Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Santiago, Liham ni

Santiago, Liham ni

Isang kinasihang liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Isa ito sa tinatawag na pangkalahatang mga liham sapagkat, tulad ng Una at Ikalawang Pedro, Unang Juan, at Judas (ngunit di-tulad ng karamihan sa mga liham ng apostol na si Pablo), hindi ito patungkol sa isang espesipikong kongregasyon o indibiduwal. Ipinatutungkol ang liham na ito sa “labindalawang tribo na nakapangalat.”​—San 1:1.

Manunulat. Tinutukoy lamang ng manunulat ang kaniyang sarili na “si Santiago, isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo.” (San 1:1) Dalawang apostol ni Jesus ang nagngangalang Santiago (Mat 10:2, 3), ngunit malayong mangyari na isa sa kanila ang sumulat ng liham. Ang isang apostol, si Santiago na anak ni Zebedeo, ay pinatay bilang martir noong mga 44 C.E. (Gaw 12:1, 2) Gaya ng ipinakikita ng nilalaman mismo ng liham, napakalayong mangyari na isinulat ito di-nagtagal matapos mabuo ang kongregasyong Kristiyano. (San 1:1) Ang isa pang apostol na Santiago, na anak ni Alfeo, ay hindi prominente sa rekord ng Kasulatan, at kaunting-kaunti lamang ang nalalaman tungkol sa kaniya. Kung isasaalang-alang ang pagkatahasan ng liham ni Santiago, waring hindi si Santiago na anak ni Alfeo ang manunulat, sapagkat kung siya ang sumulat ay malamang na ipakikilala niya ang kaniyang sarili bilang isa sa 12 apostol upang masuportahan ng apostolikong awtoridad ang kaniyang matitinding pananalita.

Sa halip, ipinakikita ng katibayan na ang manunulat ay si Santiago na kapatid sa ina ni Jesu-Kristo, na maliwanag na pinagpakitaan ng binuhay-muling si Kristo sa isang pantanging pagkakataon at prominente rin sa gitna ng mga alagad. (Mat 13:55; Gaw 21:15-25; 1Co 15:7; Gal 2:9) Sa liham ni Santiago, tinukoy ng manunulat ang kaniyang sarili bilang “isang alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Kristo,” kagayang-kagaya rin ng ginawa ni Judas, na sa pambungad ng kaniyang liham ay nagpakilala bilang “isang alipin ni Jesu-Kristo, ngunit kapatid ni Santiago.” (San 1:1; Jud 1) Karagdagan pa, kalakip sa bating pambungad ng liham ni Santiago ang terminong “Mga pagbati!” na ginamit din sa liham may kinalaman sa pagtutuli na ipinadala sa mga kongregasyon. Sa huling nabanggit na kaso, lumilitaw na ang kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ang prominenteng tagapagsalita noon sa kapulungan ng ‘mga apostol at matatandang lalaki’ sa Jerusalem.​—Gaw 15:13, 22, 23.

Pagiging Kanonikal. Ang liham ni Santiago ay kasama sa Vatican Manuscript No. 1209, gayundin sa mga manuskritong Sinaitic at Alexandrine ng ikaapat at ikalimang siglo C.E. Kalakip ito sa Syriac na Peshitta, at matatagpuan ito sa di-kukulangin sa sampung sinaunang katalogo bago ang Konsilyo ng Cartago noong 397 C.E. Sumipi rito ang sinaunang mga relihiyosong manunulat, anupat kinilala ito nina Origen, Cyril ng Jerusalem, Jerome, at ng iba pa bilang tunay na bahagi ng Kasulatan.

Petsa at Lugar ng Pagsulat. Walang anumang pahiwatig sa liham na bumagsak na ang Jerusalem sa mga Romano (noong 70 C.E.). Ayon sa Judiong istoryador na si Josephus, isang mataas na saserdote na nagngangalang Ananus, na isang Saduceo, ang siyang may pananagutan sa pagdadala kay Santiago at sa iba pa sa harap ng Sanedrin at sa pagbato sa kanila hanggang sa mamatay. Isinulat ni Josephus na naganap ito pagkamatay ng Romanong prokurador na si Festo, ngunit bago ang pagdating ng kaniyang kahalili na si Albinus. (Jewish Antiquities, XX, 197-203 [ix, 1]) Kung gayon nga, at kung tama ang mga impormasyon na nagpapalagay na namatay si Festo noong mga 62 C.E., malamang na isinulat ni Santiago ang kaniyang liham ilang panahon bago ang petsang iyon.

Malamang na sa Jerusalem isinulat ang liham, sapagkat doon nakatira si Santiago.​—Gal 1:18, 19.

Kung Sino ang Sinulatan. Isinulat ni Santiago ang liham para sa “labindalawang tribo na nakapangalat,” sa literal, “(mga) nasa pangangalat.” (San 1:1, tlb sa Rbi8) Dito ay kinakausap niya ang kaniyang espirituwal na “mga kapatid,” yaong mga nanghahawakan sa “pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo,” pangunahin na yaong mga naninirahan sa labas ng Palestina. (1:2; 2:1, 7; 5:7) Ang karamihan ng argumento ni Santiago ay ibinatay niya sa Hebreong Kasulatan, ngunit hindi ito nagpapatunay na ang kaniyang liham ay para lamang sa mga Judiong Kristiyano, kung paanong sa makabagong panahon, ang pagiging pamilyar ng isang tao sa Hebreong Kasulatan ay hindi nagpapatunay na nagmula siya sa angkang Judio. Ang pagtukoy niya kay Abraham bilang “ating ama” (2:21) ay kasuwato ng mga salita ni Pablo sa Galacia 3:28, 29, kung saan ipinakita ni Pablo na ang pagiging kabilang ng isa sa tunay na binhi ni Abraham ay hindi nakadepende sa kung ang isa ay Judio o Griego. Samakatuwid, tiyak na ang pinatutungkulang “labindalawang tribo” ay ang espirituwal na “Israel ng Diyos”.​—Gal 6:15, 16.

Layunin. Waring may dalawang layunin si Santiago sa pagsulat: (1) upang payuhan ang kaniyang mga kapananampalataya na magpakita ng pananampalataya at pagbabata sa kabila ng mga pagsubok sa kanila, at (2) upang babalaan sila laban sa mga kasalanan na nagbubunga ng di-pagsang-ayon ng Diyos.

Ang ilan ay nahulog sa silo anupat tinitingala nila ang mga mas prominente at mayayaman at nagpapakita sila ng paboritismo. (San 2:1-9) Hindi nila napag-uunawa kung ano talaga sila sa paningin ng Diyos at sila’y mga tagapakinig ng salita ngunit hindi mga tagatupad. (1:22-27) Ginagamit nila sa maling paraan ang kanilang dila, at ang kanilang mga pagnanasa sa kaluguran ng laman ay nagiging sanhi ng mga pag-aaway sa gitna nila. (3:2-12; 4:1-3) Dahil sa kanilang pagnanasa sa materyal na mga bagay, ang ilan ay naging mga kaibigan ng sanlibutan at samakatuwid, hindi malilinis na dalaga, kundi espirituwal na “mga mangangalunya,” na may pakikipag-alit sa Diyos.​—4:4-6.

Itinuwid sila ni Santiago may kinalaman sa pagiging mga tagatupad at mga tagapakinig; sa pamamagitan ng mga halimbawa mula sa Kasulatan, ipinaliwanag niya na kung tunay ang pananampalataya ng isang tao, ipakikita niya iyon sa pamamagitan ng mga gawang kasuwato ng kaniyang pananampalataya. Halimbawa, ang isa na may tunay na pananampalataya ay hindi magsasabi sa isang kapatid na hubad at kulang sa pagkain, “Yumaon [kang] payapa, magpainit [ka] at magpakabusog,” pagkatapos ay hindi naman niya ibibigay ang mga pangangailangan nito. (San 2:14-26) Dito ay hindi sinasalungat ni Santiago si Pablo sa pagsasabing maaaring matamo ng isa ang kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa. Sa halip, tinatanggap niya na ang pananampalataya ang saligan ukol sa kaligtasan ngunit itinatawag-pansin niya na walang tunay na pananampalataya na hindi magbubunga ng mabubuting gawa. Kasuwato ito ng paglalarawan ni Pablo sa mga bunga ng espiritu, sa Galacia 5:22-24, at ng payo niya na magbihis ng bagong personalidad, sa Efeso 4:22-24 at Colosas 3:5-10, pati ng paalaala niya na gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba, sa Hebreo 13:16.

Istilo. Ang liham ni Santiago ay may istilong katulad na katulad ng sa mga propeta at naglalaman ng maraming tayutay at simili, anupat may pagkakahawig sa mga diskurso ni Jesu-Kristo, gaya ng Sermon sa Bundok. Tulad ni Jesus, pinagbatayan ni Santiago ang pisikal na mga bagay​—ang dagat, pananim, mga hayop, mga barko, isang magsasaka, ang lupa​—upang magbigay ng makulay na suporta sa kaniyang mga argumento tungkol sa pananampalataya, pagkontrol sa dila, pagtitiis, at iba pa. (San 1:6, 9-11; 3:3-12; 5:7) Dahil dito, bukod pa sa paggamit ng tuwirang mga tanong at mahigit sa 50 pangungusap na pautos sa isang di-kahabaang liham, naging mapuwersa ang liham ni Santiago.

Kaugnayan sa Mas Naunang Kinasihang Kasulatan. Sinipi o tinukoy ni Santiago ang Hebreong Kasulatan may kinalaman sa paglalang sa tao (San 3:9; Gen 1:26); kina Abraham at Rahab (San 2:21-26; Gen 15:6; 22:9-12; Jos 2; Isa 41:8); kay Job (San 5:11; Job 1:13-22; 2:7-10; 42:10-17); sa Kautusan (San 2:8, 11; Exo 20:13, 14; Lev 19:18; Deu 5:17, 18), at kay Elias (San 5:17, 18; 1Ha 17:1; 18:1). Maraming espesipikong halimbawa sa liham ang kasuwatung-kasuwato ng mga pananalita ni Jesu-Kristo. Ang ilan sa mga ito ay: may kinalaman sa pag-uusig (San 1:2; Mat 5:10-12); paghingi at pagtanggap ng mga bagay mula sa Diyos (San 1:5, 17; Luc 11:9-13); pagiging kapuwa tagapakinig at tagatupad (San 1:22; Mat 7:21-27); pagiging hiwalay sa sanlibutan (San 4:4; Ju 17:14); hindi paghatol sa iba (San 4:12; Luc 6:37); pagkamapananaligan ng salita ng isa (San 5:12; Mat 5:33-37).

Isang suliranin ang inihaharap ng Santiago 4:5 sapagkat hindi matiyak kung aling (mga) talata ang sinipi (o marahil ay tinukoy lamang) ni Santiago. Ang tekstong ito ay kababasahan: “O inaakala ba ninyo na ang kasulatan ay nagsasabi nang walang layunin: ‘Dahil sa hilig na mainggit kung kaya ang espiritu na nanahanan sa atin ay patuloy na nananabik’?” Iminumungkahi na hinalaw ni Santiago ang mga salitang ito, sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, mula sa pangkalahatang diwa ng mga tekstong gaya ng Genesis 6:5; 8:21; Kawikaan 21:10; at Galacia 5:17.

[Kahon sa pahina 1090]

MGA TAMPOK NA BAHAGI NG SANTIAGO

Isang liham na nagdiriin na ang pananampalataya ay kailangang ipakita sa pamamagitan ng mga gawa

Isinulat bago ang 62 C.E., mahigit na walong taon bago wasakin ng mga Romano ang Jerusalem

Ang mga Kristiyano na may-katapatang nagbabata sa ilalim ng pagsubok ay may dahilan upang maging maligaya (1:1-18)

Saganang ibibigay ng Diyos sa atin ang karunungang kailangan upang makapagbata kung patuloy nating hihingin iyon nang may pananampalataya

Hindi tayo kailanman sinusubok ng Diyos sa masasamang bagay; ngunit ang isang indibiduwal ay maaaring maakit ng sarili niyang maling pagnanasa tungo sa maling landasin

Ang lahat ng inilalaan ni Jehova ay mabuti

Ang pagsambang tinatanggap ng Diyos ay humihiling ng matuwid na mga gawa na nagpapatunay ng pananampalataya ng isa (1:19–2:26)

Alisin ang lahat ng kasamaan at tanggapin ang salita ng Diyos nang may kahinahunan; maging tagatupad ng salita at hindi tagapakinig lamang

Matutong magkontrol ng dila, alagaan ang mga ulila at mga babaing balo, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan

Ang pagtatangi sa mayayaman samantalang winawalang-halaga ang mga dukha ay labag sa “makaharing kautusan” ng pag-ibig

Ang buháy na pananampalataya ay nahahayag sa mga gawa, gaya ng makikita sa mga halimbawa nina Abraham at Rahab

Malaki ang pananagutan ng mga guro sa harap ni Jehova (3:1-18)

Sila, at ang lahat ng Kristiyano, ay dapat matutong magkontrol ng dila

Magagawa nila ito kung magpapamalas sila ng karunungan mula sa itaas

Ang makasanlibutang mga hilig ay makaaapekto sa kaugnayan natin sa Diyos (4:1–5:12)

Yaong mga nakikipag-away upang matamo ang kanilang mapag-imbot na mga tunguhin o yaong mga nagpapataw ng hatol sa kanilang mga kapatid ay kailangang magsisi

Ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos

Ang materyalistikong pagpaplano na nagwawalang-bahala sa kalooban ni Jehova ay kapalaluan

Kahatulan ng Diyos ang naghihintay sa mayayaman at mandarayang mga maniniil

Sa ilalim ng kapighatian, dapat magbantay laban sa espiritu ng kawalang-pagtitiis at pagbubuntunghininga, samantalang hinihintay natin na si Jesu-Kristo ang humatol

Upang gumaling mula sa espirituwal na pagkakasakit na resulta ng pagkakasala, dapat tawagin niyaong nagdurusa ang matatanda upang matulungan nila siya (5:13-20)

Ang hayagang pagtatapat ng kasalanan at gayundin ang mga panalangin ng matatanda para sa nagkasala ay makatutulong tungo sa espirituwal na paggaling

Ang pagpapanumbalik sa kapatid na nagkasala ay nangangahulugan ng pagliligtas sa kaniya mula sa espirituwal na kamatayan