Sepela
[Mababang Lupain].
Isang katawagan na kadalasang ikinakapit sa rehiyon ng mabababang burol sa pagitan ng gitnang kabundukan ng Palestina at ng mga baybaying kapatagan ng Filistia. (Deu 1:7; Jos 9:1; 10:40; 11:2; 12:8; Huk 1:9; 2Cr 28:18; Ob 19; Zac 7:7) Ang Sepela ay isa sa mga rehiyon ng teritoryong nakaatas sa Juda. (Jos 15:33-44) Bagaman may altitud na mga 450 m (1,500 piye), ito’y isang “mababang lupain” (ihambing ang Jer 17:26; 32:44; 33:13 kung saan lumilitaw sa tekstong Hebreo ang shephe·lahʹ) kung ihahambing sa mas mataas na gitnang kabundukan. Kahangga ng “Sepela” ang Negeb sa dakong T (Huk 1:9) at “ang bulubunduking pook ng Israel” naman (sa ibayo ng Mababang Kapatagan ng Aijalon) sa dakong H.—Jos 11:16.
Ang mga libis sa pagitan ng alun-along mabababang burol ng rehiyong ito ay nagsilbing likas na mga ruta para sa S-K paglalakbay. Ang Sepela ay mataba at may katamtamang klima. Noong sinaunang panahon, ang rehiyong ito ay nakilala dahil sa maraming puno ng sikomoro at mga taniman ng olibo. Mayroon din itong pastulan para sa mga kawan at mga bakahan.—1Ha 10:27; 1Cr 27:28; 2Cr 1:15; 9:27; 26:10.
Marahil, ang Sepela na iniuugnay sa “bulubunduking pook ng Israel” (Jos 11:16) ay ang maburol na rehiyon sa pagitan ng kabundukan ng Samaria at ng Kapatagan ng Saron. Ang lugar na ito’y mas makitid at di-gaanong kilalá kaysa sa Sepela ng Juda. Walang saligan upang ituring na mali ang magkahiwalay na pagtukoy sa Juda at Israel sa ika-11 kabanata ng Josue (tingnan ang tal 21). Ganito ang sabi ng isang talababa sa isang komentaryo nina C. F. Keil at F. Delitzsch: “Ang pagkakaiba . . . ay maipaliliwanag nang walang kahirap-hirap kahit batay sa mga kalagayan noong panahon ni Josue. Ang Juda at ang doblihang tribo ni Jose (Efraim at Manases) ay naunang tumanggap ng kanilang mana sa pamamagitan ng palabunutan kaysa sa iba. Ngunit bagaman pumaroon na ang tribo ni Juda sa teritoryong itinakda sa kanila sa timog, ang lahat ng iba pang mga tribo ay nanatili pa rin sa Gilgal; at kahit noong dakong huli, nang nasa kani-kanilang mga pag-aari na ang Efraim at Manases, ang buong Israel, maliban sa Juda, ay nagkakampo pa rin sa Shilo. Bukod diyan, ang dalawang bahaging ito ng bansa ay pinaghiwalay ng teritoryong iniatas nang maglaon sa tribo ni Benjamin, ngunit nang panahong iyon ay wala pang nagmamay-ari; at karagdagan pa rito, ang altar, ang tabernakulo, at ang kaban ng tipan ay nasa piling ng Jose at ng iba pang tribo na nasa Shilo pa rin.”—Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo II, Joshua, p. 124, 125.