Salita, Ang
Sa Kasulatan, ang terminong “salita” ay kalimitan nang salin ng mga salitang Hebreo at Griego na da·varʹ at loʹgos. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga salitang ito ay tumutukoy sa isang buong diwa, pananalita, o pangungusap sa halip na sa isa lamang indibiduwal na termino o yunit ng pananalita. (Sa Griego, ang ‘iisang salita’ ay ipinahahayag ng rheʹma [Mat 27:14], bagaman maaari rin itong mangahulugan ng isang pananalita o bagay na sinabi.) Anumang mensahe mula sa Maylalang, gaya niyaong binigkas sa pamamagitan ng isang propeta, ay “salita ng Diyos.” Sa ilang talata, ang Loʹgos (nangangahulugang “Salita”) ay isang titulo na ibinigay kay Jesu-Kristo.
Ang Salita ng Diyos. “Ang salita ni Jehova” ay isang pananalita na daan-daang ulit na lumilitaw sa Kasulatan, bagaman nagkakaiba-iba nang bahagya ang mga ito. Sa pamamagitan ng “salita ni Jehova” ay nalalang ang langit. Sinabi ng Diyos ang salita at ito ay nangyari. “Ang Diyos ay nagpasimulang magsabi: ‘Magkaroon ng liwanag.’ Sa gayon ay nagkaroon ng liwanag.” (Aw 33:6; Gen 1:3) Hindi ito dapat unawain na si Jehova mismo ay walang ginagawa. (Ju 5:17) Bagaman totoo na mayroon siyang laksa-laksang anghel na tumutugon sa kaniyang salita at nagsasagawa ng kalooban niya.—Aw 103:20.
Ang mga nilalang, may buhay at walang buhay, ay sakop ng salita ng Diyos, at maaari niyang gamitin ang mga ito upang isagawa ang kaniyang mga layunin. (Aw 103:20; 148:8) Ang kaniyang salita ay maaasahan; gayundin, anumang ipinangako ng Diyos ay hindi niya nakakaligtaang gawin. (Deu 9:5; Aw 105:42-45) Gaya ng sinabi niya mismo, ang kaniyang salita ay “mananatili hanggang sa panahong walang takda”; hinding-hindi ito babalik hangga’t hindi nito naisasagawa ang layunin para rito.—Isa 40:8; 55:10, 11; 1Pe 1:25.
Si Jehova ay isang Diyos na nakikipagtalastasan, sapagkat sa iba’t ibang paraan ay isinisiwalat niya sa kaniyang mga nilalang kung ano ang kaniyang kalooban at mga layunin. Ang mga salita ng Diyos ay sinalita, walang alinlangang sa pamamagitan ng isang anghel, sa mga taong gaya nina Adan, Noe, at Abraham. (Gen 3:9-19; 6:13; 12:1) Kung minsan, gumagamit siya ng mga taong banal tulad nina Moises at Aaron upang ihayag ang kaniyang mga layunin. (Exo 5:1) Sa diwa, ang “bawat salita” na iniutos ni Moises sa Israel ay salita ng Diyos sa kanila. (Deu 12:32) Nagsalita rin ang Diyos sa pamamagitan ng bibig ng mga propetang gaya nina Eliseo at Jeremias, at mga propetisang gaya ni Debora.—2Ha 7:1; Jer 2:1, 2; Huk 4:4-7.
Mula noong panahon ni Moises patuloy, ang marami sa mga utos ng Diyos ay ipinasulat. Ang Dekalogo, karaniwang tinatawag na Sampung Utos at kilala sa Hebreong Kasulatan bilang “ang Sampung Salita,” ay unang inihatid nang bibigan at nang maglaon ay ‘isinulat ng daliri ng Diyos’ sa mga tapyas na bato. (Exo 31:18; 34:28; Deu 4:13) Sa Deuteronomio 5:22, ang mga utos na ito ay tinawag na ‘mga Salita.’—Tingnan ang SAMPUNG SALITA.
Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, sumulat si Josue ng karagdagang ‘mga salita sa aklat ng kautusan ng Diyos,’ gayundin ang iba pang mga tapat na manunulat ng Bibliya. (Jos 24:26; Jer 36:32) Nang maglaon, ang lahat ng gayong mga akda ay tinipon at naging ang tinatawag na Sagradong Kasulatan o Banal na Bibliya. Sa ngayon, kabilang sa “lahat ng Kasulatan . . . [na] kinasihan ng Diyos” ang lahat ng kanonikal na aklat ng Bibliya. (2Ti 3:16; 2Pe 1:20, 21) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang kinasihang salita ng Diyos ay kadalasang tinutukoy lamang bilang ‘ang salita.’—San 1:22; 1Pe 2:2.
Maraming pananalita ang singkahulugan ng salita ng Diyos. Halimbawa, sa Awit 119, kung saan may mahigit sa 20 pagtukoy sa “(mga) salita” ni Jehova, ang mga singkahulugan nito ay masusumpungan sa matulaing mga paralelismo—mga terminong gaya ng kautusan, paalaala, pag-uutos, tuntunin, utos, hudisyal na pasiya, batas, at pananalita ni Jehova. Ipinakikita rin nito na ang ekspresyong “salita” ay nangangahulugan ng isang kumpletong diwa o mensahe.
Inilalarawan din ang salita ng Diyos sa maraming iba pang paraan na nagbibigay rito ng malawak na saklaw at ng kahulugan. Ito “ang ‘salita’ [o “pananalita” (rheʹma)] ng pananampalataya” (Ro 10:8, Int), ang “salita [o mensahe (anyo ng loʹgos)] ng katuwiran” (Heb 5:13), at “ang salita ng pakikipagkasundo” (2Co 5:19). Ang salita o mensahe ng Diyos ay tulad ng “binhi,” na kung maitatanim sa mabuting lupa ay magluluwal ng maraming bunga (Luc 8:11-15); ang mga pananalita niya ay sinasabi ring “mabilis na tumatakbo.”—Aw 147:15.
Mat 7:28, 29; Ju 7:46), gayunma’y hindi niya inangkin ang anumang kapurihan kundi sinabi niya, “ang salita na inyong naririnig ay hindi akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.” (Ju 14:24; 17:14; Luc 5:1) Ang tapat na mga alagad ni Kristo ay yaong mga nanatili sa kaniyang salita, at ito naman ang nagpalaya sa kanila mula sa kawalang-alam, pamahiin, at takot, at mula rin sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. (Ju 8:31, 32) Madalas, kinailangang makipagkatuwiranan ni Jesus sa mga Pariseo, sapagkat pinawalang-bisa ng kanilang mga tradisyon at turo “ang salita [o kapahayagan] ng Diyos.”—Mat 15:6; Mar 7:13.
Mga Mangangaral at mga Guro ng Salita. Ang pinakadakilang tagapagpaliwanag at tagapagtaguyod ng kinasihang salita ng katotohanan ni Jehova ay ang Panginoong Jesu-Kristo. Lubhang namangha ang mga tao sa kaniyang mga paraan ng pagtuturo (Higit pa ang nasasangkot kaysa sa basta pakikinig sa ipinangaral na salita ng Diyos. Kailangan din ang pagtugon at pagsunod sa mensaheng iyon. (Luc 8:21; 11:28; San 1:22, 23) Pagkatapos na lubusang masanay para sa ministeryo, sinunod ng mga apostol at mga alagad ang salita at sila mismo ay nangaral at nagturo. (Gaw 4:31; 8:4, 14; 13:7, 44; 15:36; 18:11; 19:10) Bilang resulta, ‘ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na dumami.’—Gaw 6:7; 11:1; 12:24; 13:5, 49; 19:20.
Ang mga apostol at ang kanilang mga kasamahan ay hindi naging mga tagapaglako ng Kasulatan, gaya ng ginawa ng mga bulaang pastol. Ang ipinangaral nila ay ang tumpak at di-nabantuang mensahe ng Diyos. (2Co 2:17; 4:2) Sinabi ng apostol na si Pablo kay Timoteo: “Gawin mo ang iyong buong makakaya na iharap sa Diyos ang iyong sarili bilang sinang-ayunan, manggagawa na walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.” Bukod diyan, inutusan si Timoteo: “Ipangaral mo ang salita, maging apurahan ka rito sa kaayaayang kapanahunan, sa maligalig na kapanahunan.” (2Ti 2:15; 4:2) Pinayuhan din ni Pablo ang mga Kristiyanong asawang babae na ingatan ang kanilang paggawi, “upang ang salita ng Diyos ay hindi mapagsalitaan nang may pang-aabuso.”—Tit 2:5.
Mula noong panahong kontrahin ng Diyablo ang sinabi ng Diyos sa hardin ng Eden, nagkaroon ng maraming satanikong kalaban ang salita ng Diyos. Maraming tao ang nagtaguyod sa salita ng Diyos at pinatay dahil dito, gaya ng pinatototohanan kapuwa ng hula ng Bibliya at ng kasaysayan. (Apo 6:9) Ipinakikita rin ng kasaysayan na hindi napahinto ng pag-uusig ang paghahayag ng salita ng Diyos.—Fil 1:12-14, 18; 2Ti 2:9.
Ang Kapangyarihan ng Salita at Espiritu ng Diyos. Ang salita ng Diyos ay may napakalaking kapangyarihan sa mga dumirinig nito. Nangangahulugan ito ng buhay. Sa ilang, itinanghal ng Diyos sa Israel na “hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deu 8:3; Mat 4:4) Ito ang “salita ng buhay.” (Fil 2:16) Sinalita ni Jesus ang mga salita ng Diyos, at sinabi niya: “Ang mga pananalitang [rheʹma·ta] sinalita ko sa inyo ay espiritu at buhay.”—Ju 6:63.
Sumulat ang apostol na si Pablo: “Ang salita [o mensahe (loʹgos)] ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Heb 4:12) Naaabot nito ang puso at isinisiwalat nito kung ang isa ay aktuwal na namumuhay ayon sa tamang mga simulain.—1Co 14:23-25.
Ang salita ng Diyos ay katotohanan at maaaring magpabanal sa isa upang makapaglingkod siya sa Diyos. (Ju 17:17) Maaari itong makapagparunong at makapagpaligaya sa isang tao; maaari nitong isagawa ang anumang gawain na nilayon ng Diyos para rito. (Aw 19:7-9; Isa 55:10, 11) Maaari nitong lubusang sangkapan ang isang tao para sa bawat mabuting gawa at matutulungan siya nito na madaig ang isa na balakyot.—2Ti 3:16, 17; ihambing ang 1Ju 2:14.
Ganito ang sinabi tungkol sa pangangaral ni Jesus: “Pinahiran siya ng Diyos ng banal na espiritu at kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain na gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat niyaong mga sinisiil ng Diyablo; sapagkat ang Diyos ay sumasakaniya.” (Gaw 10:38) Ang apostol na si Pablo ay nakakumberte ng mga tao, maging ng mga pagano, “hindi sa mapanghikayat na mga salita ng karunungan [ng mga tao] kundi sa pagtatanghal ng espiritu at kapangyarihan.” (1Co 2:4) Ang mga salitang binigkas niya sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos, salig sa Kasulatan, na Salita ng Diyos, ay naging napakamakapangyarihan para sa pagkumberte. Sinabi niya sa kongregasyon sa Tesalonica: “Ang mabuting balita na aming ipinangangaral ay hindi dumating sa gitna ninyo sa pamamagitan lamang ng pananalita kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan at sa pamamagitan ng banal na espiritu at matibay na pananalig.”—1Te 1:5.
Dumating si Juan na Tagapagbautismo “taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias.” Tinaglay niya ang “espiritu” ni Elias, samakatuwid nga, ang Luc 1:17.
sigla at puwersa nito. Pinatnubayan din si Juan ng espiritu ni Jehova, anupat sinalita niya ang mga salita ng Diyos, mga salitang may malakas na kapangyarihan; siya ay naging lubhang matagumpay anupat ‘naipanumbalik niya ang mga puso ng mga ama sa mga anak at ang mga masuwayin tungo sa praktikal na karunungan ng mga matuwid, upang ihanda para kay Jehova ang isang nakahandang bayan.’—Dahil dito, hindi dapat maliitin ang mensahe ng mabuting balita mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang mga salitang ito ay mas makapangyarihan kaysa sa anumang salita na kayang kathain o bigkasin ng mga tao. Pinapurihan ang sinaunang mga taga-Berea dahil ‘maingat nilang sinuri ang Kasulatan’ upang tingnan kung ang itinuro ng isang apostol ay tama. (Gaw 17:11) Palibhasa’y nagsasalita ng makapangyarihang Salita ng Diyos, ang mga ministro ng Diyos ay pinasisigla at sinusuportahan ng “kapangyarihan ng banal na espiritu.”—Ro 15:13, 19.
“Ang Salita” Bilang Isang Titulo. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, lumilitaw rin “ang Salita” (sa Gr., ho Loʹgos) bilang isang titulo. (Ju 1:1, 14; Apo 19:13) Ipinakilala ng apostol na si Juan kung kanino ang titulong ito, samakatuwid nga, kay Jesus, anupat itinalaga sa kaniya ang gayong titulo hindi lamang noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa bilang isang taong sakdal kundi kahit noong umiiral siya bilang espiritu bago siya naging tao at noong maitaas na siya sa langit.
“Ang Salita ay isang diyos.” May kinalaman sa pag-iral ng Anak bago siya naging tao, sinabi ni Juan: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos.” (Ju 1:1, NW) Ang King James Version at ang Douay Version ay kababasahan: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Kung ibabatay rito, waring ang Salita ay siya ring Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, samantalang ipinakikita naman ng unang salin, yaong nasa Bagong Sanlibutang Salin, na ang Salita ay hindi ang Diyos, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, kundi isa na makapangyarihan o isang diyos. (Maging ang mga hukom ng sinaunang Israel, na humawak ng malaking kapangyarihan sa bansa, ay tinawag na “mga diyos.” [Aw 82:6; Ju 10:34, 35]) Ang totoo, sa tekstong Griego, ang pamanggit na pantukoy na ho, “ang,” ay lumilitaw sa unahan ng unang “Diyos,” samantalang walang pantukoy sa unahan ng ikalawa.
Makatutulong ang iba pang mga salin upang makuha ang wastong pangmalas hinggil dito. Ang interlinear at salita-por-salitang salin ng Griegong salin sa Emphatic Diaglott ay kababasahan: “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at isang diyos ang Salita.” Ang kalakip na teksto sa Diaglott ay gumagamit ng malaking titik at pinaliit na malalaking titik para sa unang paglitaw ng “Diyos,” at ng inisyal na malaki at maliliit na titik naman para sa ikalawang paglitaw ng “Diyos” sa pangungusap: “Nang Pasimula ay ang LOGOS, at ang LOGOS ay kasama ng DIYOS, at ang LOGOS ay Diyos.”
Sinusuhayan ng mga saling ito na si Jesus, yamang Anak ng Diyos at ang isa na ginamit ng Diyos sa paglalang ng lahat ng iba pang bagay (Col 1:15-20), ay tunay na isang “diyos,” isa na makapangyarihan at nagtataglay ng kapangyarihan, ngunit hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ganito ring pangmalas ang ipinakikita ng ibang mga salin. Ang The New English Bible ay nagsasabi: “At kung ano ang Diyos, gayundin ang Salita.” Ang salitang Griego na isinaling “Salita” ay Loʹgos; kaya naman ang salin ni Moffatt ay kababasahan: “Ang Logos ay tulad-Diyos [divine].” Ang American Translation ay kababasahan: “Ang Salita ay tulad-Diyos [divine].” Ang iba pang mga salin, ng mga Alemang tagapagsalin naman, ay gaya ng sumusunod. Ni Böhmer: “Iyon ay mahigpit na nakalakip sa Diyos, oo, iyon mismo ay may pagkadiyos.” Ni Stage: “Ang Salita mismo ay may pagkadiyos.” Ni Menge: “At Diyos (= may pagkadiyos) ang Salita.” At ni Thimme: “At isang uri ng Diyos ang Salita.” Pinatitingkad ng lahat ng saling ito ang katangian ng Salita, hindi ang pagiging iisa ng Salita at ng kaniyang Ama, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Yamang siya ay Anak ng Diyos na Jehova, tiyak na mayroon siyang tulad-Diyos na katangian.—Col 2:9; ihambing ang 2Pe 1:4, kung saan ipinangangakong magkakaroon ng “tulad-Diyos na kalikasan” ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo.
Ang The Four Gospels—A New Translation, ni Propesor Charles Cutler Torrey (ika-2 ed., 1947), ay nagsasabi: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay diyos. Nang kasama siya ng Diyos noong pasimula, ang lahat ng bagay ay nilalang sa pamamagitan niya; kung wala siya, walang nilalang na bagay ang umiral.” (Ju 1:1-3) Pansinin na ang terminong lumalarawan sa Salita ay hindi ginamitan ng inisyal na malaking titik, samakatuwid nga, ang “diyos.”
Ang Salitang ito, o Loʹgos, ang tanging tuwirang nilalang ng Diyos, ang bugtong na anak ng Diyos, at maliwanag na ang matalik na kasamahan ng Diyos na kausap Niya nang Kaniyang sabihin: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Gen 1:26) Kaya naman nagpatuloy si Juan, anupat sinabi: “Ang isang ito nang pasimula ay kasama ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya, at kung hiwalay sa kaniya ay walang isa mang bagay ang umiral.”—Ju 1:2, 3.
Malinaw na ipinakikita ng ibang mga kasulatan na ang Salita ay ahente ng Diyos anupat ginamit na tagapamagitan upang pairalin ang lahat ng iba pang bagay. May “iisang Diyos ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay, . . . at may iisang Panginoon, si Jesu-Kristo, na ang lahat ng bagay ay sa pamamagitan niya.” (1Co 8:6) Ang Salita, na Anak ng Diyos, ay “pasimula ng paglalang ng Diyos,” anupat sa ibang talata ay inilalarawan siya bilang “ang panganay sa lahat ng nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa.”—Apo 3:14; Col 1:15, 16.
Ministeryo sa lupa at pagluwalhati sa langit. Pagsapit ng takdang panahon ay nagkaroon ng pagbabago. Nagpaliwanag si Juan: “Kaya ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin [bilang ang Panginoong Jesu-Kristo], at nakita natin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama.” (Ju 1:14) Sa pamamagitan ng pagiging laman, ang Salita ay nakita, narinig, at nahipo ng aktuwal na mga saksi sa lupa. Sa ganitong paraan, posibleng tuwirang makausap at makasama ng mga taong laman “ang salita ng buhay,” na, sabi ni Juan, “buhat pa nang pasimula, na narinig namin, na nakita namin ng aming mga mata, na buong-ingat naming minasdan at nahipo ng aming mga kamay.”—1Ju 1:1-3.
Patuloy na tinaglay ng niluwalhating Panginoong Jesu-Kristo ang titulong “ang Salita,” gaya ng binabanggit sa Apocalipsis 19:11-16. Sa isang pangitain tungkol sa langit, sinabi ni Juan na nakita niya ang isang kabayong puti na ang nakasakay ay tinatawag na “Tapat at Totoo,” “Ang Salita ng Diyos”; at “sa kaniyang panlabas na kasuutan, maging sa kaniyang hita, ay may pangalan siyang nakasulat, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
Kung bakit ang Anak ng Diyos ay tinatawag na “ang Salita.” Kadalasan, ang isang titulo ay naglalarawan sa gawain o tungkulin ng nagtataglay nito. Gayon ang kaso ng titulong Kal-Hatzé, nangangahulugang “ang tinig o salita ng hari,” na ibinigay sa isang opisyal ng Abyssinia. Batay sa mga paglalakbay ni James Bruce mula 1768 hanggang 1773, inilalarawan niya ang mga tungkulin ng Kal-Hatzé gaya ng sumusunod. Tumatayo ito sa tabi ng isang bintanang may kurtina na sa kabilang panig niyaon, bagaman di-nakikita, ang hari ay nagsasalita sa opisyal na ito. Pagkatapos ay itinatawid naman nito ang mensahe sa mga tao o partidong nasasangkot. Sa gayon, ang Kal-Hatzé ay gumaganap bilang salita o tinig ng hari ng Abyssinia.—Travels to Discover the Source of the Nile, London, 1790, Tomo III, p. 265; Tomo IV, p. 76.
Alalahanin din na inatasan ng Diyos si Aaron bilang salita o “bibig” ni Moises, anupat sinabi Niya: “Magsasalita siya sa bayan para sa iyo; at mangyayari nga na siya ay magiging parang bibig sa iyo, at ikaw ay magiging parang Diyos sa kaniya.”—Exo 4:16.
Sa katulad na paraan, ang panganay na Anak ng Diyos ay walang alinlangang naging parang Bibig, o Tagapagsalita, ng kaniyang Ama, ang dakilang Haring Walang Hanggan. Siya ang Salitang tagapagpatalastas ng Diyos para sa paghahatid ng mga impormasyon at mga tagubilin sa ibang mga espiritu at taong anak ng Maylalang. Makatuwirang isipin na bago pumarito si Jesus sa lupa, ginamit ng Diyos ang Salita bilang kaniyang anghelikong tagapagsalita sa maraming pagkakataon na nakipagtalastasan Siya sa mga tao. (Gen 16:7-11; 22:11; 31:11; Exo 3:2-5; Huk 2:1-4; 6:11, 12; 13:3) Yamang ang anghel na pumatnubay sa mga Israelita sa ilang ay ‘may pangalan ni Jehova,’ maaaring siya ang Anak ng Diyos, ang Salita.—Exo 23:20-23; tingnan ang JESU-KRISTO (Pag-iral Bago Naging Tao).
Upang ipakita na patuloy siyang naglilingkod bilang Tagapagsalita, o Salita, ng kaniyang Ama noong panahon ng ministeryo niya sa lupa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Hindi ako nagsalita udyok ng aking sarili, kundi ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain. . . . Samakatuwid ang mga bagay na aking sinasalita, kung paanong ang mga iyon ay sinabi sa akin ng Ama, gayon ko rin sinasalita ang mga iyon.”—Ju 12:49, 50; 14:10; 7:16, 17.