Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Satrapa

Satrapa

[sa Ingles, satrap].

Sa mga imperyo ng Babilonya at ng Persia, isang kinatawang pinuno, o gobernador ng isang probinsiya, na inatasan ng hari bilang punong tagapamahala ng isang nasasakupang distrito. Binanggit ni Daniel ang mga satrapa na naglilingkod sa Imperyo ng Babilonya sa ilalim ni Nabucodonosor. (Dan 3:1-3) Pagkatapos na malupig ng mga Medo at mga Persiano ang Babilonya, nag-atas si Dario na Medo ng 120 satrapa sa kaniyang buong kaharian. (Dan 6:1) Nagkaroon si Ezra ng pakikipag-ugnayan sa mga satrapa noong panahon ni Haring Artajerjes ng Persia. (Ezr 8:36) Noon namang mga araw nina Esther at Mardokeo, mga satrapa ang nangangasiwa sa 127 nasasakupang distrito sa ilalim ng Persianong hari na si Ahasuero. (Es 1:1) Palibhasa’y opisyal na mga kinatawan ng hari, nananagot sila sa kaniya at malaya silang nakalalapit sa kaniya. Dahil dito, malaki ang kanilang impluwensiya at kapangyarihan bilang mga pinunong sibil at pulitikal. Sila ang lumilikom ng mga buwis at ibinibigay nila sa maharlikang korte ang itinakdang tributo.

Si Daniel, bilang isa sa tatlong matataas na opisyal sa ilalim ni Dario na namamahala sa 120 satrapa, ay naging bukod-tangi sa lahat ng mga ito anupat inisip ng hari na itaas siya sa buong kaharian. Dahil sa inggit, nagpakana ang mga opisyal at mga satrapa upang maihagis si Daniel sa yungib ng mga leon. Hindi sinasabi ng Bibliya kung ilan sa mga satrapa ang personal na pumaroon sa hari at nagharap ng akusasyon. Ngunit si Jehova ay suma kay Daniel, anupat isinugo niya ang kaniyang anghel upang itikom ang mga bibig ng mga leon. Pagkatapos nito, iniutos ni Dario na ang mga opisyal na ito na nanirang-puri kay Daniel, kasama ang kanilang mga asawa at ang kanilang mga anak, ay ihagis sa yungib upang patayin ng mga leon.​—Dan 6:1-24.

Tungkol sa pagkakaorganisa ng mga satrapa sa ilalim ni Ciro na Persiano, sinasabi ng aklat na History of the Persian Empire: “Ang bawat isa [sa mga probinsiya] ay pinamahalaan ng isang satrapa na ang titulo ay literal na nangangahulugang ‘tagapagsanggalang ng Kaharian.’ Bilang kahalili ng isang hari, anupat namamahala siya sa isang napakalaking teritoryo, ang totoo ay isa siyang monarka na may isang maliit na korte. Hindi lamang niya binalikat ang sibil na pangangasiwa kundi siya rin ay kumandante ng kinalap niyang hukbo. Nang ang kaniyang katungkulan ay maging namamana, nagdulot iyon ng malaking panganib sa sentral na awtoridad. Upang mapagtagumpayan ang panganib na ito, nagsagawa ng ilang paghihigpit; ang kalihim ng satrapa, ang kaniyang punong opisyal sa pananalapi, at ang heneral na nangangasiwa sa garison na nakahimpil sa kuta ng bawat isa sa mga kabisera ng mga satrapa ay inilagay sa ilalim ng tuwirang pag-uutos ng dakilang hari at personal silang pinag-uulat sa hari. Higit pang mabisang pagkontrol ang isinagawa ng ‘mata ng hari’ (o ‘tainga ng hari’ o ‘mensahero ng hari’), [isang opisyal] na taun-taon ay maingat na nagsiyasat sa bawat probinsiya.”​—Ni A. T. Olmstead, 1948, p. 59.