Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sara

Sara

[Prinsesa], Sarai [posible, Mahilig Makipagtalo].

Kapatid sa ama at asawa ni Abraham at ina ni Isaac. (Gen 11:29; 20:12; Isa 51:2) Ang kaniyang orihinal na pangalan ay Sarai. (Gen 17:15) Mas bata siya nang sampung taon kay Abraham (Gen 17:17) at nagpakasal siya rito habang naninirahan sila sa Ur na lunsod ng mga Caldeo. (Gen 11:28, 29) Nanatili siyang baog hanggang noong makahimalang isauli ang kaniyang kakayahang mag-anak pagkatapos na huminto na ang kaniyang pagreregla.​—Gen 18:11; Ro 4:19; Heb 11:11.

Marahil ay nasa mga edad 60 na si Sara nang lisanin niya ang Ur kasama ni Abraham at manahanan sa Haran. Sa edad na 65, sinamahan niya ang kaniyang asawa mula sa Haran patungo sa lupain ng Canaan. (Gen 12:4, 5) Doon ay namalagi sila nang ilang panahon sa Sikem at sa bulubunduking pook sa dakong S ng Bethel, gayundin sa iba pang mga lugar, bago sila napilitang pumaroon sa Ehipto dahil sa taggutom.​—Gen 12:6-10.

Bagaman matanda na, si Sara ay napakaganda pa rin. Dahil dito, patiunang hiniling ni Abraham na ipakilala siya ni Sara bilang kaniyang kapatid kailanma’t hinihiling ng pagkakataon, dahil baka patayin siya ng iba at pagkatapos ay kunin si Sara. (Gen 20:13) Sa Ehipto, naging dahilan ito upang dalhin si Sara sa sambahayan ni Paraon sa rekomendasyon ng kaniyang mga prinsipe. Ngunit namagitan ang Diyos at hinadlangan si Paraon upang hindi nito halayin si Sara. Pagkatapos ay isinauli ni Paraon si Sara kay Abraham at hiniling na lisanin nila ang lupain. Pinasamahan din sila ni Paraon sa kaniyang mga tauhan upang si Abraham at ang kaniyang mga pag-aari ay maingatang ligtas.​—Gen 12:11-20.

Inilalahad sa isang sinaunang papiro ang tungkol sa isang Paraon na nag-utos sa mga nasasandatahang lalaki na kunin ang isang kaakit-akit na babae at patayin ang kaniyang asawa. Kaya ang pangamba ni Abraham na baka patayin siya dahil kay Sara ay may batayan. Sa halip na isapanganib ang kaniyang buhay sa pagsisikap na ingatan ang dangal ng kaniyang asawa sa isang banyagang lupain, sinunod ni Abraham ang sa wari niya ay siyang pinakaligtas na landasin. Dapat tandaan na si Abraham ang may-ari ng kaniyang asawa. Maligaya si Sara na maglingkod kay Jehova at kay Abraham sa ganitong paraan. Hindi kailanman hinatulan ng Kasulatan si Abraham sa paggawa niya nito.

Pagkaraan ng sampung taon mula noong una silang pumasok sa Canaan, hiniling ng 75-taóng-gulang na si Sara na sumiping si Abraham sa kaniyang alilang babaing Ehipsiyo na si Hagar upang magkaroon siya ng mga anak mula rito. (Gen 16:1-3) Ipinakikita ng mga suliraning ibinunga nito na hindi ito ang paraan ni Jehova upang matupad ang pangakong binitiwan niya kay Abraham may kinalaman sa “binhi.” (Gen 15:1-16) Nang mabatid ni Hagar na nagdadalang-tao siya, sinimulan niyang hamakin ang kaniyang among babae. Nang magreklamo si Sara dahil dito, ipinagkaloob ni Abraham sa kaniyang asawa ang lubos na awtoridad na pakitunguhan si Hagar bilang kaniyang alilang babae. Matapos hiyain ni Sara, lumayas si Hagar mula sa kaniyang among babae ngunit bumalik siya bilang pagsunod sa utos ng Diyos, at pagkatapos nito ay isinilang niya si Ismael.​—Gen 16:4-16.

Mga 13 taon pagkapanganak kay Ismael, noong ipag-utos ng Diyos kay Abraham na tuliin ang lahat ng mga lalaki sa kaniyang sambahayan, tinagubilinan din si Abraham na tawagin ang kaniyang asawa, hindi na sa pangalang “Sarai,” kundi “Sara,” nangangahulugang “Prinsesa.” Tungkol kay Sara, sinabi ng Diyos: “Pagpapalain ko siya at bibigyan din kita ng isang anak na lalaki mula sa kaniya; at pagpapalain ko siya at siya ay magiging mga bansa; mga hari ng mga bayan ang magmumula sa kaniya.” (Gen 17:9-27) Di-nagtagal pagkatapos nito, sa Mamre, muling tiniyak ng isa sa tatlong panauhing anghel na si Sara ay magsisilang ng isang anak na lalaki. Nang maulinigan ito, “si Sara ay nagsimulang tumawa sa loob niya, na nagsasabi: ‘Pagkatapos na ako ay maging lipas na, talaga kayang magkakaroon ako ng kaluguran, bukod pa sa matanda na ang aking panginoon?’⁠” Nang sawayin dahil sa pagtatawa, takót na ikinaila ni Sara na ginawa niya iyon. (Gen 18:1-15; Ro 9:9) Yamang binabanggit si Sara sa Hebreo 11:11 bilang halimbawa ng pananampalataya, maliwanag na ang kaniyang pagtawa ay hindi nangangahulugan na talagang hindi siya naniniwala sa sinabi kundi nagpapahiwatig lamang na ang isiping magkakaanak siya sa kaniyang katandaan ay nakakatawa para sa kaniya. Ang (panloob na) pagkilala ni Sara kay Abraham bilang kaniyang panginoon ay nagpapakita ng kaniyang pagsunod at pagpapasakop sa kaniyang ulong asawang lalaki, at ang kaniyang halimbawa ay inirerekomenda sa mga Kristiyanong asawang babae.​—1Pe 3:5, 6.

Si Sara at ang kaniyang asawa ay nagsimulang manirahan sa Gerar. Gaya ng dati, ipinakilala ni Abraham ang kaniyang asawa bilang kaniyang kapatid. Sa gayon ay kinuha si Sara ng hari ng Gerar, si Abimelec. Muling namagitan si Jehova at iniligtas siya upang hindi siya halayin. Nang ibalik ni Abimelec si Sara kay Abraham, binigyan nito si Abraham ng mga hayop at mga lingkod na lalaki at babae, marahil ay bilang kabayaran dahil pansamantalang nawala sa kaniya ang kaniyang asawa. Binigyan din ni Abimelec si Abraham ng isang libong pirasong pilak (mga $2,200). Ang mga pirasong pilak na ito ang katibayan na si Sara ay malinis mula sa lahat ng kadustaan laban sa kaniya bilang isang babaing may moral.​—Gen 20.

Sa edad na 90, tinamasa ni Sara ang kagalakan na isilang si Isaac. Noon ay ibinulalas niya: “Ang Diyos ay naghanda ng katatawanan sa akin: pagtatawanan ako ng lahat ng makaririnig niyaon.” Maliwanag na ang gayong pagtawa ay udyok ng kasiyahan at pagkamangha sa pagsilang ng bata. Pinasuso ni Sara ang kaniyang anak nang mga limang taon. Nang sa wakas ay awatin na sa suso si Isaac, naghanda si Abraham ng isang malaking piging. Sa okasyong iyon, napansin ni Sara na ang anak ni Hagar na si Ismael, na noon ay mga 19 na taóng gulang na, ay “nanunukso,” o nakikipaglaro kay Isaac nang may panlilibak. Maliwanag na nangangamba sa magiging kinabukasan ng kaniyang anak na si Isaac, hiniling ni Sara na paalisin ni Abraham sina Hagar at Ismael. Sinunod naman ito ni Abraham, pagkaraang matanggap niya ang pagsang-ayon ng Diyos sa pagkilos na ito.​—Gen 21:1-14.

Pagkalipas ng mga 32 taon ay namatay si Sara, sa edad na 127 taon, at inilibing siya ni Abraham “sa yungib sa parang ng Macpela.”​—Gen 23:1, 19, 20.

Mga Tauhan sa Isang Makasagisag na Drama. Sa kaniyang liham sa mga taga-Galacia, ipinakita ng apostol na si Pablo na ang asawa ni Abraham na si Sara ay kumakatawan sa “Jerusalem sa itaas,” ang ina ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano, ang espirituwal na “binhi” ni Abraham. Tulad ni Sara, “ang Jerusalem sa itaas,” ang makasagisag na babae ng Diyos, ay hindi kailanman naging alipin, at samakatuwid ay malaya rin ang kaniyang mga anak. Upang ang isang indibiduwal ay maging malayang anak ng “Jerusalem sa itaas,” na taglay ang “kaniyang kalayaan,” dapat siyang mapalaya ng Anak ng Diyos mula sa pagkaalipin sa kasalanan. (Gal 4:22-31; 5:1, tlb sa Rbi8) Gaya ng sinabi ni Kristo Jesus sa likas na mga inapo ni Abraham: “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. Bukod diyan, ang alipin ay hindi nananatili sa sambahayan magpakailanman; ang anak ay nananatili magpakailanman. Samakatuwid kung palalayain kayo ng Anak, kayo ay talagang magiging malaya.”​—Ju 8:34-36; tingnan ang HAGAR; MALAYANG BABAE.