Selah
Transliterasyon ng isang pananalitang Hebreo na malimit makita sa Mga Awit at lumilitaw rin sa Habakuk kabanata 3. Bagaman karaniwang ipinapalagay na ito ay isang teknikal na termino sa musika o sa pagtula, hindi alam kung ano ang eksaktong kahulugan nito. Naniniwala ang ilan na ang ibig sabihin nito ay isang “paghinto, pagtigil, o pagpigil,” maaaring sa pag-awit ng salmo upang bigyang-daan ang isang interlude ng musika o paghinto kapuwa sa pag-awit at sa musikang tugtugin upang tahimik na makapagbulay-bulay. Alinman dito, walang alinlangan na ginagamit ang paghinto upang lalong maidiin ang bagay o damdaming kapapahayag lamang, upang maitimo ang lubos na kahalagahan ng huling kapahayagan. Sa Griegong Septuagint, isinalin ang Selah bilang di·aʹpsal·ma, na binibigyang-katuturan bilang “isang interlude ng musika.” Ang Selah ay laging lumilitaw sa dulo ng isang sugnay at karaniwa’y sa dulo ng isang strophe, anupat ang bawat paglitaw ay nasa isang awit na naglalaman ng isang uri ng tagubilin o pananalita para sa musika. Sa Awit 9:16, kasama nito ang “Higayon,” anupat doon ay inuunawa ito ng ilan bilang nauugnay sa musika ng alpa.