Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Shik

Shik

[sa Ingles, sheik].

Isang titulo na kadalasang ibinibigay sa mga Edomita at mga Horitang pinuno ng tribo, mga anak ni Esau at mga anak ni Seir na Horita. (Exo 15:15) Sa Hebreo, ang katawagang ito ay ʼal·luphʹ, nangangahulugang “pinuno,” “lider ng isang libo.” (Tingnan ang Gen 36:15, tlb sa Rbi8.) Ang sinaunang Edomita at Horitang katawagan ay katumbas ng titulong “shik” na ginagamit ng makabagong mga Bedouin para sa mga lider ng tribo. Sa ilang salin ng Bibliya, mga titulong gaya ng “puno,” “pinuno,” at “duke” ang ginagamit sa halip na “shik.”

Pitong shik ng mga Horita ang itinala, pawang “mga anak ni Seir.” (Gen 36:20, 21, 29, 30) Maliwanag na 14 naman ang bilang ng mga shik ng Edom: pitong apo mula sa panganay ni Esau na si Elipaz na anak ng kaniyang asawang si Ada, apat na apo mula sa anak niyang si Reuel na anak ng kaniyang asawang si Basemat, at tatlo sa mga anak niya sa kaniyang asawang si Oholibama. (Gen 36:15-19) Gayunman, hindi matiyak kung dapat ibilang dito ang shik na si Kora na isinama sa mga anak ni Elipaz. Kung ang paglalakip sa shik na si Kora ay isang pagkakamali ng eskriba, gaya ng paniwala ng ilan, mangangahulugan ito na 13 lamang ang shik ng Edom. (Gen 36:16, tlb sa Rbi8) Ang pangalan ng mga liping nagmula sa mga shik na ito ay isinunod sa pangalan ng mga ito.

Sa Genesis 36:40-43 at 1 Cronica 1:51-54, isang naiibang talaan ng “mga shik ni Esau [ng Edom]” ang ibinibigay. Maaaring ang mga ito ay mga shik na mas huli kaysa roon sa mga naunang itinala. Gayunman, naniniwala ang ilang komentarista na ang mga ito ay hindi mga pangalan ng mga tao, kundi mga pangalan ng mga lunsod o mga rehiyon na sentro ng iba’t ibang mga pamunuan ng shik. Sinunod ng salin ng Jewish Publication Society ang pangmalas na ito anupat iyon ay kababasahan: “pinuno ng Timna, pinuno ng Alva,” at patuloy.