Sem
[Pangalan; Kabantugan].
Isa sa tatlong anak ni Noe; mula sa mga ito ay “nangalat ang populasyon ng buong lupa” pagkaraan ng pangglobong Baha.—Gen 6:10; 9:18, 19.
Bagaman ang tatlong anak na ito ay laging nakatala bilang “Sem, Ham at Japet,” hindi pa rin matiyak ang pagkakasunud-sunod nila ayon sa edad. Kahit si Sem ang unang binabanggit, hindi iyon tiyakang nagpapahiwatig na si Sem nga ang panganay ni Noe, yamang mismong ang panganay na anak ni Sem (si Arpacsad) ay nakatala bilang ikatlo sa mga rekord ng talaangkanan. (Gen 10:22; 1Cr 1:17) Sa orihinal na Hebreo, ang Genesis 10:21 ay maaaring isalin sa ilang paraan, anupat sa ilang salin ay tinutukoy si Sem bilang “kapatid ni Japet na pinakamatanda [“nakatatanda,” KJ],” samantalang sa iba naman ay tinatawag siyang “nakatatandang [“mas matandang,” AT] kapatid ni Japet.” (AS, Dy, RS, JB, Ro) Magkakaiba rin ang salin ng sinaunang mga bersiyon—sa Septuagint, sa salin ni Symmachus, at sa Targum ni Onkelos ay ipinakikitang si Japet ang mas matanda, samantalang sa Samaritanong Pentateuch, sa Latin na Vulgate, at sa mga bersiyong Syriac ay ipinakikilala si Sem bilang ang nakatatandang kapatid ni Japet. Gayunman, ipinahihiwatig ng katibayang masusumpungan sa iba pang bahagi ng Bibliya na malamang na si Sem ang ikalawang anak ni Noe, anupat nakababata kay Japet.
Ipinakikita ng ulat na si Noe ay nagsimulang magkaanak pagkaraang sumapit sa edad na 500 taon (2470 B.C.E.), anupat naganap ang Delubyo noong kaniyang ika-600 taon. (Gen 5:32; 7:6) Bagaman may-asawa na si Sem noong panahon ng Delubyo (Gen 6:18), binanggit na nagkaroon siya ng kaniyang unang anak, si Arpacsad, dalawang taon pagkaraan ng Delubyo (2368 B.C.E.) noong siya ay 100 taóng gulang na. (Gen 11:10) Mangangahulugan ito na si Sem ay ipinanganak noong si Noe ay 502 taóng gulang (2468 B.C.E.); at yamang lumilitaw na si Ham ang tinutukoy na “bunsong anak” (Gen 9:24), makatuwirang sabihin na si Japet ang unang anak na ipinanganak kay Noe, noong siya ay 500 taóng gulang.
Kasunod ng kapanganakan ni Arpacsad, ipinanganak kay Sem ang iba pang mga anak na lalaki (at mga anak na babae), kabilang na sina Elam, Asur, Lud, at Aram. (Gen 10:22; 11:11) Kasunod ni Aram, itinala rin ng katulad na ulat sa 1 Cronica 1:17 sina “Uz at Hul at Geter at Mas,” ngunit sa Genesis 10:23 ay ipinakitang ang mga ito ay mga anak ni Aram. Ipinakikita ng Bibliya at ng iba pang katibayan ng kasaysayan na si Sem ang pinagmulan ng mga taong Semitiko: mga Elamita, mga Asiryano, sinaunang mga Caldeo, mga Hebreo, mga Arameano (o mga Siryano), iba’t ibang tribong Arabe, at marahil ng mga Lydiano ng Asia Minor. Mangangahulugan ito na ang karamihan ng populasyong nagmula kay Sem ay nanirahan sa timog-kanlurang sulok ng kontinente ng Asia, umabot sa kalakhang bahagi ng Fertile Crescent at sumaklaw sa malaking bahagi ng Peninsula ng Arabia.—Tingnan ang mga artikulo sa ilalim ng mga pangalan ng indibiduwal na mga anak ni Sem.
Nang takpan ni Sem at ng kaniyang kapatid na si Japet ang kahubaran ng kanilang ama noong panahong malasing sa alak si Noe, nagpakita sila hindi lamang ng paggalang sa magulang kundi ng paggalang din sa isa na ginamit ng Diyos upang mailigtas sila sa Baha. (Gen 9:20-23) Pagkatapos nito, sa pagpapalang binigkas ni Noe, ipinahiwatig na ang linya ni Sem ay partikular na magkakamit ng lingap ng Diyos at tutulong sa pagpapabanal sa pangalan ng Diyos, anupat tinukoy ni Noe si Jehova bilang “ang Diyos ni Sem.” (Gen 9:26) Si Sem, sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Arpacsad, ang pinagmulan ni Abraham, at sa kaniya ibinigay ang pangako may kinalaman sa Binhi na sa pamamagitan nito ay tatanggap ng pagpapala ang lahat ng pamilya sa lupa. (1Cr 1:24-27; Gen 12:1-3; 22:15-18) Ang hula ni Noe may kinalaman sa pagiging “alipin” ni Canaan kay Sem ay natupad nang malupig ng mga Semita ang mga Canaanita bilang resulta ng pananakop ng mga Israelita sa lupain ng Canaan.—Gen 9:26.
Nabuhay si Sem nang 500 taon pagkaraan ng kapanganakan ni Arpacsad, anupat namatay sa edad na 600 taon. (Gen 11:10, 11) Samakatuwid, namatay siya mga 13 taon pagkamatay ni Sara (1881 B.C.E.) at sampung taon pagkatapos na makasal sina Isaac at Rebeka (1878 B.C.E.). Dahil dito, ipinapalagay na si Sem ay si Melquisedec (nangangahulugang “Hari ng Katuwiran”), ang haring-saserdote kung kanino nagbayad ng mga ikapu si Abraham. (Gen 14:18-20) Gayunman, walang sinasabi ang Bibliya hinggil dito at ipinakikita ng apostol na si Pablo na walang iniwang rekord ng talaangkanan o iba pang mahahalagang impormasyon may kinalaman kay Melquisedec, anupat siya ay angkop na lumarawan kay Kristo Jesus, na Haring-Saserdote nang walang hanggan.—Heb 7:1-3.