Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sakut

Sakut

Posibleng isang bathalang bituin, yamang ginamit ang “Sakut” sa isang paralelismo kasama ng pariralang “ang bituin ng inyong diyos.” (Am 5:26) Sa Hebreong tekstong Masoretiko, ang pangalang ito ay sadyang nilagyan ng tuldok-patinig upang tumugma sa shiq·qutsʹ, na nangangahulugang “kasuklam-suklam na bagay.” Marahil, si Sakut ay maiuugnay kay “Sakkut,” ang Babilonyong katawagan para kay Saturn (isang diyos-bituin). Gayunman, sa Griegong Septuagint, “tolda ni Moloc,” ang mababasa sa halip na “si Sakut na inyong hari.” Ginamit din ni Esteban, na malamang na sumipi sa Septuagint, ang mga salitang “tolda ni Moloc.” (Gaw 7:43) Ipinahihiwatig nito na maaaring ang “Sakut” ay isang naililipat-lipat na dambana, isang tolda o kubol, na kinalalagyan ng imaheng idolo ni Moloc.​—Tingnan ang ASTROLOGO (Si Molec at ang Astrolohiya sa Israel).