Sealtiel
[Itinanong (Isinangguni) sa Diyos].
Isang inapo ni Haring David at ninuno ni Jesus sa tribo ni Juda. Si Sealtiel ay tinatawag na anak kapuwa ni Jehoiakin (Jeconias) at ni Neri. Kapuwa si Sealtiel at ang kaniyang kapatid na si Pedaias ay tinatawag na ama ni Gobernador Zerubabel na nabuhay pagkaraan ng pagkatapon.
Kung tungkol sa ama ni Sealtiel: Si Sealtiel ang unang nakatala sa mga anak na isinilang kay Jehoiakin noong panahon ng kaniyang pagkatapon. (1Cr 3:17; Mat 1:12) Kung napangasawa ni Sealtiel ang isang anak ni Neri na hindi binanggit ang pangalan na sa pamamagitan nito ay tinalunton ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus, si Sealtiel ay maaaring tukuyin ni Lucas na anak “ni Neri” sa diwang siya ay manugang na lalaki ni Neri. Magiging gaya ito nang tukuyin ni Lucas nang dakong huli si Jose, na napangasawa ni Maria (lumilitaw na anak ni Heli), bilang anak “ni Heli.”—Luc 3:23, 27.
Kung tungkol sa ama ni Zerubabel: Si Pedaias ay minsang ipinakilala nang gayon (1Cr 3:19), ngunit ang kapatid ni Pedaias na si Sealtiel (1Cr 3:17, 18) ay tinawag nang gayon sa lahat ng iba pang paglitaw. (Ezr 3:2, 8; 5:2; Ne 12:1; Hag 1:1, 12, 14; 2:2, 23; Mat 1:12; Luc 3:27) Kung namatay si Pedaias nang ang kaniyang anak na si Zerubabel ay bata pa, maaaring pinalaki ng pinakamatandang kapatid ni Pedaias na si Sealtiel si Zerubabel bilang sarili nitong anak. O, kung namatay si Sealtiel nang walang anak at isinagawa ni Pedaias ang pag-aasawa bilang bayaw alang-alang dito, ang anak ni Pedaias sa asawa ni Sealtiel ang magiging legal na tagapagmana ni Sealtiel.