Sardio
Isang uri ng mineral na calcedonia na napaglalagusan ng liwanag, kulay kayumangging mamula-mula at ginagamit bilang batong hiyas. Ayon kay Pliny na Nakatatanda, ipinangalan ito sa lunsod ng Sardis sa Lydia, kung saan ito unang ipinakilala sa bahaging iyon ng daigdig. Gayunman, iminumungkahi na ang pangalang iyon ay nagmula sa salitang Persiano na sered, nangangahulugang “pulang manilaw-nilaw,” at kaugnay na ng batong ito mula pa sa pinagkukunan nito sa Persia. Ang sardio ay tinatawag ding “sard,” “sardine,” at “sardoine.” Dahil sa ito ay maganda, matibay, madaling lilukin, at napakikintab nang husto, naging napakapopular ng batong ito sa mga artisano. Posibleng nakuha ng mga Hebreo ang kanilang mga batong sardio mula sa Peninsula ng Arabia.
Ang sardio ay tinutukoy sa Apocalipsis 4:3, kung saan ang Isa na nakaupo sa kaniyang marilag na trono sa langit ay may kaanyuang “tulad ng . . . mahalagang kulay-pulang bato [“isang sardio,” tlb sa Rbi8].” “Ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem,” ay inilalarawang may pader na ang mga pundasyon ay “nagagayakan ng bawat uri ng mahalagang bato,” anupat ang ikaanim ay sardio.—Apo 21:2, 19, 20.