Romano
Sa orihinal, at sa limitadong diwa, isa na nakatira sa lunsod ng Roma, Italya. (Gaw 2:10; Ro 1:7) Ngunit dahil sa paglaki ng imperyo, ang katawagang ito ay nagkaroon ng mas malawak na mga kahulugan. Kung minsan, ang terminong “mga Romano” ay tumutukoy sa namamahalang awtoridad ng imperyo; ang “pamamaraang Romano” ay nangahulugan ng pamamaraan ng awtoridad na iyon sa pamamahala. (Ju 11:48; Gaw 25:16; 28:17) Kung minsan naman, ang “Romano” ay basta tumutukoy sa sinumang may pagkamamamayang Romano, anuman ang kaniyang nasyonalidad o lugar ng kapanganakan.—Gaw 16:21.
Sa huling nabanggit na kaso, ang isang tao ay maaaring maging isang Romano sa pamamagitan ng pagbili ng pagkamamamayan, gaya sa kaso ng kumandante ng militar na si Claudio Lisias. O maaaring ang isa ay ipanganak na isang Romano, samakatuwid nga, isang mamamayang Romano mula sa kaniyang kapanganakan. Gayon ang apostol na si Pablo, na bagaman isang Judio batay sa nasyonalidad, at ipinanganak sa lunsod ng Tarso sa Cilicia na daan-daang kilometro ang layo sa Italya, mula sa kapanganakan ay isa na siyang Romano.—Gaw 21:39; 22:3, 25-28; 23:26, 27; tingnan ang MAMAMAYAN, PAGKAMAMAMAYAN.
Kasama sa pagiging isang mamamayang Romano ang maraming pribilehiyo at proteksiyon. Matapos malupig ang Macedonia noong 168 B.C.E., ang mga mamamayang Romano sa pangkalahatan ay libre sa pagbabayad ng buwis. Dahil sa Lex Valeria at Lex Porcia, na ipinatupad sa iba’t ibang panahon sa pagitan ng 509 at 195 B.C.E., naging eksemted ang mga mamamayang Romano mula sa panghahagupit. Inilaan ng Lex Valeria ang gayong eksemsiyon kapag ang mamamayan ay umapela sa bayan; ang Lex Porcia naman, kapag wala ang gayong pag-apela. Nang maglaon, ang mga pag-apela ay tuwirang inihaharap sa emperador. Para sa ilang kasalanan na may parusang kamatayan, makahihiling ang mga mamamayan na maipadala sila sa Roma, upang doon litisin sa harap mismo ng emperador. (Gaw 25:11, 12) Isang napakaseryosong bagay ang paglabag sa mga batas Valeriano o Porciano, gaya ng makalawang ulit na ipinakita may kaugnayan kay Pablo.—Gaw 16:37-40; 22:25-29.