Sebra
[sa Heb., peʹreʼ].
Hayop na kapamilya ng kabayo at katulad ng mailap na asno ang hitsura at ugali, bagaman naiiba sa asno dahil sa maiitim na guhit-guhit nito. Naitatago ng mga guhit-guhit ang tunay na hugis at kaanyuan ng sebra anupat kadalasa’y hindi ito mapapansin kahit ng mga katutubong matalas ang paningin bagaman 40 o 50 m (130 o 160 piye) lamang ang layo nito. Ang matalas na paningin at pang-amoy ng sebra, gayundin ang kakayahan nitong tumakbo nang matulin, ay nagsisilbing proteksiyon sa mga hayop na kumakain ng kapuwa hayop. Iniulat na ang sebra ay makatatakbo ng 64 na km/oras (40 mi/oras) pagkatapos ng unang pag-arangkada nito. Ang mga kuko at mga
ngipin nito ay mabibisa ring sandata para maipagtanggol ang sarili nito.Ang sebra ay isang mailap na hayop na mahirap paamuin. (Job 24:5; 39:5; Isa 32:14) Damo ang pangunahin nilang kinakain. (Job 6:5; Jer 14:6) Lagi silang umiinom ng tubig (Aw 104:11) at bihira silang lumayo nang mahigit sa 8 km (5 mi) mula sa tubig.
Ang katigasan ng ulo ng sebra at ang malakas na simbuyo ng mga babaing sebra kapag pinananaigan sila ng seksuwal na pagnanasa ay ginamit upang ilarawan ang mapagsarili at mapangalunyang landasin ng suwail na Israel. (Jer 2:24; Os 8:9) Inihula ng anghel ni Jehova na ang anak ni Abraham na si Ismael ay magiging “isang tao na tulad ng sebra.” Malamang ay tumutukoy ito sa mabangis at mapagsariling disposisyon nito, na ipinahihiwatig ng mga salitang: “Ang kaniyang kamay ay magiging laban sa lahat.”—Gen 16:12.
Ang “onager” at ang “mailap na asno” ay ibang angkop na mga salin ng Hebreong peʹreʼ.—Job 6:5, tlb sa Rbi8.