Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sebada

Sebada

[sa Heb., seʽo·rahʹ; sa Gr., kri·theʹ].

Isang mahalagang binutil na kabilang sa genus na Hordeum, na malawakang itinatanim mula pa noong sinaunang mga panahon hanggang sa ngayon. Isa ito sa mahahalagang produkto na makukuha ng mga Israelita sa Lupang Pangako, at ang rehiyong iyon ay isa pa ring “lupain ng trigo at sebada” hanggang sa araw na ito.​—Deu 8:8.

Ang pangalang Hebreo para sa sebada (seʽo·rahʹ) ay kaugnay ng salita para sa “buhok” (se·ʽarʹ) at naglalarawan sa mahahaba at maninipis na hibla o awn na siyang pinakabalbas ng uhay ng sebada. Isa itong napakatibay na halaman, na mas nakatatagal sa tagtuyot at mas kayang mabuhay sa iba’t ibang klima kaysa sa iba pang mga halamang butil. Kapag magulang na, ang taas nito ay mga 1 m (3 piye), at ang mga dahon nito ay medyo mas malapad kaysa sa mga dahon ng trigo.

Ang pag-aani ng sebada ay itinatampok sa madulang mga pangyayari sa aklat ng Ruth. Ang paghahasik ng sebada ay ginagawa sa Israel sa buwan ng Bul (Oktubre-Nobyembre) kapag nagsimula nang bumuhos ang maagang ulan at ang lupa ay maaari nang araruhin. (Isa 28:24, 25) Mas madaling gumulang ang sebada kaysa sa trigo (Exo 9:31, 32), at ang pag-aani ay nagsisimula sa maagang bahagi ng tagsibol sa buwan ng Nisan (Marso-Abril), anupat nag-uumpisa sa mainit na Libis ng Jordan at nagpapatuloy patungo sa mga lugar na mas mataas at mas katamtaman ang klima hanggang sa umabot sa bulubundukin at matalampas na rehiyon sa S ng Jordan sa buwan ng Ziv (Abril-Mayo). Sa gayon, ang pag-aani ng sebada ay nagsisilbing palatandaan ng isang partikular na panahon ng taon (Ru 1:22; 2Sa 21:9), at ang pasimula nito ay tumatapat sa panahon ng Paskuwa, anupat ang tungkos na ikinakaway ng saserdote sa ika-16 na araw ng Nisan ay mga unang bunga ng sebada.​—Lev 23:10, 11.

Ang sebada ay itinuturing na mas mura kaysa sa trigo; isang katlo lamang ito ng halaga ng trigo sa pangitain ni Juan sa Apocalipsis 6:6. Yamang ito’y pangkaraniwan at sagana, nagsilbi itong kumpay para sa mga kabayo ni Solomon (1Ha 4:28), at maging sa ngayon ay ginagamit pa rin ito sa gayong layunin. Ginigiling ito upang maging harina at ginagawang tinapay, kadalasan ay sa anyong bilog na tinapay (2Ha 4:42; Eze 4:12; Ju 6:9, 13), at kung minsan ay inihahalo ito sa iba pang mga butil.​—Eze 4:9.

Bagaman walang alinlangang mas malimit itong kainin ng mga dukha dahil sa mas murang halaga nito, walang anumang pahiwatig na ang sebada ay hinamak ng mga Israelita, kahit niyaong mga may kakayahang bumili ng trigo. Kaya naman kasama ito sa mga paglalaang angkop na ibigay sa pangkat ni Haring David nang dumating sila sa Gilead noong panahon ng paghihimagsik ni Absalom. (2Sa 17:27-29) Naglaan si Solomon kay Hiram ng 20,000 takal na kor (4,400 kl; 125,000 bushel) ng sebada, gayundin ng kaparehong dami ng trigo, at ng napakaraming langis at alak bilang panustos para sa mga lingkod ng hari ng Tiro na naghanda ng mga materyales para sa templo. (2Cr 2:10, 15) Si Haring Jotam ng Juda ay nagpataw sa hari ng Ammon ng tributo na kinabibilangan ng 10,000 takal na kor (2,200 kl; 62,500 bushel) ng sebada. (2Cr 27:5) Matapos bumagsak ang Jerusalem, sa pagnanais ng ilang lalaki na hindi sila patayin ng mamamatay-taong si Ismael, sinabi nila sa kaniya na mayroon silang “mga nakatagong kayamanan sa parang, trigo at sebada at langis at pulot-pukyutan.”​—Jer 41:8.

Gayunpaman, ang sebada ay isang pagkain na pangkaraniwan at mababang uri, at sinasabi ng ilang komentarista na ang mga katangiang ito ang ipinahihiwatig ng simbolismo na “isang bilog na tinapay na sebada” na nakita sa panaginip ng isang Midianita at na sumagisag sa hamak na hukbo ni Gideon.​—Huk 7:13, 14.

Nagbayad si Oseas ng 15 pirasong pilak (kung siklo, $33) at isa’t kalahating takal na homer (330 L; 300 tuyong qt) ng sebada upang tubusin ang mapangalunyang babaing si Gomer bilang kaniyang asawa (Os 1:3; 3:1, 2), isang halaga na itinuturing ng ilang komentarista na katumbas ng halaga ng isang alipin, 30 siklong pilak ($66). (Exo 21:32) Ang ‘handog ukol sa paninibugho’ na hinihiling ng Kautusan sa kaso ng isang lalaki na naghihinalang gumawa ng seksuwal na pagtataksil ang kaniyang asawa ay ikasampu ng isang epa (2.2 L; 2 tuyong qt) ng harinang sebada. (Bil 5:14, 15) Ang sebada ay ginamit din sa pagsukat, anupat ang halaga ng isang bukid ay tinataya sa legal na paraan batay sa dami ng binhi ng sebada na maihahasik dito.​—Lev 27:16.