Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Silangan

Silangan

Ang salitang ito ay isinalin mula sa Hebreong miz·rachʹ, literal na nangangahulugang “sikatan ng araw” (Deu 3:27; 1Cr 4:39), at mula sa mga pangngalang hinalaw sa pandiwang qa·dhamʹ, nangangahulugang “nasa harap.” (Eze 48:2) Kaugalian noon ng mga Hebreo na humarap sa sikatan ng araw kapag inaalam nila ang direksiyon, na nangangahulugang ang S ay nasa harap nila, ang K ay nasa likuran, ang H ay nasa kaliwa, at ang T ay nasa kanan.

Kung minsan, ang qeʹdhem ay ginagamit upang tumukoy sa pasilangang direksiyon, gaya sa Genesis 11:2. Sa ibang mga pagkakataon ay nangangahulugan ito ng “silangan” ng iba pang bagay, gaya sa Bilang 34:11, kung saan lumilitaw ang pananalitang “silangan ng Ain.” Sa iba pa ring mga pagkakataon, tumutukoy ito sa lugar na nasa S at HS ng Israel. Kabilang dito ang mga lupain ng Moab at Ammon, ang Disyerto ng Arabia, ang Babilonia, Persia, Asirya, at Armenia.

Ang iba’t ibang grupo ng mga tao na naninirahan sa mga lupaing tinukoy ng salitang “silangan” ay tinawag na “mga anak ng Silangan.” Si Job ay tinawag na pinakadakila sa lahat ng “mga taga-Silangan,” o “mga anak ng Silangan.” (Job 1:3) Nanirahan siya sa isang lugar sa silangan. Nang pumaroon si Jacob sa Mesopotamia upang humanap ng mapapangasawa, sinasabing pumaroon siya sa lupain ng “mga taga-Silangan,” o “mga anak ng Silangan.” (Gen 29:1) Ang mga tao sa dakong S ng Israel ay tinawag ding “mga anak ng Silangan,” o “mga taga-Silangan,” gaya sa Hukom 6:3; 8:10.

Sa Palestina, ang hanging S ay mainit na hanging humihihip mula sa mga disyertong lupain sa S at mapaminsala sa mga pananim. (Eze 19:12) Ito ang saligan ng pananalitang ‘punuin ang tiyan ng isa ng hanging silangan.’​—Job 15:2.

Ang tabernakulo, ang mga templo ni Solomon at ni Zerubabel, at ang ikalawang templo na muling itinayo ni Herodes ay pawang nakaharap sa S. (Bil 3:38) Ang templo sa pangitain ni Ezekiel ay nakaharap sa gawing silangan. (Eze 47:1) Samakatuwid, ang pagdating ni Jehova at ni Kristo sa templo ay aasahang mula sa S.

Sa Isaias 46:11, si Ciro, ang Persianong hari, ay tinutukoy bilang nanggagaling sa “silangan” (KJ), o “sikatan ng araw” (NW). Ang mga ulat na inihulang manggagaling sa “silangan” (KJ) ay, sa literal, mula sa “sikatan ng araw,” o miz·rachʹ. (Dan 11:44) Sa aklat ng Apocalipsis, muling tinukoy sina Dario at Ciro bilang ang makalarawang “mga haring mula sa sikatan ng araw” may kaugnayan sa pagkatuyo ng makasagisag na Eufrates sa panahon ng paghatol sa Babilonyang Dakila.​—Apo 16:12, 19.

Ang mga astrologong dumalaw kay Jesus pagkapanganak sa kaniya ay nanggaling sa direksiyon ng Babilonya, mula sa “mga silanganing bahagi.” (Mat 2:1) Nang sabihin nila na nakita nila ang kaniyang bituin “sa silangan [sa Gr., a·na·to·leiʹ, sa literal, “sikatan”],” gaya ng sinasabi sa ilang salin ng Bibliya, hindi nila ibig sabihin na iyon ay sa gawing S ng kanilang lupain kundi nakita nila iyon mula sa Silangan o noong naroon sila sa Silangan.​—Mat 2:2, tlb sa Rbi8.