Safron
[sa Heb., kar·komʹ].
Ang salitang Hebreo nito, na lumilitaw lamang sa Awit ni Solomon (4:14), ay kadalasang iniuugnay sa crocus na pinagmumulan ng safron (Crocus sativus), isang halamang may bulbo na namumulaklak kapag taglagas anupat tulad-damo ang mga dahon at purpura ang mga bulaklak at kahawig na kahawig ng common spring crocus. Upang makagawa ng 28 g (1 onsa) lamang ng safron, isang substansiya na matingkad na kulay-kahel at binubuo ng pinatuyong mga style at estigma ng mga bulaklak, mga 4,000 bulaklak ang kailangan. Kapag bumuka na ang mga bulaklak, o di-katagalan pagkatapos nito, ang estigma at ang itaas na bahagi ng style ay kinukuha at pinatutuyo. Ang safron ay ginagamit na pangkulay at pampalasa sa mga pagkain at mas ginamit nang malawakan noon kaysa sa ngayon sa pagtitina ng dilaw na kulay sa mga tela. Ginamit din ito bilang gamot at bilang pabango.
Malamang na ang terminong Hebreo na chavats·tseʹleth, na isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “crocus,” “liryo,” “rosas,” at “safron” (ihambing ang AT, KJ, Le, NW, Yg), ay tumutukoy sa isang halamang may bulbo. (Sol 2:1, tlb sa Rbi8; Isa 35:1, tlb sa Rbi8) Ayon kay Gesenius na isang leksikograpo sa wikang Hebreo, malamang na ang chavats·tseʹleth ay may salitang-ugat na nangangahulugang “bulbo,” at itinuring niya na ang “meadow saffron” ang mas eksaktong katumbas ng salita sa orihinal na wika. (A Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, isinalin ni E. Robinson, 1836, p. 317) Iniuugnay ng isang Hebreo at Aramaikong leksikon nina Koehler at Baumgartner ang salitang chavats·tseʹleth sa isang terminong Akkadiano na nangangahulugang “tangkay” at binibigyang-katuturan ito bilang “asphodel,” isang halaman na mula sa pamilya ng mga liryo.—Hebräisches und Aramäisches Lexikon zum Alten Testament, Leiden, 1967, p. 275.