Sabbath, Taon ng
Ang ikapito sa bawat siklo na tigpipitong taon; sa taóng iyon, sa sinaunang Israel, pinahihintulutang makapagpahinga ang lupain, anupat hinahayaan itong di-nabubungkal, at ang mga kapuwa Hebreo ay hindi pinipilit na magbayad ng mga utang.
Ang taon ng Sabbath, tinutuos mula sa taóng 1473 B.C.E., ang taon ng pagpasok ng Israel sa Lupang Pangako, ay dapat ipagdiwang “sa pagwawakas ng bawat pitong taon,” sa katunayan ay sa tuwing ikapitong taon. (Deu 15:1, 2, 12; ihambing ang Deu 14:28.) Maliwanag na ang simula ng taon ng Sabbath ay sa pagpapatunog ng trumpeta tuwing Etanim (Tisri) 10, ang Araw ng Pagbabayad-Sala. Gayunman, naniniwala ang ilan na, samantalang ang taon ng Jubileo ay nagsisimula sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ang taon ng Sabbath naman ay nagsisimula sa Tisri 1.
Sa panahong iyon ay walang pagsasaka ng lupain, paghahasik, o pagpungos, ni magkakaroon man ng anumang pagtitipon ng bunga ng pananim, kundi ang mga tumubo sa ganang sarili ay hinahayaan sa bukid, anupat ang may-ari ng bukid pati ang kaniyang mga alipin, ang mga upahang trabahador, at ang mga naninirahang dayuhan ay makakakain mula roon. Isa itong maawaing paglalaan para sa mga dukha at, gayundin, para sa mga alagang hayop at sa maiilap na hayop, yamang makakakain din ang mga ito mula sa mga bunga ng lupain sa taon ng Sabbath.—Lev 25:1-7.
Deu 15:9; 31:10) Sa taóng iyon, ang lupain ay nagtatamasa ng lubusang kapahingahan, o pagpapalaya, yamang hinahayaan itong di-nabubungkal. (Exo 23:11) Sa panahon ding iyon ay may kapahingahan, o pagpapalaya, sa mga pagkakautang. Ito ay “isang pagpapalaya para kay Jehova,” bilang parangal sa kaniya. Ngunit iba naman ang pangmalas dito ng ilan. Naniniwala ang ilang komentarista na ang mga utang ay hindi naman aktuwal na kinakansela, kundi, sa halip, hindi maaaring pilitin ng may pautang ang kaniyang kapuwa Hebreo na magbayad ng utang, yamang walang kita sa taóng iyon ang magsasaka; gayunman, maaaring pilitin ng nagpahiram ang isang banyaga na magbayad. (Deu 15:1-3) Naniniwala naman ang ilang rabbi na ang mga utang para sa kawanggawa upang matulungan ang isang kapatid na dukha ay kinakansela, ngunit iba ang kategorya ng mga utang may kaugnayan sa negosyo. Sinasabi nila na, noong unang siglo ng Karaniwang Panahon, pinasimulan ni Hillel ang isang pamamaraan kung saan ang nagpahiram ay maaaring magtungo sa hukuman at hilinging huwag kanselahin ang kaniyang pautang sa pamamagitan ng paggawa ng isang deklarasyon.—The Pentateuch and Haftorahs, inedit ni J. Hertz, London, 1972, p. 811, 812.
Ang taon ng Sabbath ay tinawag na “ang taon ng pagpapalaya [hash·shemit·tahʹ].” (Ang taóng iyon ng pagpapalaya, o kapahingahan mula sa pamimilit na magbayad ng utang, ay hindi kapit sa pagpapalaya sa mga alipin, yamang marami sa mga ito ay nasa pagkaalipin dahil sa pagkakautang. Sa halip, ang aliping Hebreo ay pinalalaya sa ikapitong taon ng kaniyang pagkaalipin o sa Jubileo, alinman ang mauna.—Deu 15:12; Lev 25:10, 54.
Kinailangan ang pananampalataya upang ipangilin ang mga taon ng Sabbath bilang bahagi ng tipan ni Jehova sa Israel, ngunit saganang mga pagpapala ang ibubunga ng lubos na pagtupad sa tipan. (Lev 26:3-13) Nangako ang Diyos na maglalaan siya ng sapat sa panahon ng pag-aani ng ikaanim na taon upang magkaroon ng panustos na pagkain sa loob ng tatlong taon, mula sa ikaanim na taon hanggang sa pag-aani sa ikawalong taon. Dahil hindi maaaring maghasik ng pananim sa ikapitong taon, walang aning matitipon hanggang sa ikawalong taon. (Ihambing ang Lev 25:20-22.) Nang pumasok na ang Israel sa Lupang Pangako sa ilalim ng pangunguna ni Josue, anim na taon ang ginugol upang masupil ang mga bansa sa Canaan at maitakda ang mga lupaing mana. Sabihin pa, noong panahong iyon ay kakaunting pananim ang naihasik ng Israel, kung nakapaghasik man sila, ngunit may mga pagkain naman mula sa mga pananim ng mga Canaanita. (Deu 6:10, 11) Ang ikapitong taon ay isang sabbath, kaya naman kinailangan nilang magpakita ng pananampalataya at pagkamasunurin sa pamamagitan ng paghihintay hanggang sa pag-aani ng ikawalong taon, at dahil sa pagpapala ni Jehova ay nakaraos sila.
Sa tuwing taon ng pagpapalaya, sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol, ang buong bayan ay dapat magtipon, mga lalaki at mga babae, maliliit na bata at mga naninirahang dayuhan, upang makinig sa pagbabasa ng Kautusan.—Deu 31:10-13.
Kung natupad nang wasto ng Israel ang Kautusan, nakapagtamasa sana ang lupain ng 121 taon ng Sabbath bukod pa sa 17 taon ng Jubileo bago ang pagkatapon. Ngunit hindi nila lubusang ipinangilin ang mga taon ng Sabbath. Nang ang bayan ay yumaon sa pagkatapon sa Babilonya, nanatiling tiwangwang ang lupain sa loob ng 70 taon “hanggang sa mabayaran ng lupain ang mga sabbath nito.” (2Cr 36:20, 21; Lev 26:34, 35, 43) Walang sinasabi sa Kasulatan na eksaktong 70 taon ng Sabbath ang hindi ipinangilin ng mga Judio; ngunit hinayaan ni Jehova na mapunan ng ipinatupad na 70-taóng pagkatiwangwang ng lupain ang lahat ng taon ng Sabbath na hindi ipinangilin.