Shamah
1. Isang Edomitang shik; apo ni Esau sa pamamagitan ni Reuel.—Gen 36:10, 13, 17; 1Cr 1:37.
2. Isang nakatatandang kapatid ni Haring David, na tinatawag ding Simea(h) at Simei. (1Cr 2:13; 2Sa 13:3; 21:21) Bilang ikatlong anak ni Jesse, si Shamah ang ikatlong posibleng mapagpipilian na tinanggihan ni Samuel na pahiran bilang hari. (1Sa 16:6-9) Siya ay nasa hukbo ni Saul na tinutuya ni Goliat noong nagdala si David ng mga paglalaan. (1Sa 17:13, 14, 20, 23) Isa sa mga anak ni Shamah, si Jonatan, ang pumatay ng isang higanteng Filisteo. (2Sa 21:20, 21; 1Cr 20:6, 7) Iminumungkahi ng ilan na ang anak ni Shamah na si Jonatan ay tinatawag ding Jehonadab at siyang tusong tagapayo ni Amnon.—2Sa 13:3, 32.
3. Isa sa tatlong pinakamahuhusay na mandirigma ni David; anak ni Agee na Hararita. Sa isang pagkakataon, ipinagtanggol ni Shamah ang isang buong bukid laban sa mga Filisteo, anupat pinabagsak ang marami sa mga iyon. (2Sa 23:11, 12) Siya at ang dalawang iba pang pangunahing makapangyarihang mga lalaki ay pumaroon sa imbakang-tubig ng Betlehem (noon ay hawak ng mga Filisteo), upang kumuha ng tubig para kay David, na tinanggihan naman nitong inumin. (2Sa 23:13-17) Ang paghahambing ng magkatulad na mga talaan sa 1 Cronica 11:33, 34 at 2 Samuel 23:32, 33 (kung saan sa huling tekstong nabanggit ang pagbasang karaniwang iminumungkahi ay “si Jonatan na anak ni Shamah na Hararita”) ay magpapakita na ang Sagee ay isang kahaliling pangalan para sa Shamah, at na si Shamah ay nagkaroon ng anak na Jonatan na naging isang kilalang mandirigma rin ni David.
4. Isa sa 30 makapangyarihang lalaki ni David; isang Harodita. (2Sa 23:8, 25) Iba’t ibang baybay ng kaniyang pangalan ang waring lumilitaw sa 1 Cronica 11:27 (Samot) at sa 1 Cronica 27:8 (Samhut), na sa huling tekstong nabanggit ay ipinakikilala siya bilang ulo ng ikalimang pangkat ng buwanang paglilingkod.