Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sapilitang Paglilingkod

Sapilitang Paglilingkod

Ang salitang Hebreo para sa “sapilitang paglilingkod” ay seʹvel, na may kaugnayan sa isang literal o makasagisag na pasan, isang ipinataw na pasanin, o nagpapahirap na pagpapagal. Maaari itong tumukoy sa corvée, samakatuwid nga, pagtatrabaho na di-binabayaran o di-lubos na binabayaran at ipinapataw ng isang awtoridad sa isang grupo ng mga tao, halimbawa ay sa mga tumatahan sa isang partikular na lugar.

Nang binubulay-bulay ng salmista ang pagliligtas sa Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto, inilarawan niya si Jehova na nagsasabi: “Inihiwalay ko ang kaniyang balikat mula sa pasanin [o sapilitang paglilingkod].” (Aw 81:6; Exo 1:11) Tumawag si Haring Solomon ng mga lalaki para sa puwersahang pagtatrabaho upang gamitin sa iba’t ibang proyektong pagtatayo at naglagay siya ng mga kapatas na mamamahala sa kanila. (1Ha 5:13; 9:15, 23) Nang mamasdan ni Solomon na ang kabataang si Jeroboam ay isang masipag na manggagawa, “ginawa niya itong tagapangasiwa sa lahat ng sapilitang paglilingkod ng sambahayan ni Jose,” samakatuwid nga, ng mga lalaking tinawag mula sa mga tribo nina Efraim at Manases.​—1Ha 11:26-28.

Nauugnay naman sa salitang Hebreo na seʹvel ang sab·balʹ, nangangahulugang “tagapagdala ng pasan.” Pagkatapos na kunan ng sensus ang mga lalaking naninirahang dayuhan sa Israel, inilagay sila ni Solomon sa paglilingkod, at 70,000 sa kanila ang naging mga tagapagdala ng pasan. (2Cr 2:2, 17, 18) Pagkaraan ng maraming taon, kinumpuni ni Haring Josias ang templo, at kabilang sa mga gumawa ng gawain ang “mga tagapagdala ng pasan.”​—2Cr 34:12, 13.

Ang salitang Hebreo na tsa·vaʼʹ, na kadalasa’y tumutukoy sa paglilingkod militar o sa paglilingkod kapag panahon ng digmaan, ay nangangahulugan ding “sapilitang pagpapagal,” samakatuwid nga, bilang pambayad sa utang o pagkakasala. Kaya naman noon, ang Jerusalem ay sasabihan na ang kaniyang “paglilingkod militar” ay naganap na at ang kaniyang kamalian ay nabayaran na. (Isa 40:1, 2, tlb sa Rbi8) Noong si Job ay nasa ilalim ng pagsubok at noong siya’y napipighati at lipos ng kirot, inihalintulad niya ang buhay sa mahirap at nakapapagod na paglilingkod o “sapilitang pagpapagal,” anupat itinanong niya: “Hindi ba may sapilitang pagpapagal para sa taong mortal sa lupa, at hindi ba ang kaniyang mga araw ay tulad ng mga araw ng isang upahang trabahador?” (Job 7:1) Taglay ang gayunding damdamin, sa kalaunan ay sinabi niya sa Diyos: “Patitindihin mo pa ang iyong pagkayamot sa akin; ang sunud-sunod na paghihirap ay sumasaakin,” o “ang sunud-sunod na sapilitang pagpapagal ay sumasaakin.” (Job 10:17, tlb sa Rbi8) Maliwanag na nadama ni Job na dinaragdagan ng Diyos ang kaniyang kapighatian sa pamamagitan ng pagpapasapit sa kaniya ng sunud-sunod na paghihirap. Gayundin, ang panahong ipinamamalagi ng mga patay sa Sheol ay inihalintulad ni Job sa sapilitang pagpapagal, isang pasaning ipinatutupad; ngunit nagpahayag siya ng pag-asa sa isang pagkabuhay-muli.​—Job 14:14.