Ruben
[Narito, Isang Anak na Lalaki!].
1. Ang panganay sa 12 anak na lalaki ni Jacob. Ang kaniyang ina ay ang di-paboritong asawa ni Jacob na si Lea, na nagbigay sa kaniya ng pangalang Ruben, “sa dahilang,” ang sabi niya, “tiningnan ni Jehova ang aking kaabahan, anupat ngayon ay iibigin na ako ng aking asawa.” (Gen 29:30-32; 35:23; 46:8; Exo 1:1, 2; 1Cr 2:1) Bilang resulta ng patuloy na paglingap ni Jehova sa kaniyang ina, si Ruben at ang kaniyang limang tunay na kapatid na lalaki (sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at Zebulon) ang bumuo ng kalahati ng orihinal na mga ulo ng mga tribo ng Israel; ang anim na iba pa (sina Jose, Benjamin, Dan, Neptali, Gad, at Aser) ay mga kapatid sa ama ni Ruben.—Gen 35:23-26.
Kinakitaan si Ruben ng ilang mabubuting katangian nang hikayatin niya ang kaniyang siyam na kapatid na ihulog si Jose sa isang tuyong balon sa halip na patayin ito, yamang binabalak ni Ruben na bumalik nang palihim at iahon si Jose mula sa balon. (Gen 37:18-30) Pagkalipas ng mahigit sa 20 taon, nang akalain ng mismong mga kapatid niyang ito na pinararatangan sila ng paniniktik sa Ehipto dahil pinagmalupitan nila noon si Jose, ipinaalaala sa kanila ni Ruben na hindi siya nakibahagi sa kanilang pakana na patayin si Jose. (Gen 42:9-14, 21, 22) Muli, nang tumanggi si Jacob na pasamahin si Benjamin sa kanila sa ikalawang paglalakbay nila patungong Ehipto, si Ruben ang nag-alok ng kaniya mismong dalawang anak bilang panagot para kay Benjamin, na sinasabi: “Ipapatay mo [sila] kung hindi ko siya maibabalik sa iyo.”—Gen 42:37.
Bilang panganay na anak ni Jacob, likas na nauukol kay Ruben ang mga karapatan ng panganay na
anak ng pamilya. Sa dahilang iyon, may karapatan siya sa dalawang bahagi ng ari-ariang naiwan ng kaniyang amang si Jacob. Mismong bago mamatay si Jacob, nang pagpalain niya ang kaniyang mga anak, ang tanong ay, Mapupunta ba kay Ruben ang mga karapatang ito ng panganay? Gayundin, ang patriyarkang si Jacob, bilang ulo ng pamilya, ay gumanap bilang saserdote ni Jehova para sa buong pamilya at naghandog ng mga hain sa altar ng pamilya at nanguna sa pananalangin at sa pagtuturo tungkol sa pagsamba. Bilang ama, gumanap din siyang gobernador ng buong pamilya at ng lahat ng kanilang mga lingkod, mga alagang hayop, at mga ari-arian. Maaatang kaya kay Ruben ang mga pananagutang ito?Si Ruben ang unang kinausap ni Jacob, na sinasabi: “Ruben, ikaw ang aking panganay, ang aking sigla at ang pasimula ng aking kakayahang magkaanak, ang kahigitan ng dangal at ang kahigitan ng lakas. Sa kawalang-hunos-dili na gaya ng tubig, huwag kang makahigit, sapagkat sumampa ka sa higaan ng iyong ama. Sa pagkakataong iyon ay nilapastangan mo ang aking higaan. Sumampa siya roon!”—Gen 49:3, 4.
Naalaala ni Jacob ang isang dahilan kung bakit hindi na kuwalipikado si Ruben sa kaniyang panghinaharap na mga pribilehiyo. Dinulutan ni Ruben ng kadustaan ang kaniyang ama. Gumawa siya ng insestong imoralidad sa babae ng kaniyang ama, si Bilha, ang alilang babae ng minamahal na asawa ni Jacob na si Raquel. Ginawa niya iyon di-kalaunan pagkamatay ni Raquel matapos nitong isilang si Benjamin. Hindi ipinaliliwanag ng ulat ng Bibliya kung hinalay ng panganay na si Ruben ang alilang babaing si Bilha upang hindi nito makuha ang pagmamahal ni Jacob kay Raquel, anupat baka higit itong mahalin ni Jacob kaysa kay Lea na kaniyang ina, o kung ginawa ito ni Ruben dahil lamang sa pagnanasa niya kay Bilha. Sinabi lamang nito: “At nangyari habang nagtatabernakulo si Israel sa lupaing iyon, minsan ay yumaon si Ruben at sinipingan si Bilha na babae ng kaniyang ama, at narinig ni Israel ang tungkol doon.” (Gen 35:22) Idinaragdag ng Griegong Septuagint: “At ito’y nagtinging napakasama sa kaniyang paningin.”—Gen 35:21, LXX, Thomson.
Si Ruben ay hindi naman itinakwil at pinalayas dahil dito. Pagkalipas pa ng maraming taon, nang pagpalain niya ang kaniyang mga anak, saka sinabi ni Jacob kay Ruben, sa ilalim ng pagkasi ng Diyos: “Huwag kang makahigit.” Sa gayon ay inalis kay Ruben ang mga pribilehiyong napasakaniya sana bilang panganay na anak. Ito ay dahil kumilos siya sa “kawalang-hunos-dili na gaya ng tubig.” Siya ay napatunayang alinman sa di-matatag na gaya ng tubig o maligalig at di-mapigilang gaya ng tubig na gumigiba ng prinsa o rumaragasang pababa sa isang agusang libis. Dapat sana’y nagpigil si Ruben ng kaniyang sarili. Dapat sana’y iginalang niya bilang isang anak ang dignidad ng kaniyang ama at pinakundanganan niya ang dalawang anak ni Bilha na babae ng kaniyang ama.
2. Ang pangalang Ruben ay kumakatawan din sa tribong binubuo ng mga inapo ni Ruben at gayundin sa lupain na kanilang mana. Ang tribo ni Ruben ay nagmula sa kaniyang apat na anak, sina Hanok, Palu, Hezron, at Carmi, ang mga ulo ng pamilya ng mga Rubenita.—Gen 46:8, 9; Exo 6:14; 1Cr 5:3.
Isang taon pagkatapos ng Pag-alis sa Ehipto, si Elizur, na anak ni Sedeur, ay pinili bilang pinuno na kakatawan sa buong tribo ni Ruben. (Bil 1:1, 4, 5; 10:18) Sa 12 tribo, ang tribo ni Ruben ay palaging isa sa may pinakamaliit na populasyon. Sa isang sensus na kinuha noong ikalawang taon ng pamamalagi sa ilang, itinala na ang Ruben ay may 46,500 na karapat-dapat sa paglilingkod militar, 20 taóng gulang at pataas. Pagkalipas ng mga 39 na taon, ang hukbong ito ay 43,730 na lamang.—Bil 1:2, 3, 20, 21; 26:5-7.
Sa kampo ng Israel, ang mga Rubenita, na nasa pagitan ng mga inapo nina Simeon at Gad, ay nasa T na panig ng tabernakulo. Kapag humahayo, ang tatlong-tribong pangkat na ito na pinangungunahan ng Ruben ay kasunod ng tatlong-tribong pangkat ng Juda, Isacar, at Zebulon. (Bil 2:10-16; 10:14-20) Ganito rin ang pagkakasunud-sunod ng mga tribo nang maghandog sila noong araw na pasinayaan ang tabernakulo.—Bil 7:1, 2, 10-47.
Nang maghimagsik si Kora na Levita laban kay Moises, tatlong Rubenita ang sumali sa paghihimagsik, si On, na anak ni Peleth, at sina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab. Sinabi nila na tinatangka ni Moises na “mag-astang prinsipe” sa kanila at na nabigo itong dalhin sila sa “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” Lumilitaw na si Nemuel, na kapatid nina Datan at Abiram, ay hindi nakibahagi sa paghihimagsik. (Bil 16:1, 12-14; 26:8, 9) Ipinakita ni Jehova na ang paghihimagsik na iyon ay kawalang-galang laban sa kaniya mismo; pinangyari niyang bumuka ang lupa upang lamunin nang buháy ang mga rebelde at ang kanilang mga pamilya, pati na ang lahat ng kanilang mga pag-aari.—Bil 16:23-33; Deu 11:6; tingnan ang ABIRAM Blg. 1.
Mga Atas na Teritoryo. Nang malapit nang pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, hiniling ng mga tribo nina Ruben at Gad na ibigay sa kanila ang teritoryo sa S ng Jordan. Nakuha ng Israel ang lupaing iyon nang magtagumpay sila sa dalawang haring sina Sihon at Og. Ikinatuwiran nila na Bil 32:1-38; Jos 1:12-18; 4:12, 13; 12:6; 13:8-10.
angkop na angkop iyon sa kanila sapagkat mayroon silang malalaking kawan at bakahan. Ang kahilingang ito ay ipinagkaloob ni Moises sa kanila (at sa kalahati ng tribo ni Manases) sa isang kundisyon, na ang mga hukbong pandigma ng mga tribong ito ay tatawid din sa Jordan at tutulong sa iba pang mga tribo sa pagsakop sa Canaan, isang kundisyon na malugod na tinupad ng dalawa at kalahating tribo.—Sa gayon, ang manang teritoryo ng Ruben ay naitakda na bago pa man tumawid sa Jordan ang mga Israelita, anupat ibinigay ni Moises mismo sa tribong ito ang timugang bahagi ng nalupig na kaharian ni Sihon. Sumasaklaw ito mula sa agusang libis ng Arnon, isang likas na hangganan sa pagitan ng teritoryong ito at ng Moab sa T, hanggang sa H ng Dagat na Patay; ang lupain sa H ng Ruben ay ibinigay sa mga Gadita. (Bil 34:13-15; Deu 3:12, 16; 29:8; Jos 13:15-23; 18:7) Kahangga nito sa silangan ang teritoryo ng mga Ammonita, at nasa kanluran naman nito ang Dagat na Patay at Ilog Jordan. (Jos 15:1, 6; 18:11, 17) Ang isa sa anim na kanlungang lunsod, ang Bezer, ay nasa teritoryo ng Ruben. Ito at ang iba pang mga lunsod ng Ruben ay ibinukod upang gamitin ng mga Levita.—Deu 4:41-43; Jos 20:8; 21:7, 36; 1Cr 6:63, 78, 79.
Itinagubilin ni Moises na, kapag nakarating na ang mga Israelita sa pinakaloob ng Canaan, ang tribo ni Ruben, kasama ang Gad, Aser, Zebulon, Dan, at Neptali, ay magkakaroon ng mga kinatawan sa Bundok Ebal para sa pagbasa ng mga sumpa, samantalang ang iba pang mga tribo ay magkakaroon ng mga kinatawan sa Bundok Gerizim para sa pagbigkas ng mga pagpapala. (Deu 27:11-13) Pagkatapos na maihanda ni Moises ang mga kaayusang ito, pinagpala niya ang Ruben at ang iba pang mga tribo. Sa mga Rubenita, sinabi ni Moises: “Mabuhay nawa si Ruben at huwag mamatay, at huwag nawang kumaunti ang kaniyang mga tao.”—Deu 33:1, 6.
Sa katapusan ng kampanya ni Josue sa Canaan, pinisan niya ang mga hukbong sandatahan ng Ruben, Gad, at ng kalahati ng tribo ni Manases at, matapos silang papurihan sa pagtupad ng kanilang mga pangako kay Moises, pinauwi na niya sila taglay ang kaniyang pagpapala. (Jos 22:1-8) Nang makarating sila sa Jordan, nagtayo sila ng isang napakalaking altar sa kanluraning pampang. Noong una ay hindi naunawaan ng ibang mga tribo ang pagkilos na iyon anupat muntik nang maging dahilan ng pagkasira ng kanilang kaugnayan, ng digmaang sibil pa nga. Ngunit nang maipaliwanag na ang altar ay hindi para sa paghahain, kundi magsisilbing saksi ng katapatan sa pagitan ng mga tribo sa magkabilang panig ng Jordan, ang altar ay binigyan ng pangalan, malamang na “Saksi,” sapagkat, ang sabi nila, “Iyon ay saksi sa pagitan natin na si Jehova ang tunay na Diyos.”—Jos 22:9-34.
Kasaysayan Nito Nang Dakong Huli. Pagkalipas ng maraming taon, nang umawit sina Barak at Debora ng isang maringal na awit ng tagumpay, ipinaalaala nila na ang mga Rubenita ay hindi sumama sa kanila sa pakikipagbaka kay Sisera. Dahil dito, “sa mga pangkat ni Ruben ay malaki ang mga pagsasaliksik ng puso.” (Huk 5:15, 16) Noong panahon ni Saul, ang mga Rubenita ay nakipagtulungan sa kanilang mga karatig na tribo at nagtamo ng malaking tagumpay laban sa mga Hagrita at sa mga kaalyado ng mga ito, “sapagkat sa Diyos sila humingi ng saklolo sa digmaan, at hinayaan niyang siya ay mapamanhikan sa kanilang ikabubuti sapagkat nagtiwala sila sa kaniya.” (1Cr 5:10, 18-22) Pagkatapos nito, kasama ang mga Rubenita sa mga nanirahan sa teritoryo ng mga Hagrita, lumilitaw na hanggang sa masupil ng Asirya ang Israel noong ikawalong siglo B.C.E., anupat kabilang ang mga Rubenita sa mga unang dinala sa pagkatapon. (1Cr 5:6, 22b, 26) Ang ilang indibiduwal na Rubenita, at ang tribo sa kabuuan nito, ay binabanggit may kaugnayan sa kasaysayan ni David, kapuwa bago siya maging hari at pagkatapos nito.—1Cr 11:26, 42; 12:37, 38; 26:32; 27:16.
Sa Hula. Sa makasagisag na mga aklat ng Ezekiel at Apocalipsis, ang Ruben ay binabanggit na may natatanging posisyon sa kaayusan may kaugnayan sa iba pang mga tribo. Halimbawa, sa pangitain ni Ezekiel, nakita niya sa gitna ng mga tribo ang “banal na abuloy” na lupaing kinaroroonan ng templo ni Jehova, ang lunsod na tinatawag na Jehova-Shamah, nangangahulugang “Si Jehova Mismo ay Naroroon,” at ang teritoryong pag-aari ng mga saserdote, ng mga Levita, at ng pinuno. Ang mismong katabi ng banal na lupaing ito sa hilaga ay ang Juda, at ang Ruben naman ang kahangga ng Juda sa hilaga. (Eze 48:6-22, 35) Gayundin, ang pintuang-daan na pinanganlang Ruben sa H panig ng banal na lunsod, ang Jehova-Shamah, ay kasunod ng pintuang-daan na pinanganlang Juda. (Eze 48:31) Sa katulad na paraan, sa pangitain ni Juan hinggil sa pagtatatak sa 12 tribo ng espirituwal na Israel, ang Ruben ay binabanggit na pangalawa, pagkatapos ng tribo ni Juda.—Apo 7:4, 5.