring lima o anim na buwan, maliban kung, gaya ng iminumungkahi ng ilan, nagkaroon ng di-inaasahan, wala-sa-panahong buhos ng ulan. Ang gayong malakas na ulan bago mag-Oktubre ay tunay na lubhang di-pangkaraniwan. (1Sa 12:17, 18; Kaw 26:1) Nang dakong huli ay narinig ni David ang bagay na iyon at tinapos ang pagbabantay ni Rizpa sa pamamagitan ng pagpapalibing sa mga bangkay.—2Sa 21:11-14.