Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Salmaneser

Salmaneser

[mula sa wikang Akkadiano, nangangahulugang “Si Shulman [isang diyos ng mga Asiryano] ay Nakahihigit”].

Limang iba’t ibang Asiryanong monarka ang nagtaglay ng ganitong pangalan; gayunman, lumilitaw na dalawa lamang sa mga ito ang nagkaroon ng tuwirang pakikipag-ugnayan sa Israel: si Salmaneser III at si Salmaneser V. Tanging ang huling nabanggit ang aktuwal na lumitaw sa ulat ng Bibliya.

1. Si Salmaneser III ang humalili sa kaniyang amang si Ashurnasirpal II sa trono ng Asirya. Sa isang inskripsiyon ay tinutukoy niya ang kaniyang sarili bilang “ang hari ng daigdig, ang haring walang karibal, ang ‘Dakilang Dragon,’ ang (tanging) kapangyarihan sa loob ng (apat na) hangganan (ng lupa).” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 276) Ipinapalagay na namahala siya sa loob ng mga 35 taon. Lumilitaw na ang 31 sa mga taóng iyon ay ginugol sa mga kampanyang pakikipagdigma upang panatilihin at palawakin ang pinamumunuan ng Asirya. Nagsagawa si Salmaneser III ng paulit-ulit na paglusob sa K laban sa mga kahariang Arameano sa Sirya.

Ang Kaniyang Inskripsiyon na Diumano’y Bumabanggit kay Ahab. Sa Monolith Inscription ni Salmaneser III, ay may paglalarawan tungkol sa pagbabaka sa Karkar (malapit sa Hamat sa Libis ng Orontes), na ipinakipaglaban noong ikaanim na taon ng paghahari ni Salmaneser. Nakipagbaka roon ang mga Asiryano sa isang kaaway na koalisyon ng 12 hari, karamihan ay mga Siryano. Gayunman, sa talaan ay lumilitaw ang isang tinatawag na A-ha-ab-bu matSir-ʼi-la-a-a. Ang pangalang ito ay laging isinasalin bilang “Ahab na Israelita” sa makabagong mga reperensiyang akda. (Tingnan ang Ancient Near Eastern Texts, p. 279.) Minamalas ng karamihan na ang pakikibahagi ni Ahab sa pagbabaka bilang isang kaalyado ng mga Siryano ay isang katotohanang tinatanggap ng lahat. Gayunman, walang binabanggit ang Bibliya tungkol sa gayong pangyayari, at sa kabila ng waring pagkakatulad ng mga pangalang ito, may mabibigat na dahilan upang pag-alinlanganan ang pag-uugnay kay A-ha-ab-bu matSir-ʼi-la-a-a kay Ahab ng Israel. Ang Encyclopædia Biblica (London, 1899, Tomo I, tud. 91) ay nagsasabi: “Ang pangalan ni Ahabbu Sirʼlai, na gaya ng tinatanggap na ngayon ng karamihan sa mga iskolar, ay maaari lamang mangahulugang Ahab ng Israel (o, gaya ng inaakala ni Hommel, ng Jezreel).” (Amin ang italiko.) Ipinakikita nito na dati, ang pag-uugnay na iyon ay hindi karaniwang tinatanggap na gaya ngayon, at ipinakikita rin nito na ang pagsasalin sa matSir-ʼi-la-a-a bilang “Israelita” ay pinag-alinlanganan din. Mapapansin na hindi matSir-ʼi-la-a-a ang terminong ginagamit sa ibang bahagi ng mga inskripsiyong Asiryano upang tumukoy sa hilagang kaharian ng Israel. Sa iba pang mga inskripsiyong Asiryano noong panahong iyon, ang lupaing iyon ay tinutukoy alinman sa pangalan ng kabisera nito na Samaria (Sa-me-ri-na sa mga inskripsiyon) o bilang Bit Hu-um-ri-ia (lupain ni Omri), isang pananalita na ginagamit pa rin isang siglo pagkamatay ni Omri.​—Ancient Near Eastern Texts, p. 284, 285.

Ipinakikita ng mga inskripsiyon ni Salmaneser na noong ika-18 taon ng kaniyang pamamahala, o 12 taon pagkatapos ng pagbabaka sa Karkar, nakipaglaban siya kay Hazael ng Damasco at ipinakikita rin nito na: “Noong panahong iyon ay tinanggap ko ang tributo ng mga tumatahan sa Tiro, Sidon, at ni Jehu, anak ni Omri.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 280) Kaya, ang pag-uugnay kay A-ha-ab-bu kay Haring Ahab ay lilikha ng pagsasalungatan sa kronolohiya ng Bibliya, na nagpapakitang sa pagitan ng pagkamatay ni Ahab at ng paghahari ni Jehu ay may yugtong humigit-kumulang sa 14 na taon, na sumasaklaw sa mga paghahari nina Ahazias at Jehoram. (1Ha 22:51; 2Ha 3:1) Bagaman inilalagay ng karamihan sa mga komentarista ang diumano’y pagsali ni Ahab sa alyansang Siryano sa pagtatapos ng kaniyang paghahari, hindi pa rin ito katugma ng balangkas ng kronolohiya ng Bibliya. Palibhasa’y kinikilala ang suliraning ito, iminumungkahi ng mga iskolar na sina Kamphausen at Kittel na ang pangalan ni Ahab ay naipagkamali sa pangalan ni Jehoram sa mga rekord ng Asirya. (Dictionary of the Bible ni Hastings, 1904, Tomo I, p. 53) Gayunman, walang rekord sa Bibliya ng gayong pakikibahagi ni Jehoram sa pagbabaka sa Karkar.

Mahirap ding ipaliwanag kung bakit makikiisa si Ahab sa mortal na mga kaaway ng Israel sa gayong koalisyon. Kaya ang The Encyclopedia Americana (1956, Tomo I, p. 269) ay nagsasabi, “Masusumpungan natin [si Ahab] na kakatwang may pakikipag-alyansa sa kaniyang matagal nang kaaway na si Benhadad laban kay Salmaneser ng Asirya, bagaman maaaring ipalagay ng isa na malulugod siyang makitang nagapi na si Benhadad, at ang Asirya ay hindi na nagbabantang panganib.” Katatapos pa lamang makipaglaban ni Ahab sa dalawang digmaan laban sa mga Siryano, at bagaman may maikling yugto na walang labanan sa pagitan ng Israel at Sirya, nang ikatlong taon ng yugtong iyon ay nakipaglaban si Ahab sa isang pangwakas na pakikipagbaka sa kanila, anupat namatay siya. (1Ha 22:1-4, 34-37) Hindi kapani-paniwala ang mga pagsisikap na ginawa upang ipaliwanag ang kaniyang pagpasok sa alyansang Siryano, alinman bilang isang nagkusang-loob na kaalyado o dahil sa pamimilit.

Bilang huling punto, ang malaking hukbo na sinasabing kay A-ha-ab-bu sa inskripsiyon ni Salmaneser ay hindi kasuwato ng ipinahihiwatig ng Bibliya tungkol sa mga kasangkapang pandigma ng Israel. Si A-ha-ab-bu ay itinala na nagdala ng “2,000 karo,” higit pa kaysa sa alinman sa iba pang mga hari sa alyansa. Palibhasa’y nakikita ang suliranin dito, lalo pang pinalubha ng mga tagapagtaguyod ng pag-uugnay kay A-ha-ab-bu kay Haring Ahab ang suliranin sa pamamagitan ng pagmumungkahi ng isa pang kakatwang pagsanib ng mga delegasyong Judeano, taga-Tiro, Edomita, at maging Moabita sa mga hukbo ni Ahab upang punan ang kinakailangang bilang ng mga karo. (Encyclopædia Biblica, Tomo I, tud. 92; The Encyclopædia Britannica, 1910, Tomo I, p. 429) Mapapansin na noong kaniyang paghahari, maging ang makapangyarihang si Haring Solomon ay nagkaroon lamang ng 1,400 karo.​—1Ha 10:26.

Dahil sa lahat ng puntong nabanggit, lumilitaw na talagang posible na hindi tama ang pagkakasalin sa A-ha-ab-bu matSir-ʼi-la-a-a bilang “Ahab na Israelita” at na marahil ay labis lamang na nasasabik ang mga tagapagpaliwanag ng inskripsiyon na makitang ang pangalang iyon ay kaugnay ng isang kilaláng tauhan sa kasaysayan. Mapapansin na sa inskripsiyon ding iyon ay may pagtukoy sa “Musri,” at bagaman ang terminong ito ay ginamit sa ibang bahagi upang tumukoy sa Ehipto, tinatanggihan ng mga tagapagsalin ang gayong pag-uugnay anupat itinuring na hindi makatuwiran at iminumungkahi na ang pangalang iyon ay “malamang na tumutukoy sa isang bansa sa timugang Asia Minor.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 279, tlb. 9) Waring may gayunding mabubuting dahilan upang isiping ang pag-uugnay ng matSir-ʼi-la-a-a sa Israel ay hindi makatuwiran. Maaaring sa paglipas ng panahon ay mapatunayang gayon nga.

Lumilitaw na ang pangunahing mga lider sa koalisyong Siryano na nakaharap ni Salmaneser III sa Karkar ay si Haring Adad-idri ng Damasco at si Haring Irhuleni ng Hamat. Inangkin ni Salmaneser na nagkamit siya ng malaking tagumpay sa pagbabaka, ngunit hindi sapat ang resulta upang magpahintulot ng higit pang paglusob ng Asirya sa K. Dahil dito, may karagdagan pang mga pakikipagbaka laban kay Adad-idri ng Damasco na itinala noong sumunod na mga taon.

Mga Inskripsiyon may Kaugnayan Kina Hazael at Jehu. Bilang katuparan ng hula ni Jehova sa pamamagitan ni Eliseo, pinatay ni Hazael, na tagapangasiwa sa sambahayan ni Haring Ben-hadad ng Damasco, ang kaniyang amo at siya ang naging hari, malamang na sa pagtatapos ng paghahari ni Haring Jehoram (mga 917-905 B.C.E.). (2Ha 8:7-15) Isang inskripsiyon ni Salmaneser III ang nagpapatunay nito, na nagsasabi: “Si Hadadezer [Adad-idri, maliwanag na si Ben-hadad II ng Damasco] (mismo) ay namatay. Inagaw ni Hazael, isang karaniwang mamamayan (sa literal: anak ng isang taong walang halaga), ang trono.” Ang mga pakikipagbaka kay Hazael ay binabanggit noong ika-18 at ika-21 mga taon ni Salmaneser, anupat ang Asiryano ang nagtamo ng mga tagumpay ngunit hindi kailanman nakuha ang Damasco.​—Ancient Near Eastern Texts, p. 280.

Ang pangalan ni Haring Jehu ng Israel (mga 904-877 B.C.E.) ay lumilitaw rin sa Black Obelisk ni Salmaneser (nasa British Museum ngayon) kasama ng isang relyebe na naglalarawan sa waring isang embahador ni Jehu na nakaluhod sa harap ng Asiryanong hari at nagdadala rito ng mga kaloob. Ang inskripsiyon ay nagsasabi: “Ang tributo ni Jehu (Ia-ú-a), anak ni Omri (Hu-um-ri) [nangangahulugang isang kahalili ni Omri]; tumanggap ako mula sa kaniya ng pilak, ginto, isang ginintuang mangkok na saplu, isang ginintuang plorera na patulis ang ilalim, mga ginintuang baso, mga ginintuang timba, lata, isang baston para sa hari.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 281) Ang tributong ito ay hindi binanggit sa ulat ng Bibliya may kinalaman kay Jehu, at bagaman ang gayong pagkilos ay posibleng ginawa ng Israelitang hari dahil sa mga kalagayang inilalarawan sa 2 Hari 10:31-33, hindi dapat ipagpalagay kailanman na ang mga egotistikong Asiryanong monarka ay hindi marunong gumawa ng malulubhang paninira, kapuwa sa kanilang mga inskripsiyon at sa kanilang nililok na mga relyebe.

2. Si Salmaneser V ang kahalili ni Tiglat-pileser III. May kaugnayan sa sekular na mga rekord, walang gaanong nalalaman hinggil sa kaniyang paghahari. Lumilitaw na itinala siya bilang hari sa Babilonya sa loob ng limang taon sa ilalim ng pangalang Ululaia. (Ancient Near Eastern Texts, p. 272, tlb. 4) Sinisipi rin ni Josephus ang istoryador na si Menander na naglarawan sa isang pagkubkob ni Salmaneser V sa Tiro. (Jewish Antiquities, IX, 283-287 [xiv, 2]) Maliban dito, ang Bibliya ang pangunahing mapagkukunan ng impormasyon may kinalaman sa haring ito.

Panunupil sa Israel. Noong panahon ng paghahari ni Haring Hosea ng Israel (mga 758-740 B.C.E.), lumusob si Salmaneser V sa Palestina at si Hosea ay naging kaniyang basalyo na pinatawan ng taunang tributo. (2Ha 17:1-3) Gayunman, nang maglaon ay hindi nagbayad si Hosea ng tributo at natuklasang nakikipagsabuwatan kay Haring So ng Ehipto. (Tingnan ang SO.) Dahil dito, ikinulong ni Salmaneser si Hosea at pagkatapos nito ay kinubkob ang Samaria sa loob ng tatlong taon, anupat nang dakong huli ay bumagsak ang lubhang nakukutaang lunsod, at ang mga Israelita ay dinala sa pagkatapon.​—2Ha 17:4-6; 18:9-12; ihambing ang Os 7:11; Eze 23:4-10.

Hindi espesipikong binanggit sa ulat ng Bibliya ang pangalan ng Asiryanong hari na bumihag sa Samaria nang dakong huli.​—Tingnan ang SARGON.

Nang bumagsak ang Samaria noong 740 B.C.E., ang 257-taóng pamamahala ng sampung-tribong kaharian ng Israel ay nagwakas.

[Larawan sa pahina 1058]

Ang obelisko ni Salmaneser kung saan makikita si Jehu (o malamang ay ang kinatawan niya) na nagbabayad ng tributo sa Asiryanong hari