Sikem
[Balikat [ng Lupain]].
1. Anak ng Hivitang pinuno na si Hamor. (Gen 33:19; Jos 24:32) Nang manirahan si Jacob malapit sa lunsod ng Sikem (tingnan ang Blg. 4), nagsimulang makisama ang kaniyang anak na si Dina sa mga babae ng lunsod na ito. Nakita ng lalaking si Sikem, na inilarawan bilang “ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kaniyang ama,” si Dina at kaniyang “sinipingan siya at hinalay siya.” Pagkatapos ay inibig niya si Dina at ninais niyang mapangasawa ito. Ngunit nagalit ang mga anak ni Jacob sa nangyari at “may panlilinlang” nilang sinabi na tanging sa mga tuling lalaki lamang sila makagagawa ng mga kaayusan sa pag-aasawa. Pumayag sa kundisyong ito si Sikem at ang kaniyang amang si Hamor, at kinumbinsi nila ang mga Sikemita na magpatuli. Gayunman, bago gumaling sa pagkakatuli ang mga lalaki ng Sikem, sinalakay ng mga anak ni Jacob na sina Simeon at Levi ang lunsod, at pinatay nila si Hamor, si Sikem, at ang lahat ng iba pang mga lalaki.—Gen 34:1-31.
2. Anak ni Gilead na mula sa tribo ni Manases. Si Sikem ang naging ulo ng pamilya ng mga Sikemita, na hindi dapat ipagkamali sa mga Canaanitang nanirahan sa Sikem.—Bil 26:28, 30, 31; Jos 17:2.
3. Anak ni Semida na mula sa tribo ni Manases.—1Cr 7:19.
4. Isang sinaunang lunsod na iniuugnay sa Nablus o, partikular na, sa kalapit na Tell Balata. (Aw 60:6; 108:7; LARAWAN, Tomo 1, p. 530) Palibhasa’y nasa S dulo ng makitid na libis na bumabagtas sa pagitan ng Bundok Gerizim at Bundok Ebal, ang Tell Balata ay mga 48 km (30 mi) sa H ng Jerusalem. Mayroon itong saganang suplay ng tubig, at sa gawing S lamang ng lugar na ito’y may matabang kapatagan. Noong sinaunang panahon, kontrolado ng Sikem ang S-K at H-T na mga daan na tumatalunton sa gitnang Palestina. (Ihambing ang Huk 21:19.) Yamang wala itong bentaha sa militar dahil hindi ito nakatayo sa isang bundok, umasa ang lunsod sa mga kuta nito para sa seguridad.—Huk 9:35.
Nang unang pumasok si Abram (Abraham) sa Lupang Pangako, naglakbay siya hanggang sa “kinaroroonan ng Sikem” at nagkampo malapit sa malalaking punungkahoy ng More, kung saan siya nagtayo ng isang altar nang maglaon. (Gen 12:6-9) Pagkaraan ng halos dalawang siglo, si Jacob, pagkabalik niya mula sa Padan-aram, ay nagkampo sa tapat ng Sikem at bumili ng lupain dito. Bilang reaksiyon sa panghahalay ni Sikem na anak ni Hamor sa kanilang kapatid na si Dina, pinatay ng mga anak ni Jacob na sina Simeon at Levi ang mga lalaki ng lunsod. (Gen 33:18–34:31) Sa utos ng Diyos, nilisan ni Jacob ang Sikem, ngunit bago niya ginawa iyon, kinuha niya ang lahat ng mga banyagang diyos at mga hikaw ng kaniyang sambahayan at ibinaon niya ang mga ito sa ilalim ng malaking punungkahoy na malapit sa Sikem. (Gen 35:1-4) Nang maglaon, ang mga anak ni Jacob ay ligtas na nakapagpastol ng kanilang mga kawan malapit sa lunsod na ito. Tiyak na iyon ay dahil may epekto pa rin sa karatig na mga bayan ang “pangingilabot sa Diyos,” na humadlang sa kanila noon kung kaya hindi nila tinugis si Jacob.—Gen 35:5; 37:12-17.
Nang pumasok ang mga inapo ni Jacob, ang mga Israelita, sa Lupang Pangako pagkaraan ng mahigit sa dalawang siglong paninirahan sa Ehipto, inilibing nila ang mga buto ni Jose “sa Sikem sa bahagi ng parang na binili ni Jacob mula sa mga anak ni Hamor.” (Jos 24:32) Gayunman, sa kaniyang pagtatanggol sa harap ng mga Judio, sinabi ni Esteban na inilibing si Jose “sa libingan na binili ni Abraham . . . mula sa mga anak ni Hamor sa Sikem.” (Gaw 7:16) Marahil ay hindi kumpleto ang pananalita ni Esteban. Kung kukumpletuhin ito, ang pananalita ni Esteban ay maaaring kabasahan ng: ‘Si Jacob ay bumaba sa Ehipto. At siya ay namatay; at gayundin ang ating mga ninuno, at inilipat sila sa Sikem at inilagay sa libingan na binili ni Abraham kapalit ng isang halaga ng salaping pilak [at doon sa binili] mula sa mga anak ni Hamor sa Sikem.’ (Gaw 7:15, 16) May posibilidad din na, yamang si Jacob ay apo ni Abraham, ang pagbili ay ipinatungkol kay Abraham dahil siya ang patriyarkang ulo. Ito’y halimbawa ng paggamit ng pangalan ng ninuno para tukuyin ang mga inapo, gaya ng paggamit nang maglaon sa pangalang Israel (Jacob) at sa iba pang mga pangalan.—Ihambing ang Os 11:1, 3, 12; Mat 2:15-18.
Sa mga takdang bahagi ng mga tribo sa Lupang Pangako, waring ang Sikem ay nasa teritoryo ng Manases, anupat mga 3 km (2 mi) sa HK ng hanggahang bayan ng Micmetat. (Jos 17:7) Yamang ang Sikem ay inilalarawang nasa “bulubunduking pook ng Efraim,” maaaring ito’y isang nakapaloob na Efraimitang lunsod sa teritoryo ng Manases. (Jos 16:9; 1Cr 6:67) Nang maglaon, ang lunsod na ito’y iniatas sa mga Levita kasama ng iba pang mga Efraimitang lunsod at binigyan ng sagradong katayuan bilang isang kanlungang lunsod. (Jos 21:20, 21) Nang malapit nang mamatay si Josue, tinipon niya ang lahat ng mga tribo ng Israel sa Sikem, anupat pinatibay-loob sila na maglingkod kay Jehova.—Jos 24:1-29.
Bagaman nakipagtipan ang mga Israelita sa Sikem na itataguyod nila ang tunay na pagsamba, nagsimulang sumamba kay Baal-berit ang mga naninirahan sa lunsod na ito. (Huk 8:33; 9:4) Sinuportahan din nila ang mga pagsisikap ni Abimelec (ang anak ni Hukom Gideon at ng Sikemitang babae nito) na maging hari. Ngunit, sa kalaunan, naghimagsik sila laban kay Haring Abimelec. Upang sugpuin ang kanilang paghihimagsik, winasak ni Abimelec ang lunsod at hinasikan niya ito ng asin, marahil ay bilang sagisag ng pagnanais niyang matiwangwang ito nang panghabang-panahon.—Huk 8:31-33; 9:1-49; ihambing ang Aw 107:33, 34; tingnan ang ABIMELEC Blg. 4; BAAL-BERIT.
Nang maglaon ay muling itinayo ang Sikem. Yamang dito itinalaga si Rehoboam bilang hari, ipinakikita nito na ang Sikem ay naging isang mahalagang lunsod. (1Ha 12:1) Pagkatapos na mahati ang kaharian, si Jeroboam, na unang hari ng hilagang kaharian, ay gumawa ng pagtatayo sa Sikem at lumilitaw na namahala siya mula roon sa loob ng ilang panahon. (1Ha 12:25) Pagkaraan ng maraming siglo, noong 607 B.C.E., pagkatapos wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, may mga lalaki mula sa Sikem na dumating sa Jerusalem para sumamba.—Jer 41:5.