Siko
[sa Ingles, cubit].
Isang panukat ng haba na halos katumbas ng distansiya na mula sa siko hanggang sa dulo ng hinlalato. (Deu 3:11) May mga pahiwatig na karaniwang ginagamit noon ng mga Israelita ang isang siko na mga 44.5 sentimetro (17.5 pulgada), at ibinabatay rito ang mga kalkulasyon sa publikasyong ito. Bilang halimbawa, sinasabi sa Siloam Inscription na 1,200 siko ang haba ng paagusan ng tubig na itinayo ni Haring Hezekias. Alinsunod sa makabagong mga sukat, ang paagusang ito ay may habang 533 m (1,749 na piye). Kaya, kung kakalkulahin mula sa aktuwal na mga numerong ito, ang isang siko ay magiging katumbas ng 44.4 sentimetro (17.49 pulgada). Gayundin, maraming gusali at nababakurang lugar na nahukay sa Palestina ang masusukat sa pamamagitan ng buong mga bilang [whole number] ng yunit na ito, anupat nagbibigay ng karagdagang saligan upang ang siko ay tuusin na mga 44.5 sentimetro (17.5 pulgada).
Maliwanag na gumamit din ang mga Israelita ng isang mas malaking siko na mas mahaba nang isang sinlapad-ng-kamay (7.4 sentimetro; 2.9 pulgada) kaysa sa “karaniwang” siko. Ang mas malaking sikong ito na mga 51.8 sentimetro (20.4 pulgada) ang tinutukoy sa mga sukat ng templo sa pangitain ni Ezekiel. (Eze 40:5) Maaaring mayroon ding isang maikling siko na mga 38 sentimetro (15 pulgada), anupat sinukat mula sa siko hanggang sa mga bukó ng nakakuyom na kamay.—Huk 3:16, tlb sa Rbi8.