Rubi
Isang batong hiyas na mahalaga, malinaw, at pulang-pula, isang uri ng corundum. Binubuo ito ng aluminum oxide na may katiting na bahid ng kromyum at iron oxide na dahilan ng pulang kulay nito. Ito ay bibihira, mas mababang-uri nang kaunti sa diamante kung tigas ang pag-uusapan,
at kapag mataas ang kalidad at malaki, maaari nitong mahigitan pa ang halaga ng isang diamante na kasinlaki nito. May iba’t ibang kulay ito mula sa kulay-rosas hanggang sa napakamamahaling matingkad na pulang maasul-asul na kadalasa’y tinutukoy bilang pulang gaya ng “dugo ng kalapati.” Ang “rubi,” gaya ng pagkakagamit sa Bagong Sanlibutang Salin, ay isinalin mula sa dalawang salitang Hebreo (ʼoʹdhem; kadh·kodhʹ) na maliwanag na kapuwa nagpapahiwatig ng matingkad na pagkapula o sukdulang pagkapula.Ang unang bato sa unang hanay ng mga hiyas na nasa “pektoral ng paghatol” ng mataas na saserdoteng si Aaron ay isang rubi, at nakalilok doon ang pangalan ng isa sa 12 tribo ng Israel. (Exo 28:2, 15, 17, 21; 39:10) Ang “pananamit” ng hari ng Tiro ay binubuo ng rubi at ng iba pang mahahalagang bato. (Eze 28:12, 13) Ang Edom ay “mangangalakal” ng Tiro para sa mahahalagang rubi. Masugid na ipinangangalakal ng komersiyal na Tiro ang mga nakaimbak nito kapalit ng mga rubi at ng iba pang mga paninda. (Eze 27:2, 16) Bilang asawang nagmamay-ari sa Sion, inaliw ni Jehova ang lunsod at inilarawan niya ang magiging kagandahan nito, anupat sa isang bahagi ay sinabi niya: “Ang iyong mga moog ay gagawin kong yari sa mga rubi, at ang iyong mga pintuang-daan ay yari sa malaapoy at kumikinang na mga bato.”—Isa 54:5, 6, 11, 12.