Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Samos

Samos

[Kaitaasan].

Isang pulo sa Dagat Aegeano na malapit sa K baybayin ng Asia Minor. Lumilitaw na panandaliang tumigil si Pablo sa Samos noong pabalik siya mula sa kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero.​—Gaw 20:15.

Isang kipot na may haba na mga 1.5 km (1 mi) ang nasa pagitan ng bulubunduking pulo na ito at ng lungos ng Asia na tinatawag na Samsun Dagi. Ang Samos ay nasa TK ng Efeso at HK ng Mileto. Ito ay may haba na mga 43 km (27 mi) at lapad na mga 23 km (14 na mi). Isa itong malayang estado noong panahon ng mga paglalakbay ni Pablo bilang misyonero. Ang pangunahing lunsod at daungan nito ay tinatawag ding Samos. Napabantog ang pulo dahil sa kulto ni Hera (si Juno, ang Romanong diyosa ng pag-aasawa at pag-aanak) at mayroon itong templo para sa kaniya na nakipagpaligsahan sa templo ni Artemis sa Efeso kung tungkol sa karilagan at kabantugan.

Ayon sa ulat ng Kasulatan, ang barkong sinakyan ni Pablo pabalik sa Jerusalem ay huminto sa tapat ng Kios, naglayag nang mga 105 km (65 mi) sa may baybayin ng Asia Minor at ‘dumaong sa Samos, at nang sumunod pang araw ay dumating sa Mileto.’ (Gaw 20:15) May ilang manuskrito na nagdaragdag ng isang pananalita rito anupat ang salin ay nagiging “dumaong kami sa Samos at, matapos huminto sa Trogyllium, dumating kami sa Mileto nang sumunod na araw.” (JB) Ipinapalagay na nangangahulugan ito na ang barko ay hindi nanatiling nakadaong sa Samos kundi, sa halip, tinawid nito ang kipot at nagbaba ito ng angkla sa tapat ng mataas na lungos doon. Gayunman, wala sa pinakamatanda at pinakamaaasahang mga manuskrito ang pananalita tungkol sa “Trogyllium,” at tinanggihan ito nina Westcott at Hort gayundin nina Nestle at Aland noong inihahanda nila ang kanilang mga master text. Maliwanag na ang barkong sinasakyan ni Pablo ay panandaliang dumaong sa Samos at pagkatapos ay naglakbay patungong Mileto.