Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sapira

Sapira

[mula sa Aramaiko, at nangangahulugang “Maganda”].

Ang asawa ni Ananias. Pumasok siya sa isang sabuwatan kasama ang kaniyang asawa na naging dahilan ng kanilang kamatayan. Nagbili sila ng isang bukid na kanilang pag-aari at may-pagpapaimbabaw na nagkunwaring dinala nila sa mga apostol ang buong halagang nakuha nila, gaya ng ginagawa ng ibang mga Kristiyano sa Jerusalem upang tugunan ang kagipitan na bumangon pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E.

Ang kasalanan nina Ananias at Sapira ay, hindi dahil hindi nila ibinigay ang kabuuang halaga ng ipinagbiling pag-aari, kundi dahil may-kasinungalingan nilang inangkin na gayon ang ginawa nila, maliwanag na upang tumanggap ng mga papuri ng mga tao sa halip na parangalan ang Diyos at gumawa ng mabuti sa kaniyang kongregasyon. Ang kanilang panlilinlang ay inilantad ni Pedro sa ilalim ng pagkasi ng banal na espiritu. Sinabi niya: “Ananias, bakit pinalakas ni Satanas ang iyong loob na magbulaan sa banal na espiritu at lihim na ipagkait ang bahagi ng halaga ng bukid? Hangga’t nananatili pa iyon sa iyo, hindi ba iyon nananatiling iyo, at pagkatapos na maipagbili iyon, hindi ba nasa pamamahala mo pa rin iyon? Bakit mo nga nilayon sa iyong puso ang ganitong gawa? Nagbulaan ka, hindi sa mga tao, kundi sa Diyos.” Pagkarinig sa mga salita ni Pedro, bumagsak si Ananias at nalagutan ng hininga.

Pagkaraan ng mga tatlong oras ay pumasok si Sapira at inulit niya ang kasinungalingan. Pagkatapos ay tinanong siya ni Pedro: “Bakit nga pinagkasunduan ninyong dalawa na subukin ang espiritu ni Jehova?” Bumagsak din si Sapira at nalagutan ng hininga. Ang insidenteng ito ay nagsilbing disiplina para sa kongregasyon, anupat dahil dito ay nagkaroon sila ng malaking takot, at walang alinlangan ng malaking paggalang at pagpapahalaga sa bagay na si Jehova ay tunay ngang nananahan sa kongregasyon sa espiritu.​—Gaw 4:34, 35; 5:1-11; 1Co 3:16, 17; Efe 2:22; ihambing ang 1Ti 1:20.