Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sardis

Sardis

Ang sinaunang kabisera ng Lydia (sa kanluraning Asia Minor) at isang sentro ng pagsamba sa isang diyosa ng Asia, iniuugnay alinman kay Artemis o kay Cybele. Ang Sardis, na nasa T ng Ilog Gediz (dating Hermus), ay mga 50 km (30 mi) sa T ng Tiatira (sa ngayon ay Akhisar) at mga 75 km (47 mi) sa S ng Smirna (sa ngayon ay Izmir). Ang akropolis ng lunsod ay nasa isang kabatuhang napakahirap marating. Bagaman limitado ang komunikasyon sa mga lugar sa T dahil sa isang kabundukan, ang Sardis ay nasa estratehikong posisyon sa S-K ruta ng kalakalan. Malaki ang naitulong ng komersiyal na gawain at pakikipagkalakalan nito, ng pagiging napakataba ng nakapalibot na lupain, at ng paggawa nito ng mga tela at mga alpombrang lana, upang ang Sardis ay maging mayaman at mahalaga. May panahon na maaaring nagkaroon ang Sardis ng populasyon na mga 50,000 katao.

Noong ikaanim na siglo B.C.E., tinalo ni Cirong Dakila ang huling hari ng Lydia, si Croesus, at sa loob ng mahigit na 200 taon magmula noon, ang Sardis ay nagsilbing kabisera ng kanluraning bahagi ng Imperyo ng Persia. Noong 334 B.C.E., sumuko ang lunsod kay Alejandrong Dakila nang hindi lumalaban. Nang maglaon ay napasailalim ito sa pamamahala ng Pergamo at pagkatapos ay ng Roma. Halos mapatag ang Sardis dahil sa isang malakas na lindol noong 17 C.E., ngunit ang lunsod ay muling itinayo sa pamamagitan ng malaking tulong mula sa Roma.

Sinasabi ng Judiong istoryador na si Josephus na noong unang siglo B.C.E. ay may isang malaking komunidad ng mga Judio sa Sardis. (Jewish Antiquities, XIV, 259 [x, 24]) Noong huling bahagi ng unang siglo C.E., ang kongregasyong Kristiyano na itinatag sa Sardis ay kinailangang “gumising” sa espirituwal na paraan. Gayunman, mayroon ding mga taong kaugnay sa kongregasyong ito na hindi “nagparungis ng kanilang mga panlabas na kasuutan.”​—Apo 3:1-6.

Kabilang sa prominenteng mga guho sa sinaunang lugar ng Sardis ay yaong sa templo ni Artemis (o ni Cybele) ng Efeso, isang Romanong dulaan at istadyum, at isang sinaunang sinagoga.​—LARAWAN, Tomo 2, p. 946.