Sekta
Ang salitang Griego (haiʹre·sis, pinagmulan ng salitang Ingles na heresy) na isinalin bilang “sekta” ay nangangahulugang “pili” (Lev 22:18, LXX) o “yaong pinili,” samakatuwid, “isang kalipunan ng mga taong nagbubukod ng kanilang sarili mula sa iba at sumusunod sa sarili nilang mga paniniwala [isang sekta o partido].” (Greek-English Lexicon of the New Testament ni Thayer, 1889, p. 16) Ikinakapit ang terminong ito sa mga tagapagtaguyod ng dalawang prominenteng sanga ng Judaismo, ang mga Pariseo at ang mga Saduceo. (Gaw 5:17; 15:5; 26:5) Ang Kristiyanismo ay tinawag din ng mga di-Kristiyano bilang “sekta” o “sekta ng mga Nazareno,” anupat posibleng iniisip nila na iyon ay humiwalay sa Judaismo.—Gaw 24:5, 14; 28:22.
Ipinanalangin ng tagapagtatag ng Kristiyanismo, si Jesu-Kristo, na sana’y umiral ang pagkakaisa sa gitna ng kaniyang mga tagasunod (Ju 17:21), at naging lubhang interesado ang mga apostol sa pagpapanatili ng pagkakaisa ng kongregasyong Kristiyano. (1Co 1:10; Jud 17-19) Maaaring bumangon ang matinding pagtatalo, di-pagkakasundo, at alitan pa nga kung walang pagkakaisa ng paniniwala. (Ihambing ang Gaw 23:7-10.) Kaya dapat iwasan ang mga sekta, yamang kabilang ang mga ito sa mga gawa ng laman. (Gal 5:19-21) Binabalaan ang mga Kristiyano na huwag magtaguyod ng mga sekta o magpaligáw sa mga bulaang guro. (Gaw 20:28; 2Ti 2:17, 18; 2Pe 2:1) Sa kaniyang liham kay Tito, itinagubilin ng apostol na si Pablo na ang taong patuloy na nagtataguyod ng isang sekta, matapos babalaan nang makalawang ulit, ay dapat itakwil, na maliwanag na nangangahulugang ititiwalag ito mula sa kongregasyon. (Tit 3:10) Yaong mga tumatangging masangkot sa paglikha ng mga pagkakabaha-bahagi sa loob ng kongregasyon o sa pagsuporta sa isang partikular na paksiyon ay makikilala dahil sa kanilang tapat na landasin at kakikitaan ng katibayan na taglay nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Lumilitaw na ito ang tinutukoy ni Pablo nang sabihin niya sa mga taga-Corinto: “Tiyak na mayroon ding mga sekta sa gitna ninyo, upang ang mga taong sinang-ayunan ay maging hayag din sa gitna ninyo.”—1Co 11:19.