Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Serapin

Serapin

Mga espiritung nilalang na nakapalibot sa trono ni Jehova sa langit. (Isa 6:2, 6) Ang salitang Hebreo na sera·phimʹ ay isang pangmaramihang pangngalan na halaw sa pandiwang sa·raphʹ, na nangangahulugang “sunugin.” (Lev 4:12) Kaya naman, ang terminong Hebreo na sera·phimʹ ay literal na nangangahulugang “mga nagliliyab.” Sa ibang mga talata, ang pangngalang ito ay nasa anyong pang-isahan (sa Heb., sa·raphʹ) o pangmaramihan at tumutukoy sa mga makalupang nilalang. Kapag ganito ang pagkakagamit, iba’t iba ang kahulugan nito, gaya ng “makamandag,” “malaapoy (nagdudulot ng pamamaga),” at “malaapoy na ahas.”​—Bil 21:6, 8, mga tlb sa Rbi8.

Inilarawan ng propetang si Isaias para sa atin ang kaniyang pangitain, sa pagsasabing: “Noong taóng mamatay si Haring Uzias ay nakita ko naman si Jehova, na nakaupo sa isang trono na matayog at nakataas, at pinupuno ng kaniyang laylayan ang templo. May mga serapin na nakatayo sa itaas niya. Bawat isa ay may anim na pakpak. Ang dalawa ay itinatakip niya sa kaniyang mukha, at ang dalawa ay itinatakip niya sa kaniyang mga paa, at ang dalawa ay ginagamit niya sa paglipad. At ang isang ito ay tumawag sa isang iyon at nagsabi: ‘Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang kabuuan ng buong lupa ay kaniyang kaluwalhatian.’ . . . At sinabi ko: ‘Sa aba ko! Sapagkat para na rin akong pinatahimik, dahil ako ay lalaking may maruruming labi, at sa gitna ng isang bayan na may maruruming labi ay tumatahan ako; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari mismo, si Jehova ng mga hukbo!’ Sa gayon, ang isa sa mga serapin ay lumipad patungo sa akin, at sa kaniyang kamay ay may nagbabagang uling na kinuha niya sa altar sa pamamagitan ng mga sipit. At sinaling niya ang aking bibig at sinabi: ‘Narito! Sinaling nito ang iyong mga labi, at ang iyong kamalian ay naalis at ang iyong kasalanan ay naipagbayad-sala.’⁠”​—Isa 6:1-7.

Dito, walang paglalarawang ibinigay tungkol sa Diyos. Gayunman, sinasabing pinupuno ng laylayan ng kaniyang maringal na kasuutan ang templo, anupat wala nang dakong matatayuan ang sinuman. Ang kaniyang trono ay hindi nakalapag sa lupa, at maliban sa “matayog,” ito’y “nakataas” din. Ang pagiging “nakatayo” ng mga serapin ay maaaring nangangahulugan na sila’y “nakalutang sa kanilang puwesto,” gamit ang isang pares ng kanilang mga pakpak, kung paanong ang ulap noon ay “lumagay” o ‘nakatayo’ sa tabi ng pasukan ng tolda ni Jehova sa ilang. (Deu 31:15) Nagkomento si Propesor Franz Delitzsch tungkol sa puwesto ng mga serapin: “Tiyak na ang mga serapin ay hindi lalampas sa ulo Niyaong nakaupo sa trono, kundi lilipad-lipad sila sa ibabaw ng Kaniyang mahabang damit na pumupuno sa bulwagan.” (Commentary on the Old Testament, 1973, Tomo VII, Bahagi 1, p. 191) Ang Latin na Vulgate, sa halip na sabihing “may mga serapin na nakatayo sa itaas niya,” ay nagsasabing nakatayo sila sa itaas “niyaon [ng trono].”​—Isa 6:1, 2.

May Mataas na Ranggo. Ang makapangyarihang makalangit na mga nilalang na ito ay mga anghel, at maliwanag na mayroon silang napakataas na posisyon sa kaayusan ng Diyos, yamang ipinakikitang naroroon sila malapit sa trono ng Diyos. Ang mga kerubing nakita sa pangitain ni Ezekiel ay katumbas ng mga mananakbong kasabay ng makalangit na karo ng Diyos. (Eze 10:9-13) Ang ideyang ito na may ranggo o awtoridad ang mga anghel sa langit ay kasuwato ng binabanggit sa Colosas 1:16, na may mga bagay “sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita, maging mga trono man o mga pagkapanginoon o mga pamahalaan o mga awtoridad.”

Ang Kanilang Gawain at Tungkulin. Hindi binabanggit kung ilan ang mga serapin, ngunit tinatawag nila ang isa’t isa, na maliwanag na nangangahulugang sila’y nasa magkabilang panig ng trono at naghahayag ng kabanalan at kaluwalhatian ni Jehova sa awit na sagutan, kung saan inuulit ng isa (o ng isang grupo) ang inawit ng iba o tumutugon siya (o sila) na inaawit ang isang bahagi ng kapahayagan: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo. Ang kabuuan ng buong lupa ay kaniyang kaluwalhatian.” (Ihambing ang pagbabasa ng Kautusan at ang sagot ng bayan, na nasa Deu 27:11-26.) Bilang pagpapakita ng kapakumbabaan at kahinhinan sa presensiya ng Kadaki-dakilaan, tinatakpan nila ang kanilang mga mukha gamit ang isa sa tatlong pares ng kanilang mga pakpak, at palibhasa’y nasa isang banal na lokasyon, tinatakpan nila ang kanilang mga paa gamit ang isa pang pares, bilang paggalang sa makalangit na Hari.​—Isa 6:2, 3.

Ang awit ng mga serapin tungkol sa kabanalan ng Diyos ay nagpapakita na pananagutan nilang tiyakin na naipahahayag ang kaniyang kabanalan at na kinikilala ang kaniyang kaluwalhatian sa buong sansinukob, lakip na ang lupa. Sa pamamagitan ng nagbabagang uling mula sa altar, sinaling ng isa sa mga serapin ang mga labi ni Isaias upang linisin ang kaniyang kasalanan at ang kaniyang kamalian. Maaaring ipinahihiwatig nito na ang kanilang gawain ay may kaugnayan sa paglilinis ng kasalanan ng bayan ng Diyos, anupat ang gayong paglilinis ay salig sa hain ni Jesu-Kristo sa altar ng Diyos.​—Isa 6:3, 6, 7.

Ang Kanilang Anyo sa Pangitain. Kapag inilalarawan ang mga serapin bilang may mga paa, mga pakpak, at iba pa, dapat unawain na ito’y makasagisag lamang. Ang paghahalintulad ng kanilang anyo sa anyo ng mga makalupang nilalang ay paglalarawan lamang sa mga kakayahang taglay nila o sa mga gawaing ginagampanan nila, kung paanong madalas tukuyin ng Diyos ang kaniyang sarili sa makasagisag na paraan bilang may mga mata, mga tainga, at iba pang mga sangkap ng tao. Upang ipakita na walang sinumang tao ang nakaaalam kung ano ang anyo ng Diyos, sinabi ng apostol na si Juan: “Mga minamahal, tayo ngayon ay mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Alam natin na kailanma’t mahayag siya, tayo ay magiging tulad niya, sapagkat makikita natin siya kung ano nga siya.”​—1Ju 3:2.