Sinagoga
Sa Griegong Septuagint, halinhinang ginagamit ang salitang ek·kle·siʹa, nangangahulugang “kapulungan” o “kongregasyon,” at ang salitang sy·na·go·geʹ (pagtitipun-tipon). Nang maglaon, ang salitang “sinagoga” ay nangahulugang dako o gusali na pinagdarausan ng kapulungan. Gayunman, hindi naman nito lubusang naiwala ang orihinal nitong kahulugan, sapagkat ang Dakilang Sinagoga noon ay hindi isang malaking gusali kundi isang kapulungan ng mga bantog na iskolar, na kinikilalang nagsaayos ng kanon ng Hebreong Kasulatan para sa mga Palestinong Judio. Sinasabing nagpasimula ang Dakilang Sinagoga noong mga araw ni Ezra o ni Nehemias at nagpatuloy hanggang sa panahon ng Dakilang Sanedrin, noong mga ikatlong siglo B.C.E. Ginamit ni Santiago ang salitang sinagoga sa diwa ng isang Kristiyanong pagpupulong o pangmadlang pagtitipon.—San 2:2.
Sa Apocalipsis 2:9 at 3:9, ang “sinagoga” ay tumutukoy sa isang kapulungang pinamumunuan ni Satanas. Mayroon din tayong mababasang “Sinagoga ng mga Pinalaya.”—Gaw 6:9; tingnan ang TAONG PINALAYA, TAONG LAYA.
Hindi tiyak kung kailan unang itinatag ang mga sinagoga, ngunit waring iyon ay noong panahon ng 70-taóng pagkakatapon sa Babilonya nang walang templo na umiiral, o kaya’y di-nagtagal pagkabalik mula sa pagkatapon, nang mariing itawag-pansin ni Ezra na saserdote ang pangangailangan ng kaalaman tungkol sa Kautusan.
Noong mga araw ng ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa, ang bawat bayan sa Palestina gaano man kalaki ay nagkaroon ng kani-kaniyang sinagoga, at ang mas malalaking lunsod ay nagkaroon ng mahigit sa isa. Ang Jerusalem ay nagkaroon ng maraming sinagoga. Iniulat pa nga ng Kasulatan ang tungkol sa isang sinagoga na ipinatayo ng isang Romanong opisyal ng hukbo para sa mga Judio. (Luc 7:2, 5, 9) Isa sa pinakamaiinam na natagpuang guho ng sinagoga ay nahukay sa Tell Hum (Kefar Nahum), ang posibleng lokasyon ng sinaunang Capernaum. Noong una ay dalawa ang palapag ng gusaling ito. Iba-iba ang petsang ibinibigay ng mga iskolar para sa sinagogang ito, anupat mula huling bahagi ng ikalawang siglo C.E. hanggang maagang bahagi ng ikalimang siglo C.E. Ang mismong istraktura ay itinayo sa kinaroroonan ng isang mas naunang sinagoga na mula pa noong unang siglo C.E. Ang mas naunang sinagogang iyon, na ang mga guho ay bahagyang nahukay kamakailan, ay may haba na 24.2 m (79.4 piye) at may lapad na 18.5 m (60.7 piye).
Ang isang mahalagang katangian ng mga sinaunang sinagoga ay mayroon itong taguan ng mga balumbon ng Kasulatan. Sa pinakamatandang kaugalian, maliwanag na ang mga balumbon ay itinatago sa labas ng pangunahing gusali o sa isang nakabukod na silid, bilang pag-iingat. Nang maglaon, ang mga ito’y iningatan sa isang nabubuhat na kaban, o kahon, na inilalagay naman sa puwesto niyaon kapag panahon na ng pagsamba. Sa mga sinagoga noong dakong huli, ang kaban na iyon ay naging bahagi ng arkitektura ng mismong gusali, anupat nakakabit o nakasandal sa isa sa mga dingding. Kalapit naman ng kaban at nakaharap sa kongregasyon ang mga upuan para sa mga punong opisyal ng sinagoga at para sa kilaláng mga panauhin. (Mat 23:6) Ang Kautusan ay binabasa mula sa isang mataas na plataporma, na karaniwa’y nasa gitna ng sinagoga. Sa tatlong panig ng platapormang ito ay may lugar na mauupuan o mga bangkô para sa mga tagapakinig, at posibleng may nakabukod na seksiyon doon para sa mga babae. Waring mahalaga ang posisyon ng gusali, anupat tinitiyak na sa Jerusalem nakaharap ang mga mananamba.—Ihambing ang Dan 6:10.
Programa ng Pagsamba. Ang sinagoga ay nagsilbing dako para sa pagtuturo at hindi para sa paghahain. Tanging sa templo ginagawa ang mga paghahain. Lumilitaw na kasama sa mga gawain sa sinagoga ang pagpuri, pananalangin, pagbigkas at pagbabasa ng Kasulatan, gayundin ang pagpapaliwanag at pagpapayo o pangangaral. Itinatampok sa pagbibigay ng papuri ang Mga Awit. Nang maglaon, ang mga panalangin, bagaman may mga bahaging halaw sa Kasulatan, ay naging mahahaba at Mar 12:40; Luc 20:47.
ritwalistiko at kadalasa’y binibigkas nang paimbabaw o bilang pakitang-tao.—Ang isang pitak ng pagsamba sa sinagoga ay ang pagbigkas sa Shema, o yaong katumbas ng Judiong kapahayagan ng pananampalataya. Nakuha ang pangalan nito sa unang salita ng unang kasulatang binibigkas, “Pakinggan mo [Shemaʽʹ], O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.” (Deu 6:4) Ang pinakamahalagang bahagi ng serbisyo ay ang pagbabasa ng Torah o Pentateuch, na ginagawa tuwing Lunes, Huwebes, at bawat Sabbath. Sa maraming sinagoga, ang buong Kautusan ay nakaiskedyul na basahin sa loob ng isang taon; sa iba naman ang programa ay umaabot nang tatlong taon. Dahil sa pagpapahalagang ito sa pagbabasa ng Torah kung kaya masasabi ng alagad na si Santiago sa mga miyembro ng lupong tagapamahala sa Jerusalem: “Mula noong sinaunang mga panahon, si Moises ay mayroon sa lunsod at lunsod niyaong mga nangangaral tungkol sa kaniya, sapagkat binabasa siya nang malakas sa mga sinagoga sa bawat sabbath.” (Gaw 15:21) Binabanggit din ng Mishnah (Megillah 4:1, 2) ang kaugalian ng pagbabasa ng mga halaw mula sa mga propeta, tinatawag na mga haftarah, at ang pagpapaliwanag sa mga ito. Nang pumasok si Jesus sa sinagoga ng kaniyang sariling bayan ng Nazaret, ibinigay sa kaniya ang isa sa mga balumbon na naglalaman ng mga haftarah na babasahin, pagkatapos ay ipinaliwanag niya ang mga iyon, gaya ng kaugalian noon.—Luc 4:17-21.
Kasunod ng pagbabasa ng Torah at ng mga haftarah, pati na ang pagpapaliwanag sa mga iyon, ay ang pangangaral o pagpapayo. Mababasa natin na si Jesus ay nagturo at nangaral sa mga sinagoga sa buong Galilea. Iniulat din ni Lucas na “pagkatapos ng pangmadlang pagbabasa ng Kautusan at ng mga Propeta,” sina Pablo at Bernabe ay inanyayahang magsalita, upang mangaral.—Mat 4:23; Gaw 13:15, 16.
Pangangaral ni Pablo. Pagkatapos ng Pentecostes ng 33 C.E. at ng pagkakatatag ng kongregasyong Kristiyano, ang mga apostol, lalo na si Pablo, ay nangaral nang puspusan sa mga sinagoga. Kapag pumapasok si Pablo sa isang lunsod, kadalasa’y pumupunta muna siya sa sinagoga at nangangaral doon. Mga Judio ang una niyang binibigyan ng pagkakataong makarinig ng mabuting balita ng Kaharian. Pagkatapos ay nagtutungo siya sa mga Gentil. Sa ilang kaso, gumugol siya ng mahabang panahon sa sinagoga, anupat nangaral doon sa loob ng ilang Sabbath. Sa Efeso, nagturo siya sa sinagoga sa loob ng tatlong buwan, at nang bumangon ang pagsalansang, inalis niya roon ang mga alagad na nanampalataya at ginamit niya ang awditoryum ng paaralan ni Tirano sa loob ng mga dalawang taon.—Gaw 13:14; 17:1, 2, 10, 17; 18:4, 19; 19:8-10.
Maliwanag na hindi ginagamit ni Pablo ang mga sinagogang Judio bilang mga dako ng pagtitipon para sa kongregasyong Kristiyano. Hindi rin naman siya nagdaraos ng mga pagtitipon kapag Linggo, sapagkat Judiong Sabbath, o araw ng Sabado, ang ginagamit niya sa pangangaral sa mga Judio dahil sa araw na iyon sila nagkakatipon.
Mga Pagkakatulad sa Kristiyano. Hindi naging mahirap para sa unang mga Judiong Kristiyano na magdaos ng maayos at nakapagtuturong mga pagtitipon para sa pag-aaral ng Bibliya yamang may parisan na sila sa mga sinagoga na pamilyar sa kanila noon. Marami tayong makikitang pagkakatulad ng sinagogang Judio at ng kongregasyong Kristiyano. Sa sinagogang Judio, gaya rin sa kongregasyong Kristiyano, walang ibinukod na mga saserdote o klerigo na halos sila lamang ang nagtuturo. Sa sinagoga, sinumang debotong Judio ay makababahagi sa pagbabasa at pagpapaliwanag. Sa kongregasyong Kristiyano naman, ang lahat ay gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag at nag-uudyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, ngunit sa maayos na paraan. (Heb 10:23-25) Sa sinagogang Judio, ang mga babae ay hindi nagturo ni nagkaroon man ng awtoridad sa mga lalaki; hindi rin ginagawa ng mga babae sa kapulungang Kristiyano ang mga bagay na ito. Nasa Unang Corinto kabanata 14 ang mga tagubilin para sa mga pagtitipon ng kongregasyong Kristiyano, at makikita na ang mga ito’y kahawig na kahawig ng mga pamamaraan sa sinagoga.—1Co 14:31-35; 1Ti 2:11, 12.
Kung paanong may mga punong opisyal at mga tagapangasiwa sa mga sinagoga, gayundin sa sinaunang mga kongregasyong Kristiyano. (Mar 5:22; Luc 13:14; Gaw 20:28; Ro 12:8) May mga tagapaglingkod o mga katulong sa mga sinagoga, at gayundin naman ang mga Kristiyano sa kanilang anyo ng pagsamba. Noon ay may isa na kung tawagi’y sugo o mensahero ng sinagoga. Bagaman wala itong katumbas sa ulat ng kasaysayan ng sinaunang kongregasyong Kristiyano, isang kahawig na katawagang “anghel” ang nasa mga mensaheng ipinadala ni Jesu-Kristo sa pitong kongregasyon sa Asia Minor.—Luc 4:20; 1Ti 3:8-10; Apo 2:1, 8, 12, 18; 3:1, 7, 14.
Ang sinagoga ay nagsilbi ring parisan ng mga kapulungang Kristiyano sa sumusunod na mga aspekto: Kinilala ng lokal na mga sinagoga ang awtoridad ng Sanedrin sa Jerusalem, kung paanong kinikilala ng mga kongregasyong Kristiyano ang awtoridad ng lupong tagapamahala sa Jerusalem, gaya ng malinaw na ipinakikita ng Gawa kabanata 15. Sa mga ito, walang ginagawang pangongolekta ng salapi, gayunman, kapuwa sila may probisyon ng pag-aabuloy para sa kapulungan at sa mga naglilingkod doon at para sa mga dukha.—2Co 9:1-5.
Pareho ring nagsilbing hukuman ang mga ito. Sa sinagoga dinirinig at nilulutas ang maliliit na kasong kinasasangkutan ng mga Judio. Kaya naman, nangatuwiran ang apostol na si Pablo na dapat hayaan ng mga Kristiyano na yaong mga maygulang sa kongregasyon ang humatol sa mga usaping kinasasangkutan ng mga Kristiyano sa halip na pumaroon sila sa mga hukuman ng sanlibutan upang lutasin ang gayong mga di-pagkakaunawaan. (1Co 6:1-3) Bagaman sa kaayusan ng sinagoga ay may probisyon ng paghagupit sa nagkasala, sa kongregasyong Kristiyano, ang gayong kaparusahan ay limitado lamang sa mga pagsaway. Katulad ng kaayusan para sa mga Judio sa sinagoga, ang pinakamatinding pagkilos na maaaring gawin sa kongregasyong Kristiyano laban sa isa na nag-aangking Kristiyano ay ang itiwalag siya mula roon.—1Co 5:1-8, 11-13; tingnan ang KONGREGASYON; PAGTITIWALAG.
Inihula ni Jesus na hahagupitin sa mga sinagoga ang kaniyang mga tagasunod (Mat 10:17; 23:34; Mar 13:9) at na patatalsikin o ititiwalag sila mula sa mga iyon. (Ju 16:2) Sa gitna ng mga Judio, may mga tagapamahala na naniniwala kay Jesus, ngunit dahil sa takot na matiwalag mula sa kongregasyong Judio, hindi nila siya ipinapahayag. (Ju 12:42) Dahil sa pagpapatotoo kay Jesus, pinalayas ng mga Judio mula sa sinagoga ang isang lalaking isinilang na bulag na pinagaling ni Jesus.—Ju 9:1, 34.