Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Rodas

Rodas

[Rosas].

Isang pulo na malapit sa TK sulok ng Turkey at isa sa pinakamalalaking pulo sa Dagat Aegeano, at ito’y may haba na mga 75 km (47 mi) at lapad na mga 35 km (22 mi). Ang kabiserang lunsod nito ay tinatawag ding Rodas. Ang isang barko na sinakyan ni Pablo ay naglayag mula sa Cos hanggang Rodas noong malapit nang magtapos ang ikatlong paglalakbay ng apostol bilang misyonero noong mga 56 C.E.​—Gaw 21:1.

Dahil sa estratehikong lokasyon at maiinam na daungan ng Rodas, ito ay naging prominente bilang isang sentro ng kalakalan noong maagang bahagi ng kasaysayan nito. Gayunman, nang maglaon, waring higit na nakilala ang lunsod ng Rodas bilang isang sentrong pangkultura.

Ang Colossus ng Rodas, isang bronseng estatuwa ng diyos-araw na si Helios, ay nakatayo malapit sa daungan ng lunsod ng Rodas. Itinuturing ito na isa sa “pitong kamangha-manghang gawa” ng sinaunang daigdig at sinasabing ito ay may taas na mga 70 siko (31 m; 102 piye). Bagaman hindi na ito nakatayo noong mga araw ni Pablo, palibhasa’y bumagsak ito dahil sa isang lindol noong ikatlong siglo B.C.E., naroon pa rin ang pagkalaki-laking mga piraso ng Colossus hanggang sa Karaniwang Panahon. Hindi mapatunayan ang ideya na ang estatuwa ay nakasaklang sa pasukan patungo sa daungan anupat ang mga barko ay dumaraan sa pagitan ng mga binti nito.