Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Salinlahi

Salinlahi

Karaniwan na, ang salinlahi ay tumutukoy sa lahat ng mga taong ipinanganak sa iisang yugto ng panahon. (Exo 1:6; Mat 11:16) Iniuugnay rito ang kahulugang “mga kapanahon.” Sa Genesis 6:9, sinasabi tungkol kay Noe: “Siya ay walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon [sa literal, mga salinlahi].” Kapag ginagamit may kinalaman sa mga kaugnayang pampamilya, ang salinlahi ay maaaring tumukoy sa isang grupo ng mga supling, halimbawa ay sa mga anak na lalaki at mga anak na babae o sa mga apong lalaki at mga apong babae.​—Job 42:16.

Ang terminong ito ay maaaring gamitin bilang isang sukat ng panahon upang tumukoy sa nakalipas o sa darating na mga yugto ng panahon. Ang mga salinlahi ng tao na nagmula sa makasalanang si Adan ay lumilipas, di-gaya ng lupa na nananatili magpakailanman. (Ec 1:4; Aw 104:5) Sa kabilang dako, ang mga pananalitang “di-mabilang na mga salinlahi” at “isang libong salinlahi” ay tumutukoy sa panahon na walang takda. (1Cr 16:15; Isa 51:8) Ang utos sa mga Judio na dapat ipagdiwang ang Paskuwa “sa lahat ng inyong mga salinlahi” ay nagpapahiwatig na patuluyan itong isasagawa hanggang sa panahon na noo’y walang takda. (Exo 12:14) Sinabi ng Diyos kay Moises na ang Kaniyang pangalang Jehova ay magiging pinakaalaala “hanggang sa panahong walang takda,” “sa sali’t salinlahi,” na nangangahulugang magpakailanman. (Exo 3:15) Sinabi sa atin ng apostol na si Pablo na ang Diyos ay luluwalhatiin “sa lahat ng mga salinlahi magpakailan-kailanman.”​—Efe 3:21.

Ang isang salinlahi ay maaaring mangahulugan ng isang grupo ng mga tao, samakatuwid nga, mga taong makikilala dahil sa partikular na mga katangian o mga kalagayan. Ang Bibliya ay may binabanggit na “salinlahi ng matuwid” (Aw 14:5; 24:6; 112:2) at “isang salinlahing liko at pilipit,” “isang salinlahi ng katiwalian.” (Deu 32:5, 20; Kaw 30:11-14) Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, tinukoy niya sa ganito ring paraan ang mga tao ng bansang Judio noong mga araw na iyon, at ikinapit naman ng apostol na si Pablo ang gayong mga termino sa sanlibutang nabubuhay noong panahon niya sa pangkalahatan, isang sanlibutang hiwalay sa Diyos.​—Mat 12:39; 16:4; 17:17; Mar 8:38; Fil 2:14, 15.

Ang isang salitang Hebreo para sa “salinlahi” ay dohr, na katumbas ng Aramaikong dar. (Dan 4:3, 34) Ang dohr ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na nangangahulugang “isalansan nang papaikot” o “lumibot” (Eze 24:5; Aw 84:10) at sa gayon ay may pangunahing kahulugan na “bilog.” Ang kaugnay nitong salita na dur ay nangangahulugang “bola.” (Isa 22:18) Ang katumbas nito sa Griego ay ge·ne·aʹ, mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “maipanganak.”

Ang isa pang salitang Hebreo, toh·le·dhohthʹ, ay isinasalin kung minsan bilang “mga salinlahi” o “talaangkanan” (Bil 3:1; Ru 4:18), “mga inapo” o “mga pamilya” (1Cr 5:7; 7:2, 4, 9) at “kasaysayan” o “mga pinagmulan.”​—Gen 2:4; 5:1; 6:9; ihambing ang AS, AT, KJ, Dy, NW, RS, at ang iba pang mga salin.

Haba. Kapag ginagamit ang terminong “salinlahi” may kinalaman sa mga taong nabubuhay sa isang partikular na panahon, hindi matutukoy ang eksaktong haba ng panahong iyon, ngunit ang panahong iyon ay may makatuwirang mga hangganan. Matitiyak ang mga hangganang ito sa pamamagitan ng haba ng buhay ng mga tao noong panahong iyon o ng populasyong iyon. Sa katamtaman, ang haba ng buhay ng sampung salinlahi mula kay Adan hanggang kay Noe ay mahigit sa 850 taon bawat isa. (Gen 5:5-31; 9:29) Ngunit pagkaraan ni Noe, mabilis na umikli ang haba ng buhay ng tao. Halimbawa, si Abraham ay nabuhay lamang nang 175 taon. (Gen 25:7) Sa ngayon, katulad noong panahon ni Moises, ang mga taong nabubuhay sa ilalim ng kaayaayang mga kalagayan ay maaaring umabot sa edad na 70 o 80 taon. Sumulat si Moises: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang pinagpupunyagian nila ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay; sapagkat madali itong lumilipas, at kami ay lumilipad na.” (Aw 90:10) Maaaring ang ilan ay mabuhay nang mas mahaba pa, ngunit ang tinutukoy ni Moises ay sa pangkalahatan. Si Moises mismo, na nabuhay nang 120 taon, ay isang eksepsiyon noon, gaya rin ng kaniyang kapatid na si Aaron (123 taon), ni Josue (110 taon), at ng iba pa na may pambihirang lakas at sigla.​—Deu 34:7; Bil 33:39; Jos 24:29.

Ang “Salinlahing Ito” sa mga Hula ni Kristo. Kapag binabanggit sa mga hula ng Bibliya ang “salinlahing ito,” mahalagang isaalang-alang ang konteksto upang matiyak kung anong salinlahi ang tinutukoy. Nang tuligsain ni Jesu-Kristo ang mga Judiong lider ng relihiyon, nagtapos siya sa pagsasabing: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa salinlahing ito.” Iniuulat sa kasaysayan na pagkaraan ng mga 37 taon (noong 70 C.E.), personal na naranasan ng kasalukuyang salinlahing iyon ang pagkawasak ng Jerusalem, gaya ng inihula.​—Mat 23:36.

Noong araw ding iyon, ginamit ni Jesus ang halos gayunding mga salita nang sabihin niya: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.” (Mat 24:34) Sa pagkakataong ito naman, sinasagot ni Jesus ang isang tanong may kinalaman sa pagtitiwangwang sa Jerusalem at sa templo nito at may kinalaman din sa tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay. Kaya ang komento niya hinggil sa “salinlahing ito” ay makatuwiran lamang na kapit hanggang noong 70 C.E. Gayunman, ginagamit din niya noon ang salitang “salinlahi” upang tumukoy sa mga tao na ang buhay ay maiuugnay sa inihulang mga pangyayari sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.​—Mat 24.