Sause
[sa Heb., tsaph·tsa·phahʹ; sa Ingles, willow].
Ang pangalan ng punong ito sa Hebreo ay katumbas ng Arabeng safsaf, na ikinakapit sa punong sause. May dalawang uri ng sause na tumutubo sa Israel; ang isa ay tinatawag sa terminong botanikal na Salix alba, ngunit ang pinakakaraniwan ay ang Salix acmophylla.
Ang salitang Hebreo nito ay lumilitaw lamang nang minsan, sa Ezekiel 17:5, kung saan ang makasagisag na “binhi ng lupain,” maliwanag na tumutukoy kay Zedekias, ay makasagisag na itinanim ng hari ng Babilonya gaya ng “puno ng sause sa tabi ng malalawak na tubig.” Ang mga punong sause ay matatagpuan sa kahabaan ng mga pampang ng mga ilog at ng mabababaw na batis at sa iba pang mga lugar na matubig, kung saan sila madaling umusbong mula sa mga pasanga o mga sibol at mabilis na lumalaki. Hindi sila kailanman tumataas na gaya ng mga punong alamo kundi lumalaki bilang mga palumpong o maliliit na puno at kadalasan ay nagiging mga palumpungan sa kahabaan ng mga daanang-tubig. Ang kagandahan nila ay nasa kanilang payat at mahahabang dahon, na kaakit-akit na nakabitin sa payat na mga sanga.