Sibad
[sa Heb., sis; sa Ingles, swift].
Isa sa pinakamabibilis na ibong lumilipad, anupat karaniwang umaabot sa bilis na mahigit sa 100 km/oras (60 mi/oras) at may kakayahang sumibad sa bilis na mga 200 km/oras (120 mi/oras) o mahigit pa. Buong-sigla nitong ipinapagaspas ang kaniyang mahahaba, maninipis at hugis-karit na mga pakpak at waring wala itong kapaguran habang sumasalimbay at sumisibad sa paninila ng insekto, na nilululon niya habang lumilipad. Sa apat na uri ng sibad na makikita sa Israel, ang Alpine swift (Apus melba) ang pinakamalaki at makikilala ito dahil sa kulay puting tiyan nito. Sa nandarayuhang mga sibad, ito ang unang dumarating sa Palestina kapag malapit nang magtagsibol, at sa di-kalaunan ay sinusundan naman ito ng pagdagsa ng mga common swift (Apus apus). Gumagawa sila ng pugad sa madidilim na lugar, kadalasa’y sa ilalim ng medya-agwa ng mga bubong, at kung minsan, sa loob ng hungkag na mga punungkahoy o sa gilid ng mga dalisdis. Ang mga ito’y yari sa dayami at mga balahibo na pinagdikit-dikit ng malagkit na laway na nanggagaling sa mga glandula ng ibong ito. Maliwanag na ang mga paa ng sibad ay hindi dinisenyong ipanlakad o ipandapo, kaya kinukuha ng ibong ito ang lahat ng kaniyang pagkain at materyales sa paggawa ng pugad habang siya’y lumilipad. Sumasagap ito ng maiinom sa pamamagitan ng pagsalimbay sa ibabaw ng tubig, at nagpapahinga ito sa pamamagitan ng pagkapit sa patayong mga gilid. Ang huni ng sibad ay waring pahibik at mapanglaw.
Ang Hebreong sis ay tumutukoy sa sibad, at pinatutunayan iyan ng paggamit ng ganito ring pangalang Arabe para sa ibong iyon. Iminumungkahi ng ilang iskolar na ang pangalang ito’y tumutukoy sa
isang humahagibis na tunog. Ipinapalagay naman ng iba na ang pangalang ito’y kumakatawan sa matinis na huning si-si-si ng sibad.Matapos gumaling sa kaniyang karamdaman, ang palaisip na si Hezekias ay gumawa ng isang komposisyon kung saan sinabi niya na siya’y ‘laging humuhuni na tulad ng sibad,’ anupat maliwanag na sa mapanglaw na paraan. Ginamit ng propetang si Jeremias ang nandarayuhang sibad bilang halimbawa nang sawayin niya ang taong-bayan ng Juda dahil hindi nakilala ng mga ito ang panahon ng paghatol ng Diyos.—Isa 38:14; Jer 8:7.