Siba
[Sumpa; o, Pito].
Isang balon na hinukay o muling hinukay ng mga lingkod ni Isaac sa Beer-sheba. (Gen 26:32, 33; ihambing ang 26:18.) Iniulat nila na nakasumpong sila ng tubig doon matapos silang makipagtipan ng isang tipan ng kapayapaan kay Abimelec na hari ng Gerar. Dahil dito, ang balon ay pinanganlan ni Isaac na “Siba” (tumutukoy sa isang panata o kapahayagan na sinumpaan sa pamamagitan ng pitong bagay). (Gen 26:26-33) Si Abraham ay nakipagtipan din kay Abimelec (maaaring ang Filisteong haring ito o iba pa na may gayunding pangalan o titulo). Noong pagkakataong iyon, si Abimelec ay tumanggap ng pitong babaing kordero mula sa patriyarka bilang katibayan na si Abraham ang nagmamay-ari ng pinagtatalunan nilang balon. Marahil ang balon ding iyon ang pinanganlan ni Isaac na “Siba.” Sa paggamit ni Isaac ng “Siba” (isang anyo ng pangalang Sheba), maliwanag na pinanatili rin niya ang pangalang “Beer-sheba,” na orihinal na ipinangalan ni Abraham sa lugar na ito.—Gen 21:22-32; tingnan ang BEER-SHEBA.