Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Setro

Setro

Isang baton o tungkod na dinadala ng isang tagapamahala bilang isang emblema ng maharlikang awtoridad. Kung minsan, ang “setro” ay ginagamit sa makasagisag na diwa upang kumatawan sa mga hari (Eze 19:10, 11, 14) o awtoridad (Zac 10:11), lalo na sa maharlikang awtoridad.

Sa sinaunang Persia, malibang iunat ng monarka ang ginintuang setro, ang sinumang humarap sa hari nang hindi inanyayahan ay papatayin.​—Es 4:11; 5:2; 8:4.

Ipinahiwatig ng makahulang mga salita ni Jacob, “ang setro ay hindi lilihis mula kay Juda,” na ang paghahari ay magiging pag-aari ng tribo ni Juda at mananatiling gayon hanggang sa dumating ang Shilo. (Gen 49:10; tingnan ang BASTON NG KUMANDANTE.) Pagkalipas ng maraming siglo, winasak ng mga Babilonyo, na gumanap bilang pamuksang “tabak” ni Jehova, ang kaharian ng Juda at kinuha nilang bihag ang hari nito. Ipinahihiwatig ito ng mga salita ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel: “Isang tabak, isang tabak! Iyon ay pinatalas, at iyon ay pinakintab din. . . . Itinatakwil ba niyaon ang setro ng aking sariling anak, gaya ng ginagawa niyaon sa bawat punungkahoy? . . . Sapagkat isang pagsusuri ang isinagawa, at ano nga kung itinatakwil din niyaon ang setro?” (Eze 21:9, 10, 13) Ganito nga pinakitunguhan ng “tabak” na ito ang Judeanong “setro” ng Davidikong dinastiya, tulad ng bawat punungkahoy (na puputulin) o tulad ng ibang mga hari o mga kaharian na giniba nito.

Ipinakikita ng Awit 2, isang hula na ikinapit ni Pedro kay Jesu-Kristo (Gaw 4:25-27), na isang setrong bakal ang gagamitin ng pinahiran ni Jehova upang pagdurug-durugin ang mga bansa. (Aw 2:2, 6, 9; ihambing ang Apo 12:5; 19:15.) Yamang laging ginagamit ni Jesu-Kristo ang kaniyang maharlikang awtoridad sa tamang paraan, ang kaniyang setro ay isang setro ng katuwiran.​—Aw 45:6, 7; Heb 1:8, 9.

Sinasabi ng Awit 125:3 na “ang setro ng kabalakyutan ay hindi mananatili sa takdang bahagi ng mga matuwid.” Nagbibigay-katiyakan ang mga salitang ito na ang mga matuwid ay hindi laging sisiilin niyaong mga gumagamit ng awtoridad sa balakyot na paraan.