Sadrac
Ang pangalang Babilonyo ng isang Judiong tapon na binigyan ng isang mataas na posisyon sa pamahalaan ng Babilonya. Sina Sadrac, Mesac, at Abednego—ang tatlong kasamahan ni Daniel—ay laging magkakasamang binabanggit, at si Sadrac ang laging unang nakatala, marahil dahil ang kani-kanilang pangalang Hebreo—Hananias, Misael, at Azarias—ay laging lumilitaw na nasa alpabetikong pagkakasunud-sunod ayon sa mga titik Hebreo. Ibinigay sa kanila ang mga pangalang Babilonyo pagkatapos na dalhin sila sa Babilonya. Doon ay tumanggap sila ng pagsasanay, yamang naobserbahan na sila’y mga kabataang makikinis, makikisig at matatalino. Sa pagtatapos ng tatlong-taóng pag-aaral, sina Sadrac, Mesac, at Abednego ay nasumpungang sampung ulit na mas magaling kaysa sa matatalinong lalaki ng Babilonya. Tiyak na pinagpala sila ni Jehova, at walang alinlangang ang isang dahilan ay ang kanilang matatag na pagtangging dumhan ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain ng Babilonya. (Dan 1:3-20) Ang sumunod na iniulat na atas nila ay ang pangangasiwa sa nasasakupang distrito ng Babilonya. (Dan 2:49) Pansamantala nilang naiwala ang pabor ng hari nang tumanggi silang yumukod sa malaking imahen nito, ngunit pagkatapos na ilabas sila ni Jehova mula sa maapoy na hurno nang walang pinsala, ibinalik sila sa kanilang dating posisyon.—Dan 3.