Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Síya

Síya

[sa Ingles, saddle].

Isang upuang ikinakabit sa likod ng isang hayop para sa sakay nito. Maraming ulit na binabanggit sa Bibliya ang pagsisiya sa mga asno (Gen 22:3; Bil 22:21; 2Sa 17:23; 19:26; 1Ha 2:40; 13:13, 27; 2Ha 4:24), ngunit wala itong inilalaang paglalarawan ng mga síya. Batay sa katibayan mula sa mga sinaunang bantayog, lumilitaw na ang mga síya noon ng mga kabayo ay mga sapin lamang na tela o katad. Ang pandiwang Hebreo na “siyahan” ay may saligang kahulugan na “bigkisan,” anupat nagpapahiwatig na ang mga síya ay itinatali sa mga hayop. Inilalarawan ng isang sinaunang relyebe ang isang tulad-kahong síya na nakatali sa likod ng isang kamelyo na may iisang umbok. Walang anumang bagay na masasabi nang may katiyakan tungkol sa “pambabaing pansiyang basket ng kamelyo” na binanggit sa Genesis 31:34. Ang pananalitang Hebreo na kar hag·ga·malʹ ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “bag na pangkamelyo” (NE), “kamilyang pangkamelyo” (JB), at “síyang pangkamelyo” (AT).

Sa ilalim ng Kautusan, ang sinumang humipo sa síya na sinakyan ng isa na may agas ay nagiging marumi, gaya rin ng tao na humipo sa isang bagay na inupuan ng isang babaing nireregla.​—Lev 15:9, 19-23.