Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Seraias

Seraias

[Si Jehova ay Nakipaglaban (Nagtiyaga)].

1. Isang anak ni Kenaz sa tribo ni Juda, kapatid ni Hukom Otniel, at pamangkin ni Caleb na tiktik. Ang mga inapo ni Seraias sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Joab ay naging mga bihasang manggagawa.​—1Cr 4:13, 14.

2. Ang kalihim sa administrasyon ni Haring David. (2Sa 8:15, 17) Malibang nagkaroon ng ilang pagbabago sa tauhan ng katungkulang ito, sa ibang bahagi ay tinatawag siyang Seva (2Sa 20:25), Savsa (1Cr 18:16), at Sisa, na ang dalawang anak ay nag-asikaso nang maglaon sa katulad na mga tungkulin sa ilalim ni Solomon. (1Ha 4:3) Ang mga pangalan ng karamihan sa iba pang mga opisyal ng pamahalaan ay magkakapareho sa tatlong talaang Davidiko.

3. Isang anak ni Asiel sa tribo ni Simeon na ang mga inapo, mga kapanahon ni Hezekias, ay sumama sa hukbo na nagpabagsak sa mga Hamita at mga Meunim na naninirahan sa isang lugar at pagkatapos ay gumamit sa lupaing iyon upang panginainan ng mga kawan.​—1Cr 4:24, 35, 38-41.

4. Isa sa tatlo na isinugo ni Haring Jehoiakim, sa pagtatapos ng 624 B.C.E., upang kunin sina Jeremias at Baruc dahil sa hula laban sa Jerusalem at Juda na itinala ni Baruc ayon sa idinikta ni Jeremias. Si Seraias ay anak ni Azriel.​—Jer 36:9, 26.

5. Ang pinunong tagapangasiwa ni Haring Zedekias; anak ni Nerias at kapatid ni Baruc. (Jer 32:12; 51:59) Noong ikaapat na taon ni Zedekias, 614 B.C.E., sinamahan ni Seraias si Zedekias patungo sa Babilonya. Binigyan siya ni Jeremias ng isang balumbon na naglalaman ng makahulang mga pagtuligsa sa Babilonya, anupat tinagubilinan siya na basahin ito sa tabi ng Ilog Eufrates, pagkatapos ay itali ang isang bato sa balumbon at ihagis ito sa ilog, sa gayon ay inilalarawan ang pagiging permanente ng pagbagsak ng Babilonya. (Jer 51:59-64) Malamang na ang ilan sa mga kaisipan mula sa hula ay ipinasa ni Seraias sa mga Israelitang tapon na naroroon na. Kawili-wiling malaman na natagpuan ng mga arkeologo ang isang pantatak na may inskripsiyon na “Kay Seraias (ben) Nerias.”​—Israel Exploration Journal, Jerusalem, 1978, Tomo 28, p. 56.

6. Ang punong saserdote nang wasakin ng Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Bagaman pinatay si Seraias sa utos ni Nabucodonosor, ang kaniyang anak na si Jehozadak ay pinaligtas at dinalang bihag sa Babilonya. (2Ha 25:18-21; Jer 52:24-27) Sa pamamagitan ng anak ni Seraias na si Jehozadak, nagpatuloy ang linya ng mga mataas na saserdote mula kay Aaron; hinawakan ng anak ni Jehozadak na si Jesua ang katungkulang ito noong panahon ng paglaya at pagbabalik ng mga Judio. (1Cr 6:14, 15; Ezr 3:2) Si Seraias ay tinatawag ding ama ni Ezra, ngunit dahil sa 139 na taon sa pagitan ng kamatayan ni Seraias at ng pagbabalik ni Ezra, malamang na di-kukulangin sa dalawang di-binanggit na salinlahi ang nasa pagitan nila, isang uri ng paglaktaw na karaniwan sa mga talaangkanan sa Bibliya.​—Ezr 7:1.

7. Isa sa mga pinuno ng militar na nanatili sa Juda pagkatapos ng pangkalahatang pagpapatapon sa Babilonya; anak ni Tanhumet. Si Seraias at ang iba pa niyang mga karanggo ay sumuporta sa pag-aatas kay Gedalias bilang gobernador, anupat binabalaan ito hinggil sa banta ni Ismael sa buhay nito, at nang maglaon ay nagsikap na ipaghiganti ang pagkamatay ni Gedalias. Gayunman, dahil sa takot sa mga Babilonyo, pinangunahan ni Seraias at ng iba pang mga pinuno ang mga natitirang Judio patungo sa Ehipto.​—2Ha 25:23, 26; Jer 40:8, 13-16; 41:11-18; 43:4-7.

8. Isa sa mga lumilitaw na lider na itinalang kasama ni Zerubabel sa pagbabalik mula sa pagkatapon noong 537 B.C.E. (Ezr 2:1, 2) Tinatawag siyang Azarias sa katulad na talaan sa Nehemias 7:7.

9. Isang saserdote na bumalik mula sa pagkatapon kasama ni Zerubabel. Sa sumunod na salinlahi, si Meraias ang kumatawan sa sambahayan niya sa panig ng ama. (Ne 12:1, 12) Ang Seraias na kabilang sa mga lumagda sa tipan noong mga araw nina Ezra at Nehemias ay maaari ring isang kinatawan ng pamilya ring iyon, o ibang saserdote na may gayong pangalan. (Ne 10:1, 2, 8) Si Seraias, muli ay posibleng isa mula sa sambahayang ito sa panig ng ama o isang saserdote na may gayunding pangalan, ay nanirahan sa Jerusalem matapos na muling itayo ang mga pader.​—Ne 11:1, 10, 11.