Siloam
[mula sa Heb., nangangahulugang “Ipinadala; Isinugo”].
Isang tipunang-tubig sa Jerusalem. Dito pinaghugas ni Jesu-Kristo ang isang lalaking bulag upang makakita. (Ju 9:6, 7, 11; LARAWAN, Tomo 2, p. 950) Natuklasan sa mga kamakailang paghuhukay ang isang tipunang-tubig noong unang siglo, na ang tubig ay nagmumula sa bukal ng Gihon, mga 100 m (330 piye) sa TS ng Birket Silwan (tinatawag ding Tipunang-tubig ng Siloam), at naniniwala ang mga arkeologo na ito ang tipunang-tubig na iyon. Trapezoid ang hugis nito, at may mga baytang ito sa di-bababa sa tatlong gilid nito. Ang isang gilid ay may habang 70 m (225 piye), pero hindi pa nahuhukay nang buo ang tipunang-tubig.
May kinalaman sa inskripsiyon ng Siloam, tingnan ang HEZEKIAS; gayundin ang LARAWAN, Tomo 1, p. 960.
Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, maliwanag na alam na alam ng karamihan na ang “tore sa Siloam” ay bumagsak at pumatay ng 18 katao. Iminumungkahi na ang toreng ito ay nasa Ophel Ridge, ngunit hindi alam kung saan ang aktuwal na lokasyon nito sa Jerusalem.—Luc 13:4.