Sela
[Malaking Bato].
1. Isang lokasyon sa hangganan ng teritoryong Amorita pagkatapos ariin ng mga Israelita ang Lupang Pangako. (Huk 1:36) Hindi alam kung saan ang lugar na ito sa ngayon. Iniuugnay ng ilan ang Sela na ito sa Sela na nasa Edom (2Ha 14:7), ngunit walang katibayan na ang teritoryong Amorita ay umabot nang gayon kalayo sa T hanggang sa rehiyong kontrolado ng mga Edomita.
2. Isang pangunahing Edomitang lunsod na binihag ng Judeanong si Haring Amazias at binago ang pangalan tungo sa Jokteel. (2Ha 14:7) Maaaring ang Sela ang “nakukutaang lunsod” na tinukoy sa Awit 108:10 ngunit di-binanggit ang pangalan.
Iniuugnay ng ilan ang lunsod na ito sa Umm el-Biyara, mga 100 km (60 mi) sa HHS ng hilagaang dulo ng Gulpo ng ʽAqaba. Ang mabatong talampas na ito ay 300 m (984 na piye) ang taas at nasa kanluraning sulok ng kapatagan kung saan itinayo nang dakong huli ang Nabateanong lunsod ng Petra. Palibhasa’y mararating lamang sa pamamagitan ng isang makitid at paliku-likong bangin at napalilibutan ng matatarik na dalisdis na batong-buhangin, ang kapatagang ito ay may mahusay na pananggalang. Ang kahanga-hangang mga guho ng Petra, lakip na ang mga templo, mga libingan, at mga tirahang inuka sa bato, ay hindi bahagi ng sinaunang Edomitang lunsod ng Sela. Pinaboran kamakailan ng mga iskolar na iugnay ang Sela sa es-Selaʽ, mga 4 na km (2.5 mi) sa HHK ng Bozra.
3. Isang dako na binanggit sa isang kapahayagan laban sa Moab. (Isa 15:1; 16:1) Hindi matiyak kung ang lugar na ito rin ang Blg. 2 o hindi.