Silas, Silvano
[mula sa Lat., nangangahulugang “Kagubatan; Kakahuyan”].
Isang nangungunang miyembro ng unang-siglong kongregasyong Kristiyano sa Jerusalem, isang propeta, at kasamahan ni Pablo sa kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Lumilitaw na isa siyang mamamayang Romano. (Gaw 15:22, 26, 27, 32, 40; 16:19, 25, 37, 38) Malamang na ang pangalang Silvano, na masusumpungan sa mga liham nina Pablo at Pedro, ay anyong Latin ng pangalang Griego na Silas, na ginamit ni Lucas sa Mga Gawa.
Pinili ng kongregasyon sa Jerusalem si Silas upang samahan sina Bernabe at Pablo pabalik sa Antioquia, Sirya, upang dalhin sa kongregasyon doon ang pasiya may kinalaman sa pagtutuli.—Gaw 15:22, 30-32.
Hindi tiyak kung si Silas ay nanatili sa kapaligiran ng Antioquia o bumalik sa Jerusalem. Ang ilang manuskrito ay may Gawa 15:34, na kababasahan: “Ngunit minabuti ni Silas na manatili pa roon.” Ngunit ang talatang ito ay wala sa pinakaprominenteng mga manuskrito. (Tingnan ang tlb sa Rbi8.) Anuman ang nangyari, si Silas ay nasa Antioquia sa pasimula ng ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero. Mula roon, siya at si Pablo ay naglakbay sa H at sa K na dumaraan sa Sirya, pagkatapos ay sa Cilicia at sa iba pang mga pook ng Asia Minor. Sumama si Timoteo sa kanila sa Listra at si Lucas naman sa Troas.
Palibhasa’y inanyayahan sila sa Macedonia sa pamamagitan ng isang panaginip na ibinigay kay Pablo, tumigil muna sila sa Filipos. Sa pamilihan doon, sina Silas at Pablo ay hinampas ng mga pamalo dahil sa utos ng mga mahistrado sibil at inilagay sila sa mga pangawan ng bilangguan, ngunit noong kinagabihan, habang sila ay nananalangin at umaawit ng mga awit, isang lindol ang nagkalag ng kanilang mga gapos ng bilangguan at ang mga pinto ng kulungan ay nabuksan. Labis na natakot ang tagapagbilanggo at nang makinig siya kina Pablo at Silas ay naging isang Kristiyano, anupat hinugasan ang kanilang mga sugat na tinamo sa pambubugbog.—Gaw 15:41–16:40.
Nagtagumpay ang kanilang ministeryo sa Tesalonica at Berea, kung saan pansamantalang naiwan sina Silas at Timoteo samantalang pumaroon naman si Pablo sa Atenas at Corinto. (Gaw 17:1, 10, 14-16; 18:1) Nang maabutan nina Silas at Timoteo si Pablo sa Corinto nang dakong huli, patuloy nilang tinulungan si Pablo. Habang naroon ay sumama sila kay Pablo sa pagsulat ng dalawang liham sa mga taga-Tesalonica. (1Te 1:1; 2Te 1:1) Hindi na muling binanggit si Silas sa mga makasaysayang salaysay ng mga paglalakbay ni Pablo.
Pagkaraan ng ilang taon, noong mga 62-64 C.E., isinulat ni Pedro ang kaniyang unang liham mula sa Babilonya “sa pamamagitan ni Silvano,” maliwanag na nangangahulugang gumanap si Silvano bilang kalihim ni Pedro. Inilarawan siya roon bilang “isang tapat na kapatid,” at malamang na siya ang Silvano na dating kasama ni Pablo.—1Pe 5:12.