Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sanlinggo

Sanlinggo

Ang salitang Hebreo para sa “sanlinggo” (sha·vuʹaʽ) ay literal na tumutukoy sa isang yunit o yugto na nahahati sa pito. Ang salitang Griego naman na sabʹba·ton ay hinalaw sa salitang Hebreo para sa Sabbath (shab·bathʹ).

Ang pagbilang ng mga araw sa tigpipitong mga siklo ay nagsimula noong maagang bahagi ng kasaysayan ng tao. Itinatag ng Diyos na Jehova ang parisan para sa ganitong paghahati-hati ng panahon noong hinati-hati niya ang yugto ng kaniyang gawang paglalang sa loob ng anim na araw, o mga yunit ng panahon, na nagtatapos sa isang ikapitong araw ng kapahingahan. (Gen 2:2, 3) Pagkatapos nito, ang masusumpungan nating sumunod na pagtukoy tungkol sa pitong-araw na siklo ay yaong may kaugnayan kay Noe noong panahon ng Baha, ngunit doon ay walang binabanggit na ikapitong-araw na kapahingahan. (Gen 7:4, 10; 8:10, 12) Sa Padan-aram at sa Filistia, ipinangingilin ang mga yugto na tigpipitong araw may kinalaman sa mga kasalan. (Gen 29:27, 28; Huk 14:12, 17) Ipinangilin din ang isang pitong-araw na yugto noong libing ni Jacob. (Gen 50:10) Gayunman, hindi ipinakikita ng ulat ng Bibliya na ang sinaunang mga yugtong ito na tigpipitong araw ay may sinunod na lingguhang kaayusan, anupat may regular na panimulang araw at sinusundan ng iba pang nakakatulad na mga yugto na may tigpipitong araw. Sa ilang sinaunang mga tao, ang mga siklo na tigpipitong araw ay inuugitan ng apat na pagbabagong-hugis ng buwan at muling nagsisimula sa bawat bagong buwan [new moon]. Yamang ang buwang lunar ay sumasaklaw ng 29 o 30 araw, hindi maaaring magkaroon ng kumpletong sunud-sunod na mga siklo na tigpipitong araw.

Ang unang pagtukoy sa isang sampung-araw na yugto ay masusumpungan sa Genesis 24:55. Sa sinaunang Ehipto, ang panahon ay nahahati sa mga siklo na tigsasampung araw (tatlong ganitong siklo sa bawat buwan), at maliwanag na naging pamilyar dito ang mga Israelita sa panahon ng kanilang matagal na pakikipamayan sa Ehipto.

Sa Ilalim ng Kautusan. Ang unang pagbanggit sa isang bigay-Diyos na ordinansa na may kahilingang ipangilin ang isang espesipikong pitong-araw na yugto ay masusumpungan natin kaugnay ng mga tagubilin may kinalaman sa Paskuwa. Ang yugtong ito ang naging taunang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa na mula noon ay ipinagdiwang ng mga Israelita pagkatapos ng Paskuwa. Kapuwa ang unang araw at ang ikapito, o huling, araw ay mga araw ng kapahingahan.​—Exo 12:14-20; 13:6-10.

Itinatag ang araw ng sabbath. Samantala, pagkatapos pasinayaan ang pantanging sanlinggong ito, saka naman sumunod ang isang yugto na mga isang buwan na sa panahong iyon ay naglalakbay ang mga Israelita sa kanilang Pag-alis mula sa Ehipto, at sa loob ng yugtong iyon ay walang binabanggit na may ginawa silang lingguhang pangingilin na nagtatapos sa isang ikapitong araw ng kapahingahan. Pagkatapos ng ika-15 araw ng ikalawang buwan pagkalabas nila sa lupain ng Ehipto, nagsimulang magbigay si Jehova sa kanila ng manna, at ito ang panahon nang una silang tagubilinan may kinalaman sa regular na pangingilin ng Sabbath tuwing ikapitong araw. (Exo 16:1, 4, 5, 22-30) Tiyak na ang pangingilin ng Sabbath na ito ay humantong sa isang sunud-sunod na lingguhang pagkakahati-hati ng mga araw na hindi nalilimitahan ng mga yugto ng buwang lunar. Mula noon ay ginawa itong legal na batas ng Diyos sa tipang Kautusan na ibinigay sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises.​—Exo 20:8-11; Deu 5:12-15.

Mga yugto ng mga kapistahan. Sabihin pa, may ilang yugto ng mga kapistahang pitong araw ang haba na itinakda sa Kautusan at na hindi naman laging nagsisimula o nagtatapos kaayon ng regular na sanlinggo na inuugitan ng Sabbath. Nagsisimula ang mga ito sa isang partikular na araw ng buwang lunar; samakatuwid, ang panimulang araw ay pumapatak sa iba’t-ibang araw ng sanlinggo taun-taon. Totoo ito may kinalaman sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, na kasunod ng Paskuwa at pumapatak sa Nisan 15-21, at gayundin sa Kapistahan ng mga Kubol sa Etanim 15-21. Sa gayunding paraan, ang Kapistahan ng mga Sanlinggo, o Pentecostes, ay ibinatay sa pagbilang ng pitong sanlinggo at isang araw, ngunit pinasisimulang bilangin ang pitong sanlinggo mula Nisan 16, anupat ang sinasaklaw nito ay hindi laging kaayon ng regular na mga sanlinggo na nagtatapos sa regular na mga araw ng Sabbath.​—Exo 12:2, 6, 14-20; Lev 23:5-7, 15, 16; Deu 16:9, 10, 13.

Hindi binigyan ng pangalan ang mga araw ng sanlinggo kundi tinukoy lamang ang mga ito ayon sa pamilang, maliban sa ikapitong araw na tinawag na “sabbath.” (Exo 20:8) Ganito rin ang ginawa noong mga araw ni Jesus at ng kaniyang mga apostol, bagaman ang araw bago ang sabbath ay tinawag noon na “Paghahanda.”​—Mat 28:1; Gaw 20:7; Mar 15:42; Ju 19:31.

Pitong-araw at pitong-taóng mga yugto. Dahil sa kahalagahang iniuugnay ng tipang Kautusan sa Sabbath, o sa ikapitong araw, ang salitang “sabbath” ay karaniwang ginagamit noon upang tumukoy sa buong sanlinggo na may pitong araw. (Lev 23:15, 16) Sa katulad na paraan, ginamit ito upang tumukoy sa ikapitong taon, na isang taon ng Sabbath ng kapahingahan para sa lupain. At kumatawan din ito sa buong pitong-taóng yugto, o sanlinggo ng mga taon, na nagtatapos sa taon ng Sabbath. (Lev 25:2-8) Paulit-ulit na ginagamit ng Judiong Mishnah ang pananalitang “sanlinggo ng mga taon.”​—Sheviʽit 4:7-9; Sanhedrin 5:1; tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO (Isang Mesiyanikong Hula).