Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sargon

Sargon

[mula sa wikang Akkadiano, nangangahulugang “Ang Hari ay Lehitimo”].

Ang kahalili ni Salmaneser V bilang hari ng Asirya. Tinutukoy siya ng mga istoryador bilang Sargon II. Ang isang mas naunang hari, hindi ng Asirya kundi ng Babilonya, ay tinatawag na Sargon I.

Si Sargon ay minsan lamang binanggit sa pangalan sa ulat ng Bibliya. (Isa 20:1) Noong maagang bahagi ng siglong 1800, ang pagtukoy ng Bibliya sa kaniya ay kadalasang minamaliit ng mga kritiko bilang walang halaga sa kasaysayan. Ngunit mula noong 1843, natuklasan sa arkeolohikal na mga paghuhukay ang mga guho ng kaniyang palasyo sa Khorsabad at ang mga nakasulat na rekord ng kaniyang maharlikang mga ulat ng kasaysayan.​—LARAWAN, Tomo 1, p. 955, 960.

Sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan ay inangkin ni Sargon: “Kinubkob ko at nilupig ang Samaria (Sa-me-ri-na).” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni James B. Pritchard, 1974, p. 284) Gayunman, lumilitaw na iyon ay isa lamang mapaghambog na pag-aangkin ni Sargon o ng mga nagnais na lumuwalhati sa kaniya, na dito ay inangkin para sa bagong monarka ang naisagawa ng naunang tagapamahala. Isang kronikang Babilonyo, na maaaring mas neutral, ang nagsasabi may kinalaman kay Salmaneser V: “Sinalanta niya ang Samaria.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 73) Sa 2 Hari 18:9, 10, sinasabi lamang ng Bibliya na ‘kinubkob’ ni Salmaneser ang Samaria at na “nabihag nila iyon.” Ihambing ang 2 Hari 17:1-6, na nagsasabing si Salmaneser na hari ng Asirya ay nagpataw ng tributo kay Hosea, na hari ng Samaria, at pagkatapos ay sinabi nito na nang maglaon ay “binihag ng hari ng Asirya ang Samaria.”

Ipinakikita ng mga inskripsiyong may kinalaman kay Sargon ang kamangmangan ng paglalagak ng malaking tiwala sa sinaunang sekular na mga rekord, maging hanggang sa punto na ituring ang mga iyon na kasinghalaga ng rekord ng Bibliya. Kasunod ng pagluklok ni Sargon sa trono, sa pangunguna ni Merodac-baladan ay naghimagsik ang mga Babilonyo, na sinuportahan ng Elam. Nakipagdigma si Sargon laban sa kanila sa Der ngunit maliwanag na hindi niya nasugpo ang paghihimagsik. Ipinakikita ng mga inskripsiyon ni Sargon na inangkin niyang lubusan siyang nagwagi sa pagbabaka, ngunit sinasabi ng Babylonian Chronicle na tinalo ng mga Elamita ang mga Asiryano, at ipinaghambog ng isang teksto ni Merodac-baladan na kaniyang ‘ibinagsak ang mga hukbong Asiryano at winasak ang kanilang mga sandata.’ Ang aklat na Ancient Iraq ay nagkomento: “Nakakatawang detalye: Ang inskripsiyon ni Merodac-Baladan ay natagpuan sa Nimrud, kung saan ito dinala ni Sargon mula sa Uruk . . . , pinalitan ito sa lunsod na iyon ng isang silinder na luwad na kababasahan ng kaniyang sarili at, siyempre pa, ibang-ibang bersiyon ng pangyayaring iyon. Ipinakikita nito na ang pulitikal na propaganda at mga pamamaraang ‘cold war’ ay hindi natatangi sa ating panahon.”​—Ni G. Roux, 1964, p. 258.

Mas nagtagumpay si Sargon laban sa isang koalisyon ng mga hari ng Hamat at Damasco at ng iba pang mga kaalyado, anupat nagwagi siya laban sa kanila sa isang pagbabaka sa Karkar sa Ilog Orontes. Ayon sa 2 Hari 17:24, 30, ang mga taong mula sa Hamat ay kabilang sa mga pinatira ng “hari ng Asirya” sa mga lunsod ng Samaria bilang kapalit ng itinapong mga Israelita.

Ayon sa mga rekord ni Sargon, noong kaniyang ikalimang taon ay sinalakay at nilupig niya ang Carkemis, isang lunsod na may pangkomersiyo at pangmilitar na kahalagahan sa mataas na Ilog Eufrates. Sinundan ito ng karaniwang patakaran ng Asirya na ipatapon ang mga tumatahan sa lunsod at palitan ang mga ito ng mga banyaga. Sa babala ni Isaias may kinalaman sa banta ng Asirya (Isa 10:5-11), ang Carkemis, kasama ang Hamat at iba pang mga lunsod, ay binanggit bilang halimbawa ng mapangwasak na kapangyarihan ng Asirya. Pagkatapos nito, iniulat ni Sargon na may mga tribong Arabe na pinatira sa Samaria bilang mga miyembro ng kolonya roon.​—Ancient Near Eastern Texts, p. 285, 286.

Iniuulat ng mga rekord ng Asirya na ang hari ng Asdod, si Azuri, ay naghimagsik at nakipagsabuwatan laban sa pamatok ng Asirya at na inalis ni Sargon si Azuri at ipinalit sa puwesto niya ang kaniyang nakababatang kapatid. Nasundan ito ng isa pang paghihimagsik, at sinalakay ni Sargon ang Filistia at “kinubkob at nilupig ang mga lunsod ng Asdod, Gat . . . (at) Asdudimmu.” (Ancient Near Eastern Texts, p. 286) Lumilitaw na sa puntong ito tuwirang binanggit ng Bibliya sa Isaias 20:1 ang pangalan ni Sargon.

Kasunod nito, itinaboy ni Sargon si Merodac-baladan mula sa Babilonya at nilupig ang lunsod. Ang pangalan ni Sargon ay nakatala sa isang inskripsiyon bilang hari ng Babilonya sa loob ng limang taon.

Dahil sa agresibong paghahari ni Sargon, umabot ang Imperyo ng Asirya sa isang bagong tugatog ng kapangyarihan, at nagsimula noon ang huling dakilang dinastiya ng Asirya. Kinikilala ng mga istoryador na si Sargon ay namahala nang 17 taon. Yamang ipinapalagay na nagsimula siyang maghari pagkaraang bumagsak ang Samaria noong ikaanim na taon ni Hezekias o di-nagtagal pagkatapos nito (2Ha 18:10), at yamang ang Juda ay sinalakay ng kaniyang anak at kahalili sa trono, si Senakerib, noong ika-14 na taon ni Hezekias (2Ha 18:13), ang 17-taóng pamamahala ni Sargon ay posible lamang kung si Senakerib ay naghaharing kasabay niya noong panahong salakayin nito ang Juda. Posible rin na nagkamali ang mga istoryador sa pagpepetsa. Talagang hindi nila mapananaligan ang mga talaang eponimo upang tiyakin ang mga paghaharing ito, gaya ng ipinakikita sa artikulong KRONOLOHIYA. Tinatalakay rin doon na sa pangkalahatan ay hindi maaasahan ang mga eskribang Asiryano at ang kanilang kaugaliang “ayusin” ang iba’t ibang edisyon ng mga ulat ng kasaysayan upang palugdan ang tagapamahala.

Noong panahon ng paghahari ni Sargon, nagtayo siya ng isang bagong kabiserang lunsod mga 20 km (12 mi) sa HS ng Nineve, malapit sa makabagong-panahong nayon ng Khorsabad. Sa isang bagong lugar, inilatag niya ang lunsod na tinatawag na Dur Sharrukin (maaaring tawaging Sargonsburg) at itinayo niya ang isang palasyong may 200 silid sa ibabaw ng isang nakataas na plataporma na 7.5 m (25 piye) ang taas at sumasaklaw ng halos 10 ektarya (25 akre). Sa pasukan ng palasyo ay may pagkalaki-laking mga toro na may ulo ng tao at mga pakpak, anupat ang isang pares ay mga 5 m (16 na piye) ang taas. Ang mga dingding ay napapalamutian ng mga pinturang alpresko at ng inukit na mga relyebeng naglalarawan ng kaniyang mga kampanya at kabayanihan, anupat ang dingding na okupado ng mga relyebeng ito ay may kabuuang haba na mga 2.5 km (1.5 mi). Sa isa sa kaniyang mga inskripsiyon ay sinabi ni Sargon: “Para sa akin, si Sargon, na tumatahan sa palasyong ito, italaga nawa niya [ng diyos na si Asur] bilang aking tadhana ang mahabang buhay, kalusugan ng pangangatawan, kagalakan ng puso, kaliwanagan ng kaluluwa.” (Ancient Iraq, p. 262) Gayunman, ipinakikita ng mga rekord na mga isang taon matapos pasinayaan ang palasyo, si Sargon ay pinatay, sa paraang hindi matiyak. Hinalinhan siya ng kaniyang anak na si Senakerib.

[Larawan sa pahina 1097]

Ang Nimrud Prism, na naghahambog tungkol sa mga pananakop ni Sargon; ngunit ang ilan sa mga iyon ay maaaring ginawa ng kaniyang hinalinhan