Sin
Isang pangalang tumutukoy sa isang ilang at sa isang lunsod.
1. Isang pook na ilang. Dito lumipat ang mga Israelita, humigit-kumulang isang buwan pagkatapos ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto, pagkaraan nilang lisanin ang Elim at ang isang lugar na pinagkampuhan nila sa tabi ng Dagat na Pula. Pagkagaling sa ilang na ito, may ilan pa silang mga lugar na pinagkampuhan, kabilang na rito ang Dopka, Alus, at Repidim, bago sila nakarating sa Sinai. (Exo 16:1; 17:1; Bil 33:9-15) Sa Ilang ng Sin bumangon ang bulung-bulungan at mga pagrereklamo sa kampo dahil sa kawalan ng karne. Dito pinangyari ni Jehova na isang kawan ng pugo ang “tumakip sa kampo,” at dito kumain ng manna ang mga Israelita sa unang pagkakataon. Noong pagkakataon ding iyon ipinatupad ang kautusan ng Sabbath.—Exo 16:2-30.
Hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng Ilang ng Sin, bagaman maliwanag na ito’y nasa kahabaan ng TK hanggahan ng Peninsula ng Sinai. Karaniwang pinapaboran ng mga heograpo ang mabuhanging lupain na kilala bilang Debbet er-Ramleh at nasa kahabaan ng paanan ng Talampas ng Sinai. Ang disyertong kapatagang ito ay malapit din sa iminumungkahing lokasyon ng Dopka.
2. Kabilang ang Sin sa mga lunsod ng Ehipto na nakatakdang dumanas ng tabak na dadalhin sa lupaing iyon sa pamamagitan ng kamay ng Babilonyong si Haring Nabucodonosor. (Eze 30:6, 10, 15, 16) Tinatawag itong “tanggulan ng Ehipto.” Tinatanggap ng ilang awtoridad sa ngayon ang pag-uugnay nito sa Pelusium, isang pag-uugnay na matatagpuan sa Latin na Vulgate. Ang Pelusium ay isang sinaunang tanggulang lunsod na nasa pangunahing posisyon ng depensa laban sa pagsalakay mula sa kontinente ng Asia. Karaniwang tinatanggap na ang lokasyon nito ay tumutugma sa makabagong-panahong Tell el Farame, isang lugar na mga 32 km (20 mi) sa TS ng Port Said sa baybaying dagat ng Mediteraneo. Kaya naman, masusumpungan ng mga pulutong na naglalakbay o ng mga hukbo na bumababa sa baybayin ng Filistia ang tanggulang ito na waring nakabantay sa pasukan ng Ehipto. Binabanggit ito ng Asiryanong si Haring Ashurbanipal sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan. Sa ngayon, ang sinaunang lugar na ito’y napalilibutan ng buhangin at mga latian.