Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Seir

Seir

[mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “mangilabot,” posibleng tumutukoy sa makahoy na mga burol; o, posibleng nangangahulugang “Mangilabot (Mangatog) sa Pagkagimbal”].

1. Isang “Horita” na ang pitong “anak” ay mga shik sa lupain ng Seir bago ito pinanirahanan ni Esau (Edom). (Gen 36:20, 21, 29, 30; 1Cr 1:38; ihambing ang Gen 14:4-6.) Si Seir ay maaaring nanirahan sa bulubunduking pook sa T ng Dagat na Patay, at marahil ay ipinangalan sa kaniya ang lugar na ito. Hindi tiyak kung ang pitong “anak” ni Seir ay mga supling niya mismo o kinabibilangan ng naging mga inapo niya nang dakong huli.​—Tingnan ang ANAH; DISON.

2. Ang bulubunduking pook sa pagitan ng Dagat na Patay at ng Gulpo ng ʽAqaba. (Gen 36:8, 30; Deu 2:1, 8) Noong panahon ni Abraham, mga Horita ang nananahanan sa Seir. (Gen 14:6) Nang maglaon, ang apo ni Abraham na si Esau ay nagtatag ng mga interes sa Seir, samantalang ang kakambal nitong si Jacob ay nanirahan naman sa Padan-aram. (Gen 32:3) Ngunit waring hindi tuluyang lumipat si Esau sa Seir hanggang noong makabalik si Jacob sa Canaan. (Gen 36:6-9) Nang dakong huli, itinaboy ng mga inapo ni Esau, na mga Edomita, ang mga Horita (Deu 2:4, 5, 12; Jos 24:4), at ang lupain ay tinawag na Edom. Gayunman, ang mas matandang pangalang Seir ay ikinapit din sa mga inapo ni Esau at sa lugar na tinirahan nila. (Bil 24:18; ihambing ang 2Ha 14:7; 2Cr 25:11.) Lumilitaw na noong panahon ng paghahari ni Haring Hezekias, may mga lalaki mula sa tribo ni Simeon na pumaroon sa Bundok Seir, at matapos nilang lipulin ang nalabi ng mga Amalekita, ang mga Simeonita ay nagsimulang manirahan doon. (1Cr 4:41-43) Para sa mga detalye tungkol sa heograpiya at kasaysayan ng Seir, tingnan ang EDOM, MGA EDOMITA.

3. Isang bundok sa pagitan ng Baala (Kiriat-jearim) at Kesalon sa H hanggahan ng teritoryo ng Juda. (Jos 15:10) Ang Seir ay karaniwan nang iniuugnay sa tagaytay na mga 15 km (9.5 mi) sa K ng Jerusalem, na sa timugang panig nito naroroon ang nayon ng Shoresh.