Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sakop na Bayan, Mga

Sakop na Bayan, Mga

Maliliit na bayan sa palibot ng isang mas malaking bayan o lunsod. Ang kabisera o pangunahing lunsod ng isang distrito ay ang metropolis, o “inang” lunsod, gaya ng binabanggit sa 1 Cronica 18:1: “Ang Gat at ang mga sakop na bayan nito” (sa literal, “ang Gat at ang kaniyang mga anak na babae”). Ang Tiro ay tinatawag na “anak na dalaga” ng Sidon, maliwanag na isang lunsod na mas matanda kaysa sa Tiro, na waring dating kolonya ng Sidon. (Isa 23:8, 12; Gen 10:19; Jos 11:8) Ang mga bayan ng Juda ay sakop ng Jerusalem. (Aw 48:11; 97:8; Pan 3:51) Ang iba pang mga “inang” lunsod na may mga sakop na bayan ay ang Samaria at Sodoma (Eze 16:53), Raba ng Ammon (Jer 49:3), Kenat (Bil 32:42), Ekron (Jos 15:45), Asdod at Gaza (Jos 15:47), Bet-sean, Ibleam, Dor, En-dor, Taanac, at Megido (Jos 17:11).

Ang mga bayang “anak na babae” ay alinman sa nagmula sa “inang” lunsod o kaya’y sakop nito kung tungkol sa pulitika, ekonomiya, at kung minsan, sa relihiyon. Sa ilang kaso, ang mga sakop na bayan ay walang pader o hindi gaanong nakukutaan, anupat kapag kinukubkob, ang mga tumatahan sa mga iyon ay nanganganlong sa “inang” lunsod.​—Jer 4:5; 8:14.

Ang sinaunang lunsod ng Jerusalem, bilang “ina” ng mga sakop na bayan ng Juda, ay ginagamit upang lumarawan sa “makalangit na Jerusalem,” ang Mesiyanikong Kaharian ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, kung saan yaong mga humahanap ng katuwiran ay makapanganganlong sa “araw ni Jehova laban sa lahat ng mga bansa.”​—Heb 12:22, 28; Ob 15, 17; Aw 48:11-13; Joe 2:32.

Sa Apocalipsis kabanata 17, inilalarawan ang Babilonyang Dakila bilang isang babaing patutot at bilang isang lunsod na may mga anak na babae. Ang mga ito ay mga organisasyon na nagmula sa inang organisasyon. Palibhasa’y sakop niya, ang mga ito ay kasama niyang mapupuksa.​—Tingnan ang LUNSOD.