Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sandalyas

Sandalyas

Isang lapád na suwelas na yari sa katad, kahoy, o iba pang makunat na materyales na itinatali sa paa sa pamamagitan ng mga sintas, na kadalasan nama’y maninipis na piraso ng katad na idinaraan sa pagitan ng hinlalaki at ng ikalawang daliri, iniikot sa sakong, at ibinabalik sa ibabaw ng paa. Sa ilang kaso, ang strap ay abot hanggang sa bukung-bukong.

Noon, ang mga sandalyas ng mga Ehipsiyo ay kadalasang nakatikwas sa unahan. Ang ilang sandalyas naman ng mga Asiryano ay binubuo lamang ng pantakip para sa sakong at gilid ng paa, anupat itinatali ito sa ibabaw ng paa sa pamamagitan ng maninipis na piraso ng katad at wala itong suwelas para sa unahang bahagi ng paa. Nagsuot ng sandalyas ang mga Romano at sinasabing nagsuot din sila ng mga sapatos na kahawig ng mga ginagamit sa makabagong panahon. Mas magagarbong sandalyas o tulad-botang mga sapatos ang isinuot ng aristokrasya at mga maharlika ng mga Asiryano, mga Romano, at ng iba pa. Mga sandalyas naman na gawa sa balat ng isang uri ng dugong (hayop-dagat na parang poka [seal]) ang isinusuot ng ilang Bedouin sa palibot ng Bundok Sinai. Makasagisag na sinabi ni Jehova na sasapatusan niya ang Jerusalem ng “balat ng poka” (sa Heb., taʹchash).​—Eze 16:10.

Sinasabing ang mga saserdote ng Israel ay naglingkod sa tabernakulo at sa templo nang nakatapak. (Ihambing ang Exo 3:5; Jos 5:15; Gaw 7:33.) Gayunman, isang tanda ng pamimighati o kahihiyan ang paglalakad sa labas nang nakatapak.​—2Sa 15:30; Isa 20:2-5; ihambing ang kaibahan ng utos kay Ezekiel (24:17, 23).

Sa mahabang paglalakbay, kaugalian noon ang magdala ng isa pang pares ng sandalyas, yamang maaaring masira ang mga suwelas o maputol ang mga sintas. Noong isinusugo ni Jesus ang mga apostol, at maging ang 70 alagad, inutusan niya silang huwag magdala ng dalawang pares ng sandalyas kundi umasa sa pagkamapagpatuloy niyaong mga tumatanggap sa mabuting balita.​—Mat 10:5, 9, 10; Mar 6:7-9; Luc 10:1, 4.

Makasagisag na Paggamit. Sa ilalim ng Kautusan, aalisin ng babaing balo ang sandalyas ng lalaking tumangging tuparin sa kaniya ang pag-aasawa bilang bayaw, at bilang pagdusta, ang pangalan nito ay tatawaging “Ang bahay niyaong hinubaran ng kaniyang sandalyas.” (Deu 25:9, 10) Ang paglilipat ng ari-arian o ng karapatang tumubos ay isinagisag ng pag-aabot ng isang tao ng kaniyang sandalyas sa iba.​—Ru 4:7-10; tingnan ang PAG-AASAWA BILANG BAYAW.

Sa pananalitang “sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas” (Aw 60:8; 108:9), maaaring ang ibig sabihin ni Jehova ay na susupilin ang Edom. Posibleng tumutukoy ito sa kaugalian kung saan ipinahihiwatig ng isa ang pagmamay-ari niya sa isang piraso ng lupain sa pamamagitan ng paghahagis niya roon ng kaniyang sandalyas. O, maaaring nagpapahiwatig ito ng paghamak sa Edom, yamang sa teksto ring iyon, ang Moab ay tinawag na “aking hugasan.” Sa Gitnang Silangan sa ngayon, ang paghahagis ng sandalyas ay isang tanda ng paghamak.

Tinagubilinan ni David si Solomon na parusahan si Joab, na sa panahon ng kapayapaan ay ‘naglagay ng dugo ng digmaan sa mga sandalyas niya,’ isang makasagisag na pananalita na tumutukoy sa pagkakasala ni Joab sa dugo dahil sa pagpatay niya sa mga heneral na sina Abner at Amasa. (1Ha 2:5, 6) Ito, bukod pa sa bagay na ang nagsusuot ng kaniyang mga sandalyas ay may gawaing isasagawa nang malayo sa kaniyang bahay (o sa kinaroroonan niya; ihambing ang Gaw 12:8), ay nagbibigay-liwanag sa payo ng apostol na si Pablo sa mga Kristiyano na ang kanilang mga paa ay dapat na “may suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan.”​—Efe 6:14, 15.

Noon, ang pagkakalag ng mga sintas ng sandalyas ng iba o ang pagdadala ng kaniyang mga sandalyas ay itinuturing na isang mababang gawain gaya ng madalas na ginagawa ng mga alipin. Ginamit ni Juan ang ganitong simili upang ipahiwatig na mas mababa siya kaysa kay Kristo.​—Mat 3:11; Mar 1:7.